KABANATA 44:
NANG DUMATING SI AJAX sa gitna ng gubat ng Sitio Valiente, naabutan niya roon si Rave na halatang inis at inip na.
“Napakatagal mo naman!” reklamo ni Rave.
Napailing na lang si Ajax at lumapit sa kaniya. “Excuse me lang ha, nag-commute lang po kasi ako. Huwag kang reklamador d’yan at baka ibalik ko sa 'yo ang binayad mo.”
Iritang napakunot ang noo ni Rave sa pananalita ni Ajax. Una pa lang ay ganito na ang anak ni Odessa, matabil ang dila.
“Kaya mo bang ibalik?” napaismid si Rave.
“Oo, buong-buo pa ang binayad mo. Hindi pa naman kasi kami naghihirap. Ginagawa ko lang 'to para pagbigyan ang Mama ko,” ani Ajax.
“Ang dami mo namang sinasabi, umpisahan na natin para mamayang gabi mawala na 'tong mga pesteng aswang na 'to.”
“Correction, mga aswang lang sa Baryo Guerrero ang mamamatay, hindi kasama ang sa ibang Baryo.”
Lalong nainis si Rave. Gigil na tinitigan niya si Ajax na tila ba anumang oras ay sasapakin niya na ito. Pero wala siyang magawa dahil kung wala si Ajax, hindi niya magagawa ang dapat niyang gawin.
Iniabot niya kay Ajax ang dugo ni Ema. Naupo si Ajax sa damuhan at inilapag sa harap nito ang garapon na puno ng dugo.
Mula sa bag pack na dala ni Ajax, inilabas niya ang isang kulay ubeng dahon, isang kwintas na may pendant na hugis tatsulok at isang kutsilyo. Nang mailabas niya ang lahat ng 'yon, pumikit ito at nagsimulang magdasal. Mga salitang hindi maintindihan ni Rave. Bulong ito nang bulong habang nakapikit. May pagkakataong tumitirik pa ang mga mata ni Ajax.
Hindi alam ni Rave kung maniniwala ba siya sa kakayahan ni Ajax ngunit kilala kasi ito bilang magaling na albularyo sa lugar nila. Ilang minuto—halos tatlumpong-minutong nakaupo at nagdadasal si Ajax. Halos maubusan na ng pagtitimpi si Rave. Kamuntikan niya na itong sipain dahil baka natutulog na ito pero bago niya pa man gawin, dumilat na si Ajax at tumayo. Gamit ang kutsilyong kanina ay inilabas niya, tinadtad nito ang kulay ubeng dahon pagkatapos ay inihalo sa dugo ni Ema na nasa garapon. Ang kwintas naman ay isinawsaw niya sa dugo.
“Ano bang—” hindi na nakapagreklamo si Rave.
Sinimulan na ni Ajax. Gamit ang kutsilyo, malaking bilog ang iginuhit ni Ajax. Sa mismong gitna ng gubat. Tumutulo ang dugo ni Ema mula sa pendant ng kwintas na isinawsaw ni Ajax sa garapon. Hindi lang bilog ang iginuhit nito, hindi maintindihan ni Rave ang ibig sabihin ng ginawa ni Ajax. Hugis dalawang tatsulok na magkabaliktaran ang nasa gitna at nang matapos ang ginagawa, pumagitna si Ajax at muling nagdasal.
Napaatras si Rave sa bilog na iginuhit ni Ajax. Alas tres na ng hapon at nag-uumpisa nang bumaba ang araw. Palakas nang palakas ang mga bulong ni Ajax.
“Et simulare caro. Servite cuniculum transit. . .”
Paulit-ulit na inuusal ni Ajax ang mga salitang iyon na hindi maintindihan ni Rave. Pero nakakatakot ang nagiging awra ni Ajax. Unti-unting nagdidilim ang paligid kasabay ng kulay itim na usok sa gitna ng bilog. Ilang minuto ang lumipas ay dumilat si Ajax at ibinaba ang garapon ng dugo ni Ema sa gitna ng bilog. Naglaho na rin ang itim na usok at lumabas na roon si Ajax.
“Tapos na ako rito,” anito.
“Nasaan na? Akala ko ba tapos na, bakit walang dumarating na aswang?!”
“Huwag kang excited, mamaya pa paglubog ng araw. Kapag nakikita mo na ang bilog na buwan,” sagot ni Ajax.
Hinagod ni Ajax ang medyo mahaba niyang buhok dahil sa pawis. “Alis na ako, ito nga pala.” Inabot niya ang kulay itim na maliit na kampana kay Rave.
“Ano 'to?” takang tanong naman ni Rave.
“Tatlong beses mong patunugin kapag lumubog na ang araw at nakita mo na ang buwan. Inuulit ko, dapat wala na ang araw at nakita mo na ang buwan.
Umalis na si Ajax at naiwan si Rave doon. Naupo siya sa sahig at sumandal sa motor niya. Pagod na pagod si Rave, puyat din sa lahat ng ito.
Pumikit siya at dinama ang unti unting pagkawala ng init ng araw. Dinukot niya ang cellphone na hiniram niya sa Alkalde sa kaniyang bulsa at tinawagan si Rayah.
“Umalis ka na sa bahay, pumunta ka na kila Odessa,” utos niya rito.
“P-pero kuya. . .”
Dumilat si Rave dahil pakiramdam niya may mali sa boses ng kapatid niya.
“Rayah, huwag nang matigas ang ulo, okay? Mamayang gabi, matatapos na ang lahat ng paghihirap natin.”
Hindi ito sumagot sa kabilang linya. Naririnig niya ang ilang beses na pagbuntong-hininga ng kapatid niya.
“K-kuya mahal ko sila Papa at Kuya Vane. Kahit papaano, kahit naging masama sila sa atin, pamilya pa rin natin sila. . .”
Nangunot ang noo ni Rave. Nagtaka siya sa naging asal ni Rayah.
“Ano bang sinasabi mo? Napag-usapan na natin 'to hindi ba?”
“K-kuya, p-pwede bang huwag na nating ituloy?”
Nag-igting ang panga ni Rave sa sinabi ng kapatid niya.
“Tapos na Rayah, kahit anong gawin natin, nandito na! Hinihintay ko na lang ang pag-lubog ng araw!” tumataas na ang boses ni Rave. Hindi niya na nagugustuhan ang inaasal ng kapatid niya.
“K-kuya. . . S-sorry.”
Pinatay ni Rayah ang tawag. Pumikit siya nang mariin at nag-angat ng tingin sa langit. Unti-unti nang bumababa ang araw.
Pero kailangan niyang puntahan ang kapatid niya.
Pumikit siya nang mariin at kahit na gustong-gusto niya nang umalis roon, tiniis niya hanggang sa tuluyang bumaba ang araw. Dumilat ang mga mata niyang ngayon ay nanlilisik na. Tumayo siya at tinanaw ang pag-angat ng buwan. At nang maliwanag na ito, pinatunog niya ang maliit at itim na kampana.
Isa. . .
Dalawa. . .
Tatlo. . .
Naglabas ng itim na usok ang ginawang bilog ni Ajax at mabilis rin siyang umakyat sa motor niya. Nagsimulang umalulong ang mga gutom na Aswang, halos sabay-sabay.
Hinayaan niya iyon at mabilis niyang pinaharurot ang motor dahil may kakaiba siyang pakiramdam.
Kailangan niyang puntahan si Rayah dahil. . .
May pakiramdam siyang may ginawang mali ang kaniyang Ama at Kuya.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...