KABANATA 7:
NAKABIBINGI ANG NAGING TILI KO nang umangat ako mula sa lupa. Nagulat at natakot ako roon. Halos malula ako sa taas nang narating ng pagkakaangat sa akin.
"Sinong may sabi sa 'yo na pumunta ka rito sa palengke?" tanong niya.
Napamulat ako bigla at tumigil sa pag-tili nang marinig ang pamilyar na boses. Hindi ko na nga halos nakilala 'yon kanina ngunit ngayon, napansin kong kilala ko ang boses.
"Sinong nag-utos sa 'yong pumunta ka rito sa palengke?" pag-uulit niya. Ngayon ay naging nakakatakot na ang boses niya. Seryoso at mas tumaas ang tono.
"S-si s-sir T-trebor!" nanginginig at kaagad kong sagot dahil unti-unti na akong natatakot. Mas lalo akong kinakabahan.
"Tsk, tangina," mura niya.
Marahang ibinaba niya ako sa lupa na ikinaginhawa ng pakiramdam ko. Kaagad kong pinunasan ang mga luha ko sa aking pisngi pero wala rin naman 'yong silbi dahil madungis ako at punong-puno ng luha ang mga mata ko.
"A-ano ba ang mga 'yon? Halimaw ba sila?!"
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nakitang nagtiim-bagang siya. Hindi siya nakatingin sa akin pero nakita ko ang mga mata niyang namumula. Kagaya rin siya nga mga 'yon!
Napaatras ako bigla. Wala na akong ligtas!
"Huwag kang umatras, hindi kita sasaktan," aniya. Bumaba ang tingin niya sa akin. Salubong ang mga kilay niya.
"P-pero kagaya ka n-nila. . ." nauutal na sagot ko.
"Kalahi ko sila pero hindi ako kagaya nila," sagot niya.
Sinubukan kong tumayo, pero nabuwal lang ako at muling napaupo. Ang dami kong sugat sa binti at sa tuhod. Kahit na hindi nila ako nagalaw, tila nabugbog ang katawan ko dahil sa pagkakadapa.
"Aswang kaming lahat."
Gulat na napaangat akong muli ng tingin sa kaniya. Ano raw?! Tama ba ang naririnig ko?! Napatayo ako bigla kahit na masakit ang mga tuhod ko.
"Nababaliw ka na ba?!"
Umiling siya bilang pag-salungat sa sinabi ko. Kita sa mga mata niyang nagsasabi siya ng totoo pero kahit na gano'n, pinipilit ko sa aking sarili na nagsisinungaling lang ang lalaking kaharap ko.
"Bakit ako dadalhin ng Auntie ko rito kung lugar pala 'to ng mga aswang? Alam niyang pwede akong mapahamak dito!"
Hindi kaagad siya nakasagot. Nanatili ang titig niya sa akin na wala manlang ka-emo-emosyon. Sa totoo lang, gusto ko nang batukan itong lalaki na 'to kanina pa. Napakatipid magsalita, parang pinagdadamot ang bawat salita na ilalabas ng bibig niya.
Bahagya ko siyang itinulak sa dibdib. Wala akong laban sa kaniya, matipuno ang dibdib niya at may malapad na balikat. Kung gagalitin ko 'to, malamang na isang kamay lang ay bali ang buto ko. Pero kahit na gano'n, pinipilit kong magmatapang sa harap niya, para kahit papaano'y isipin niyang hindi ako mahina.
"Sumagot ka naman! May bayad ba ang bawat salita mo?!" sigaw ko sa kaniya.
Umiling siyang muli at hinuli ang kamay kong hindi pa nakakalayo sa kaniyang dibdib. Magaspang ang kamay niya at sakop ang maliit kong kamay. Kumabog ang dibdib ko dahil pakiramdam ko ito na. . .
Ito na 'yong time na kakainin niya na ako!
"Dinala ka niya rito dahil wala kang ibang mapupuntahan," aniya.
Napakagat ako sa labi. So, sa tingin ko hindi naman niya ako kakainin dahil mahinahon pa rin. Pero hindi dahil mahinahon siya, hindi na niya ako pwedeng kainin!
"A-aswang din ba si Auntie?" kinakabahang tanong ko.
Nagtiim-bagang siya at binitawan ang kamay ko. Tinitigan niya ako nang matalim. . . na mas lalong nagpakaba sa aking dibdib.
"Hindi aswang ang Auntie mo," sagot niya.
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tinalikuran na niya ako. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon. Sa wakas ay hindi na niya ako kakainin. Akala ko pa naman niligtas niya ako sa mga aswang na 'yon para siya ang makakain sa akin. Pero bago siya makalayo sa akin, muli akong kinabahan nang huminto siya sa paglalakad.
"Siya nga pala." Napalunok ako. "Hindi ka masarap, kaya huwag mong isipin na kakainin kita."
Nanlaki ang mata ko. "Anong hindi ako masarap?! Anong ibig mong sabihin doon?!" gulat na sigaw ko sa kaniya.
Hahakbang sana ako pero nang subukan ko ay nanghina ang mga tuhod ko. Napaupo ako sa lupa. Sa tingin ko babalik lang din ang mga aswang dito sa pwesto ko.
Huminto siya sa paglalakad at muling lumingon sa akin. Narinig kong bumulong siya pero hindi ko narinug ang sinabi niya. Siguro'y minura na ako nito ng ilang beses.
Bumalik siya sa pwesto ko at walang anu-anong kinarga ako sa kaniyang braso. Kamuntik pa akong mapatili dahil pakiramdam ko ay mahuhulog ako, mabuti na lang napakapit ako sa suot niyang damit.
"B-bakit mo b-ba ako tinutulungan?" tanong ko sa kaniya.
"Ayaw mo?"
Naitikom ko ang bibig ko. Hindi na lang ako magsasalita dahil baka mabara na naman ako nang wala sa oras. Narinig ko kanina na Amo ko raw siya. Kaano-ano niya kaya ang may-ari ng bahay na tinutuluyan ko? Akala ko kagabi, katulong din siya o kaya'y utusan. Kung ganoon, bakit siya inutusan ni Auntie na sunduin ako?
"Anak nila ako," aniya.
Nangunot ang noo ko, naririnig ba ng mga aswang ang sinasabi ng tao kahit sa utak lang?
"Hindi," sagot niya. "Base sa pag-titig mo sa akin nang ganyan, alam ko ang lahat ng gusto mong itanong."
Bago pa man ako makasagot, ibinaba niya na ako sa jeep na kagabi ay sinakyan namin. Naroon pa rin ang nakasusulasok na amoy na nanggagaling sa likod ng jeep.
"Ano ba kasi talaga 'yong amoy na 'yon?" tanong ko kasi hindi ko na mapigilan ang pagtataka.
"Amoy ng nabubulok na bangkay."
Pakiramdam ko'y umikot ang buong sikmura ko dahil doon. At nang lumingon ako sa likuran, doon ko nakita ang isang babae, wakwak ang tiyan at wala ng laman-loob!
Kusa akong naduwal, nakakadiri ang itsura ng dalaga. Sira ang mukha niya, parang pinunit. Puno siya ng dugo at walang ni saplot!
"Kapag patuloy kang lumapit kay Trebor, ganyan ang mangyayari sa 'yo."
At hindi ko na napigilang masuka dahil sa nakita.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...