KABANATA 28:
LALONG NAGING TAHIMIK SI Sir Caelan ngayong nasa loob na kami ng sasakyan. Nakakunot ang noo niya habang minamaneho ang jeep niyang kakarag-karag na ang tunog. Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya at tumingin na lang sa labas ng jeep.
Ang totoo, gusto ko siyang pagsusuntukin at pagsasampalin dahil sa sama ng loob ko sa kaniya. Gusto ko siyang sumbatan. Hindi niya alam kung anong takot ang naramdaman ko kahapon dahil sa kaniya at sa mga kauri niyang aswang. Hindi niya alam na sa sobrang trauma na naramdaman ko, pakiramdam ko ay nagiging manhid na ako sa lahat. Tapos ngayon sisimangutan niya ako nang ganyan? Ang kapal niya naman yata!
Hindi ko rin siya pinansin, nanatili akong tahimik hanggang sa makarating kami sa Sitio Valiente. . .
Habang binabagtas namin ang daan papunta sa bahay nila. Imbes na matakot, habang dinadaanan namin ang bawat lugar ay unti-unti akong nalulungkot.
Kasi hanggang kailan nga ba 'to? Hanggang kailan magiging ganito ang buhay ko? Bakit pakiramdam ko hindi nagiging patas ang langit sa akin?
Bumuntong-hininga ako. Sana nga mas ligtas ako rito.
Sa gate pa lang, nakita ko na kaagad si Auntie Ida sa harap ng gate katabi si Sir Trebor.
“Hoy! Hoy!” sigaw ni Sir Trebor.
Bumaba ako sa jeep nang huminto 'yon at nagulat nang mabilis na lumapit si Sir Trebor sa akin. Kinabahan ako bigla, nanlamig ang buo kong katawan lalo na nang maalala ko ng itsura niya noong naging aswang siya.
“Sorry!” aniya.
Napakurap ako, hindi ko inaasahan ang ibubungad niyang salita sa akin.
“Sorry talaga, Ema. Hindi ko alam kung bakit naging gano'n ang reaksyon ko. Pakiramdam ko nawalan ako ng kontrol sa sarili ko. Hindi ko sinasadya, Ema!” Halata sa mukha niya ang pagiging sinsero. Nagulat pa ako lalo nang hawakan niya ang kamay ko at pinisil iyon.
Mas lalo akong nanlamig, napakunok ako sa kaba at hindi ako kaagad nakapagsalita.
“Sana mapatawad mo ako, Ema, ha? Hindi ko talaga sinasadyang–”
Hindi niya naituloy ang sasabihin nang pinalis ni Sir Caelan ang kamay ni Trebor na nakahawak sa kamay ko.
“Umakyat ka na sa kwarto n’yo. Magpahinga ka na,” utos niya.
Nakahinga ko nang maluwag nang maalis ang kamay ni Sir Trebor. Pagkatapos 'non ay walang pag-aalinlangang tumakbo ako papasok kahit pa tinawag ako ni Auntie Ida.
Naiiyak ako, hindi pala ako namanhid. Kay Sir Caelan lang namanhid ang takot ko. Ngayon, takot na takot ako kay Sir Trebor. Habang nakatingin ako sa kaniya, pakiramdam ko, kakainin niya ako ano mang oras!
Nangingilid ang mga luha ko habang tumatakbo. Naabutan ko pa si Ma’am Lilith sa sala na sobrang sama ng tingin sa akin, mas lalong nadagdagan ang kaba ko at mas binilisan ang pag-akyat sa hagdan. Nang makarating ako sa kwarto, kaagad ko 'yong sinara at napaupo sa gilid ng pinto.
Akala ko sanay na ako!
Hindi na yata ako masasanay sa impyernong lugar na 'to! Napapagod na ako, nag-uumpisa na akong sumuko!
Tuloy-tuloy na bumagsak ang mga luha sa mga mata ko. Iyak ako nang iyak, ipinatong ko ang nga braso ko sa ibabaw ng tuhod ko 'tsaka yumuko. Hindi ko alam kung ilang minuto na akong umiiyak, palakas nang palakas ang iyak ko na may kasama ng pag-hikbi.
Sa ilang minutong ganoon ang posisyon ko, natigil ang pag-atungal ng iyak ko nang may yumakap sa akin. Hindi ko napansing pumasok siya.
“Pasensya na, pasensya na. . .” bulong niya sa tenga ko habang nakayakap pa rin sa akin.
Mas lalo akong naiyak. Pakiramdam ko, ang bulong niyang 'yon ang mas lalong nagpalabas ng lahat ng sama ng loob ko.
“Humahanap na ako ng paraan para mapigilan ko ang sarili ko. Poprotektahan na kita, Ema. Hindi na ako papayag na magpaapekto pa,” aniya. “Kaya ko, kailangan ko lang ng gamot. Iyong gamot na ginamit ko noong una. Kailangan ko lang 'non. Hahanap ako ng gamot.”
—
Nabalitaan ko kay Auntie Ida na umalis si Sir Caelan pagkalabas na pagkalabas ng kwarto kahapon. Hindi ko iyon pinansin. Nagdesisyon akong huwag silang kausapin habang may ganito pa akong nararamdaman. Maski kay Auntie Ida, natatakot ako. Hindi ko alam pero parang may itinatago rin siya sa akin.
Nang kabisaduhin ko ang orasyon na nakasulat sa likod ng sulat sa akin ni Mama, naisip kong baka may misyon ako. Baka may dahilan kung bakit napunta ako sa ganitong sitwasyon. Ang una kong dapat malaman ay ang tungkol kay Ora, ang sinabi ni Mama sa sulat na gabay ng mga Valiente noon.
“Sorry na, Ema. Ayun na nga si Kuya, e. Naghanap na ng gamot para dito. Sabi niya kapag nakakuha na siya ng gamot, bibigyan niya ako.”
Hindi ko pinansin si Sir Trebor, nagpatuloy ako sa paghuhugas ng pinggan. Ayaw kong kausapin siya dahil kinakabahan ako na baka bigla na lang niya akong sakmalin. May dala akong maliit na kutsilyo sa bulsa ko. Kinuha ko 'yon sa kusina nila Tiya Mabel bago kami umalis ni Sir Caelan kahapon. Wala akong balak alisin ito sa katawan ko, sa oras na saktan nila ako, susubukan kong lumaban kahit alam kong maliit lang ang tiyansa.
“Sige, kung hindi mo pa ako kayang patawarin ayos lang. Pero kung may kailangan ka pwede kang magtanong sa akin o kaya–”
“Kilala mo ba si Ora?”
Hindi ko na inasahang sasagutin niya ako pero ginawa ko lang 'yon para tumigil siya. Ilang segundo siyang tahimik kaya inasahan kong wala na siyang isasagot. Pero napahinto ako sa paghuhugas nang sumagot siya.
“Bakit mo siya hinahanap?” seryosong tanong niya.
“Huwag mo nang tanungin, sa tingin ko naman hindi mo rin ako sasagutin,” sagot ko.
Natahimik siya ulit. Mukhang tama nga ako. Ipagpatuloy ko na sana ang paghuhugas nang muli siyang nagsalita.
“Patay na si Ora, ang manghuhulang dating gabay ng pamilya namin. Ang pamilya Valiente.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...