KABANATA 11:
HINDI KO ALAM KUNG NARINIG niya ba 'yong pagbati ko sa kaniya kanina pero narinig man niya o hindi, babatiin ko pa rin siya ulit. Kahit papaano, nagpapasalamat ako na iniligtas niya ako noon sa mga aswang na gustong lumapa sa akin. Pakiramdam ko iba siya sa lahat ng mga aswang na narito. Gusto ko siyang bigyan ng regalo pero hindi ko nga lang alam kung ano. Bahala na, pwede ko namang ibigay sa kaniya ang regalo ko kahit na hindi na niya kaarawan.
Ipinagkibit-balikat ko na lamang ang pagkawala niyang bigla. Dumiretso ako pababa ng hagdan at tumulong sa mga pwede kong itulong. Si Auntie, siya ang nagluluto. Nakita ko siya sa kusina. Gusto ko ngang tumulong kaya lang ayaw niya. Naawa nga ako dahil mag-isa lang siya. Pero kahit anong pilit ko na tumulong, ayaw niya. Siguro may mga laman ng tao ang niluluto ni Auntie? Naisip ko na 'yon dati, e. May isa pa pala akong nalaman.
Kaya pala lagi akong pinagdadala ni Auntie ng kalamansi at pinaiikot niya ang ilalim ng baso kapag galing sa mag-anak ang pagkain. Kapag ang karne, pinatakan ng kalamansi, lalabas ang totoong itsura nito. At kapag ang ilalim ng basong may laman ay pinaikot ang ilalim sa palad ay nabasag, ibig sabihin may lason 'yon.
Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit ginagawa niya ito kahit na sabi niya, may tiwala siya sa pamilyang 'to.
Enggrande ang handaan, masyadong maraming inasikaso pero dahil marami ang nag-aayos ay natapos lang din kaagad. Alas sais nang niyaya ako ni Auntie Ida na umakyat na sa kwarto. Siguro para manatili na roon dahil hindi naman kami kasali sa kasiyahan. Natulog si Auntie pagkapasok sa kwarto, hindi ko siya masisisi dahil alam kong napagod siya nang husto.
Imbes na manatiling tulala dahil hindi naman ako inaantok, kinuha ko ang sketchbook na binili ko kanina sa Bayan.
Naupo ako sa lamesa at nag-isip ng pwedeng iguhit. Pumikit ako at bumuntong-hininga. Kaya ko pa kaya? Ang tagal ko nang hindi gumuguhit sa totoo lang. . .
Ewan, pero habang nakapikit ako, rumehistro ang mukha ni Sir Caelan sa aking isip. Napailing na lang ako at nagmulat. Yumuko ako para magsimulang gumuhit. . .
Iginuhit ko ang mukha niya. . .
Nakatagilid dahil kadalasang ganoon ko lang siya natititigan. Hindi ko alam kung bakit sineryoso ko ang pagguhit sa kaniya.
Napaangat ako ng ulo nang mapagtanto kong nakatulog pala ako. Nang mahimasmasan ay bumaba ang tingin ko sa iginuhit kong mukha ni Sir Caelan. Tititigan ko pa sana 'yon pero nabigla ako nang makarinig ako ng malakas na pagputok ng baril.
Napatayo ako bigla at kaagad kong
itinago sa drawer ang drawing ko.Tumakbo ako papunta sa bintana at napalunok nang makitang sa harap ng maraming tao o aswang, may isang babaeng buntis, nakatali ang mga kamay at nakahandusay sa sahig.
Napatakip ako sa bibig. Dumudugo ang dibdib nito at sa tingin ko’y siya ang binaril. Kabado ako, gusto kong alisin ang tingin ko roon! Natatakot ako sa maaari nilang gawin. Sa pagkakataong aalisin ko na sana ang tingin, napahinto ako nang marinig ang nagsalita.
“Caelan, sa tingin ko’y matagal-tagal ka nang hindi nakakakain ng sariwa. Ayan at iyong-iyo na,” anang isang lalaking sa tingin ko ay ka-edaran niya.
Habang nakatakip ang palad ko sa bibig, unti-unting tumulo ang luha ko. Lumapit si Sir Caelan sa walang buhay na buntis at umupo sa harap nito. Mas napahagulgol pa ako nang inangat ni Sir Caelan ang kaniyang kamay at lumabas ang naghahabaan niyang kuko. Mula sa maliwanag na buwan, kitang-kita ko kung paano nagbago ang kulay ng balat ni Sir Caelan.
Napapikit ako at tumalikod dahil hindi ko na kinaya, narinig ko na lang ang sunod-sunod na hiyawan ng mga aswang sa labas, ang iba't ibang alulong. Mga sabik at gutom sa laman ng tao.
Akala ko pa naman iba siya, akala ko hindi siya katulad ng mga aswang dito.
Akala ko lang pala. . .
Napaupo ako sa sahig. Ang aswang ay alagad ng demonyo, umasa ako na hindi siya katulad nila. Lalo na sa sinabi niya, pero nagkamali ako. Ang demonyo ay mananatiling demonyo.
Pinunasan ko ang mga luha ko at tumayo. Hindi dapat ako maniwalang may mabait na aswang. Naglakad ako palapit sa lamesa at binuksan ng drawer. Kinuha ko roon ang iginuhit kong mukha ni Sir Caelan at nilukot iyon. Hindi na ako magpapaloko na mabait siya. Sa lugar na ito, sarili ko lang ang dapat kong asahan.
Kailangan ko lang malaman kung paano naging matalik na kaibigan ni Papa si Sir Reynaud. . . Iyon lang at aalis na ako. Bahala na kung anong mangyari sa akin sa labas ng Sitio.
-
“Auntie, nanuod ka no'ng may pinatay silang buntis?” tanong ko kay Auntie nang makabalik siya, ala-una na yata ng madaling araw.
“Hindi, tinulungan ko lang silang maghanda ng pagkain.” Naupo siya sa papag at uminom ng tubig sa tumbler niya.
“Auntie, bakit ka nanatili sa lugar na 'to? Paano mo sila natitiis?” tanong ko.
Siguro kung tatanungin ko na lang si Auntie, mas mabilis. Naisip ko na 'to noon, pero nahihiya akong magtanong. Isa pa, alam ko kasi na hindi niya ako papayagang umalis tulad ng nangyari noong unang araw ko.
“Hindi ko kasi alam kung saan ako pupunta kung aalis ako rito,” aniya. Nag-angat siya ng tingin sa akin at ngumiti. “Alam kong marami kang tanong, sige itanong mo lang sa akin.”
Natahimik ako bigla. Bakit gano’n? Bakit ngayong may pagkakataon na akong magtanong, parang may kakaiba.
“A-auntie, p-paano ka napunta sa lugar na 'to?”
Bumuntong-hininga siya. “Dahil sa Papa mo, dinala niya ako rito. . .”
“Si Papa? Paano siya napunta rito kung gano’n?”
Nagkibit-balikat siya, “Pasensya ka na pero hindi ko alam.”
Tinitigan ko si Auntie sa mga mata pero nag-iwas siya ng tingin. Kung hindi niya alam bakit siya nag-iwas ng tingin?
“Matulog na tayo, napagod ako ngayong araw,” aya niya at dumiretso na sa taas.
Kumuyom ang kamao ko. Hindi nabawasan ang mga katanungan sa akin. Mas lalo lang nadadagdagan ang kuryosidad ko.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...