KABANATA 13:

637 35 3
                                    

KABANATA 13:

EMA POINT OF VIEW:

NAGISING AKO SA IBABAW NG malambot na kama. Hindi ko alam kung paano ako napunta roon, ang natatandaan ko lang, nahilo ako at natumba pagkatapos ay wala na. Pinilit kong bumangon at lumingon sa bintana. Gabi na!

Nagmamadali akong umalis sa kama. Hindi ko alam kung kaninong kwarto 'to pero. . . Nang lumingon ako sa katabing lamesa ng kama, napahinto ako. Kwarto ito ni Sir Caelan.

Puro kulay puti ang laman ng buong kwarto. May dalawang painting na hindi ko maintindihan kung ano. Ito yata 'yong abstract painting na naririnig ko noon.

Ang bintana, malaki. May laptop din na nakapatong sa ibabaw ng working table. Ngayon bigla akong napaisip kung anong klaseng trabaho kaya ang mayroon sila?

Ibinalik ko ang tingin ko sa picture frame na nasa side table. Si Sir Caelan ito at Sir Trebor. Alam kong sila ito dahil hindi nagbago ang mukha ni Sir Caelan, mas maaliwalas lang ang ngiti niya, totoong-totoo. Si Sir Trebor, bata pa siya sa litrato pero halata iyon dahil sa maputlang balat niya at sa mga mata niyang hindi nagbago, mukha pa ring manloloko.

“Gising ka na pala, kumusta?”

Mabilis na napalingon ako kay Sir Caelan. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala siyang suot na pang-itaas. Kaya mabilis pa sa alas kwatrong tumalikod ako ulit. Kinabahan ako. Pero hindi kabang natatakot, kundi nahihiya. Pakiramdam ko rin ay nag-iinit ang pisngi ko. Bakit ganito ako kinakabahan? Nakita ko namang hubad ang pang-itaas na katawan ni Sir Trebor  pero bakit itong nararamdaman ko para sa kaniya.

Natawa siya dahil doon, sa unang pagkakataon, narinig kong para bang natutuwa talaga siya. “Pwede ka nang humarap, pasensya na.” Pero sa tono niya, parang hindi naman siya nagsisisi talaga na nakita ko!

Unti-unti akong humarap, pasulyap-sulyap kung nakabihis na ba siya. At nang makita kong tapos na nga, tuluyan akong humarap sa kaniya.

“P-paano ako napunta rito?” kinakabahang tanong ko.

Tumitig siya sa akin saglit bago naglakad palapit sa kabinet na nasa tabi ng bintana. Binuksan niya 'yon at may kung anong kinuha.

“Hindi mo alam na hinimatay ka?” tanong niya.

“A-alam ko, pero bakit hindi sa kwarto namin ni Auntie mo ako dinala?” tanong ko pabalik. Kasi totoo naman, bakit hindi doon?

“Gusto ko,” aniya. Humarap siya sa akin na mas lalong nagpabilis ng pag-tibok ng puso ko.

Naitikom ko ang bibig ko, nag-unat siya ng braso sa akin at inabot ang isang bote. “Ferrous sulfate iyan, gamot sa mababang dugo. Uminom ka niyan,” aniya.

Nag-alangan akong kunin. Totoo kayang gamot 'yon? Baka mamaya kung ano ang nasa loob ng bote. . .

Umiling siya at napangisi, “Wala ka talagang tiwala sa akin. Sabagay sino bang magtitiwala sa aswang na tulad ko?”

“S-sir C-caelan, pasensya na po sa abala, babalik na po ako sa kwarto.”

Kaagad akong lumabas sa kwarto, kinabahan ako sa sinabi niya at sa kabilang banda’y naawa. Naawa dahil hindi ko siya pinagkakatiwalaan. Hindi niya naman ako masisisi talaga. Kung siguro hindi ko alam na aswang siya, malamang na kukunin ko ang gamot.

