KABANATA 47:
CAELAN POINT OF VIEW:NAMATAY SI INA, SINADYA IYON NI AMA. Matagal ko nang alam ang lihim na pagtitinginan ni Auntie Ida at ng aking Ama pero pilit ko 'yong kinimkim sa sarili ko. Ayaw kong sabihin kay Ina dahil natatakot akong masira ang pamilya namin. Lalo na kami ang namumuno sa buong Sitio Valiente.
Alam ni Ama na darating ang panahon na ito, kaya katulad ko, umiinom din siya ng halamang gamot. Hindi ko nga lang alam na ginagawa niya 'yon, ngayok ko lang nalaman at isa pa, hindi ko alam na kaya niya iyong gawin. Hindi ko alam na hahayaan niya ang aming Ina na masama papunta sa impyerno.
“Ida!” sigaw ni Ama habang nagluluksa sa wala ng buhay na katawan ni Auntie Ida.
Hindi pa alam ni Ema.
Sa palagay ko, kinain ni Mama ang katawan ni Auntie Ida. Kahapon pa raw hinahanap ni Ama si Auntie Ida at ngayon lang niya nakita, nasa damuhan sa hardin, wakwak ang tiyan.
Gusto ko rin namang magluksa sa pagkamatay ni Auntie Ida dahil kahit papaano, tumayo siyang pangalawang ina sa akin. Pero hindi ko lang matanggap, na mas inuna pang pagluksaan ni Ama ang kabit niya kaysa sa sarili niyang asawa.
Tumalikod ako at tiniis ang sakit ng pagtataksil ng aking Ama. Hindi ko alam kung paano babangon ang buong Baryo Guerrero. Maraming buhay ang nawala, maraming nagluluksa.
Kanina noong nagising si Ema, akala niya namatay ang buong pamilya ko. Hinimatay siya habang umiiyak. Hindi pa rin maganda ang kalagayan niya dahil maraming dugo ang nawala sa kaniya. Ilang sugat ang natamo niya sa mga aswang bukod sa sinugatan pa siya ni Rave.
Hindi ko na rin nakita pa si Rave matapos ng lahat. Pero alam kong hindi siya napasama sa mga lumubog sa lupa dahil nakausap ko pa si Vane. Halata ang pagpapanggap ni Vane na nagluluksa siya sa pagkamatay ni Rayah at ni Uncle Timon pero nakikita ko naman sa mga mata niya na hindi totoo ang lahat ng 'yon. Nang tanungin ko kung nasaan si Rave, nasa hospital daw ito.
Pumasok ako sa loob ng bahay at hinayaan si Ama doon sa labas.
Si Trebor. . .
Hindi pa siya nakakauwi. Nasa syudad siya at patuloy na nagtatrabaho, hindi niya alam ang lahat ng 'to. Ni hindi ko pa siya natatawagan, hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kaniya.
Binuksan ko ang pinto at bumungad sa akin si Ema na nakatulala habang nakaupo, nakatingin sa kawalan.
“Ema. . .” tawag ko sa kaniya.
Hindi niya ako nilingon.
“Ema, buhay si Ama at si Trebor huwag kang mag-alala,” sinubukan kong kunin ang atensyon niya.
Napalingon naman siya sa akin, “Si Ma’am Lilith at si. . . Auntie?”
Napayuko ako. Hindi ko alam kung anong isasagot, natatakot akong mas lalo niyang sisihin ang sarili niya.
“Ema, pasensya na. . .”
Nangunot ang noo niya at saka yumuko. Katulad kanina, tuluyan na naman siyang napaiyak. Iyong paghikbi niyang halos dumurog sa puso ko.
Humakbang ako palapit sa kaniya, gusto ko siyang kausapin, gusto kong pagaanin ang nararamdaman niya pero. . . Hindi ko alam kung paano.
“Wala kang kasalanan, Ema. Sana huwag mong sisihin ang sarili mo,” sinubukan ko siyang lapitan. Hahawakan ko na sana ang kamay niya pero iyon natuloy nang marinig ko ang malakas na sigaw mula sa labas.
“Ilabas n’yo 'yang tao na 'yan!” sigaw ng nasa labas.
Napatingin ako kay Ema, pagod ang mga matang nag-angat siya ng tingin sa akin.
“Huwag n’yo nang itago ang Malum na 'yan! Ilabas ninyo siya!” sigaw pa nitong muli.
Nag-iwas ng tingin sa akin si Ema, doon, lumabas ako ng kwarto dahil mas lalong lumakas ang sigawan sa labas.
“Papatayin namin ang sanhi ng lahat ng 'to! Namatay ang mga kamag-anak namin! Iyang babaeng 'yan ang magiging dahilan ng pagkaubos ng lahi natin!” reklamo ng isa pa.
“Huwag n’yo siyang itago!”
Naabutan ko si Ama na nakatayo sa harap ng gate, wala na roon ang katawan ni Auntie Ida.
“Magsi-alis na kayo! Namatayan din ako ng asawa. Alam ninyong lahat ang tungkol sa hula, wala akong itinago sa inyo kaya huwag ninyo akong sisihin—”
“Nangyari na 'to noon, Pinunong Reynaud! Pero naulit na naman ulit dahil na naman sa mga taong 'yan! Akala ba namin matinong Pinuno ka?!” sigaw ng isa pang aswang.
“Hindi natin siya pwedeng patayin! Kapag pinatay n’yo siya, alam ninyo ang mangyayari!” sigaw ni Ama.
“Kung ganoon, ikulong na lang natin siya hanggang sa kusa siyang mamatay! Hindi na siya pwedeng magkalat pa ng lahi!”
“Oo nga!”
Ang lahat ay sumang-ayon sa sinabi ng isang aswang. Lumingon sa akin si Ama na para bang nag-aalinlangan sa gusto ng mga aswang.
“Hindi siya pwedeng ikulong, may sinusundan tayong batas ayon sa pagitan ng tao at aswang—” hindi natuloy ang sasabihin ko dahil may dumuro sa likuran ko.
“Ayun siya!”
Hinampas ng isang aswang ang gate at lahat sila ay ganoon din ang ginawa.
“Huwag kayong mag-alala, aalis na ako sa lugar na 'to,” ani Ema.
Napalingon ako sa kaniya. Halata ang panghihina ng katawan niya, bitbit ang bag.
“Ema, hindi, may iba pang paraan—”
“Aalis ako, lilipat ako sa malayong lugar, malayong-malayo sa Sitio Valiente o kahit sa mga aswang.”
“Paano kami makasisigurong hindi ka na babalik dito?!” sigaw ng isa pang aswang.
“Hinding-hindi na. Sa oras na umapak ako ulit dito sa Sitio Valiente, gawin n’yo ang gusto n’yong gawin sa akin.”
“Tama! Iyan ang dapat mong gawin, lumayas ka dito!” pagsang-ayon nilang lahat.
Naglakad na si Ema, diretso ang tingin niya, ni hindi manlang ako sinusulyapan. Hinawakan ko siya sa braso, sinubukan siyang pigilan.
“Ema, p-paano. . . ako?” hindi ko naiwasang itanong sa kaniya.
Ilang segundo niya akong tinitigan, katulad ng madalas, gusto kong basahin ang nasa isip niya. Gusto kong malaman kung anong nararamdaman niya pero. . .
Mas lalong naging blangko ang ekspresyon niya.
“Tanggapin na lang sana natin. . . na kahit kailan, hindi pwedeng magkatuluyan ang magkaibang nilalang.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...