Pagkalabas ko ng kwarto, nabigla ako nang makita si Auntie Ida, mukhang kaaakyat niya lang mula sa baba.

Nagtiim-bagang siya. “Anong ginawa mo sa loob ng kwarto ni Sir Caelan?”

Napakurap ako sa tanong na 'yon ni Auntie, halatang galit siya at hindi niya alam na dinala ako ni Sir Caelan sa kwarto niya. Sasagot na sana ako nang muling bumukas ang pinto ng kwarto ni Sir Caelan.

"Nawalan siya ng malay kanina," ani Sir Caelan. "Hindi ko mabuksan ang kwarto ninyo dahil naka-lock kaya dito ko siya dinala sa kwarto ko."

Hindi nakasagot si Auntie pero halata sa mukha niya na nag-aalangan siya kung maniniwala ba siya sa sinabi ni Sir Caelan. Hindi rin naman ako makasagot dahil natatakot ako sa tensyon na namamagitan sa kanilang dalawa.

"Ganoon ba, pasensya na," sa wakas ay nakasagot si Auntie Ida matapos ang ilang segundong pananahimik.

Inilahad ni Sir Caelan ang kamay niya at ipinakita ang boteng kanina ay inaabot niya sa akin. Ngayon ay kay Auntie Ida niya na ito ibinibigay.

"Mukhang mababa ang dugo niya at ibinibigay ko 'to sa kaniya kanina, kaya lang ayaw niyang tanggapin, siguro dahil wala siyang tiwala sa akin," dagdag pa ni Sir Caelan.

Napayuko na lang ako dahil nahiya ako bigla, para bang ipinamumukha niya sa akin na katiwa-tiwala siya, pero hindi ko siya pinagkakatiwalaan.

Inabot naman kaagad ni Auntie ang bote ng walang pag-aalinlangan.

“Salamat, ipapainom ko sa kaniya 'to, huwag kang mag-alala.”   

Hindi sumagot si Sir Caelan pero tumango siya. Sa wakas ay natapos din ang makapigil-hiningang pag-uusap na 'yon. Hindi ko inaasahan na mangyayari 'to.

Tahimik na naglakad kami papunta sa kwarto namin ni Auntie Ida, akala ko nga ay hindi na niya ako kakausapin tungkol doon pero pagkapasok namin sa kwarto ay kaagad niyang ini-lock ang pinto at hinarap ako.

"May gusto ka ba kay Caelan?" diretsong tanong niya sa akin.

Mabilis akong umiling dahil wala naman talaga akong gusto roon, isa pa, ayoko ring magkagusto sa isang aswang. Hinding-hindi ako magkakagusto sa mga kauri nila. . .

Tumango-tango siya pero kita sa reaksyon niyang naghihinala siya sa isinagot ko. Naglakad siya palapit sa ilalim ng papag at may kung anong pinulot doon. Nanlaki ang mga mata kop nang makita kong iyon ang iginuhit kong mukha ni Sir Caelan.

"Kung gano'n bakit mo iginuhit ang mukha niya?" mapaghinala pa ring tanong niya.

Mapakla akong natawa at  binawi ang papel kay Auntie Ida.

"Reregaluhan ko sana siya ng iginuhit kong mukha niya, kaya lang hindi  ko na itinuloy dahil parang may mali sa ginuhit ko," paliwanag ko. "Pasensya na po Auntie, pero hindi ko po talaga siya gusto, nagkakamali po kayo."

Natahimik siya dahil doon. Tila naliwanagan na siya sa sinabi ko. Bumuntong-hininga siya, para bang naginhawaan. . .

"Pasensya ka na, ayaw lang kitang mapahamak."

Ngumiti ako, "Salamat sa pag-aalala, Auntie."

Pumikit siya nang mariin at humugot ng malalim na hininga. "Huwag mo sanang bibigyang malisya ang lahat ng ipinapakita ng magkapatid, ayaw kong mapahamak ka. . ."

Ang mga salitang 'yon. . .

May problema ba kung bigyang malisya ko nga?

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon