KABANATA 49:

992 52 34
                                    

KABANATA 49:

“ANO?! BAKIT MO AKO HINAHANAP?” gulat na tanong ko sa kaniya.

Isang buwan na mula noong umalis ako sa Sitio Valiente, minsan napapaisip din ako kung kumusta na ang mga residente roon. Si Kata, buhay kaya siya? Sila Sir Reynaud at Sir Trebor at si. . . Sir Caelan.

Minsan ba sinubukan niya rin akong hanapin?

“Dahil sa kalagayan mo, sinabi na sa 'yo noon na mapanganib para sa 'yo na umalis sa Sitio Valiente pero ang tigas talaga ng ulo mo!” inis na sabi niya.

“Nakaya namin ni Mama, labing-pitong taon akong nabuhay sa ganitong lugar pero walang nangyaring masama sa akin. Maayos na ang buhay ko. Bakit bigla na namang ganito?” nasapo ko ang mukha ko dahil sa inis.

Ayos na ako, e. Nagiging maganda na ang takbo ng buhay ko tapos biglang ganito na naman?

“Rave, hindi ba pwedeng pabayaan mo na ako? Bakit mo pa ako hinanap?” Halos gusto ko nang maiyak.

Hindi na niya ako sinagot nagpatuloy siya sa pagmamaneho patungo sa hindi ko alam kung saan.

“Dadalhin mo ba ako sa Sitio Valiente?" tanong ko ulit. Pero hindi niya pa rin ako sinagot. Magtatanong pa sana ako pero bigla niyang iniliko ang kotse kaya napahawak ako sa bintana dahil sa pagkabigla. “RAVE, ANO BA?!” reklamo ko.

Pumasok kami sa isang eskinita, masikip ang papunta sa lugar na 'yon at madilim. Medyo kinakabahan na ako pero pilit ko lang tinatatagan.

“Saan mo ba ako dadalhin?”

“Kailan ka pa ba naging ganyan kadaldal? Mamaya mag-uusap tayo, teka lang!”

Natahimik ako sa sinabi niyang iyon, pero sa kabilang banda, hindi pa rin ako mapakali. Matapos ng ginawa niya sa akin, natatakot na ako sa maaari niyang gawin. Natatakot akong baka may iba na naman siyang plano.

Ilang minuto pa ang lumipas, nakarating na kami sa mas maluwag na daan, dumami na rin ang mga bahay. Hanggang sa huminto kami sa malaking gate at may pinakita siyang I.D doon sa guard bago siya nagpatuloy sa pagmamaneho.

“Saan ba tayo?” tanong ko, medyo naiinip na ako. Nag-aalala na rin ako kay Ma’am Elsa. Napaano na kaya 'yon? Wala siyang kasamang waitress doon!

“Punta tayo sa bahay ko,” sagot niya.

“Sa bahay mo?” takang tanong ko.

Ibig niya bang sabihin. . .

“Umalis na ako sa Sitio Aracelli. Ayokong makita ang Kuya ko, putangina niya.”

Ibig sabihin hindi namatay ang Kuya niya. Hindi siya nagtagumpay sa plano niya?

“S-si Rayah?” tanong ko. Bigla kong naalala, halos makalimutan ko na.

Ngumiti siya pero halata roon ang pait.

“Wala na. . .”

Natigilan ako sa sinabi niya. Kumirot ang puso ko at naalala bigla kung paano ngumiti si Rayah. Kahit hindi kami nagkasama nang ganoon katagal, nalungkot ako para sa kaniya. Handa na sana akong magtanong muli ngunit inihinto niya ang sasakyan sa tapat ng isang gate. Napalingon ako sa labas at nakita ang tama lang ang laking bahay.

Bumaba siya ng kotse at binuksan ang gate, bumaba na rin ako at hinintay siyang iparada ang sasakyan sa loob. Pinapasok niya ako sa bahay niya. Medyo nag-aalangan pa nga ako pero ginawa ko na lang din dahil marami akong gustong malaman.

Pagkapasok sa bahay niya, namangha ako dahil sa ganda at linis nito. Pinaupo niya ako sa sofa at naupo naman sa kaharap na couch 'non.

“Wala akong kahit na ano sa ref. Gutom ka ba? Magpapadeliver na lang ako—”

“Sabihin mo na lang sa akin kung bakit mo ako hinanap?”

Umawang ang labi niya, mga ilang saglit bago siya kumurap.

“Buntis ka 'di ba? Hindi pwedeng pagala-gala ka lang dito sa syudad na buntis ka.”

Nangunot ang noo ko, “Anong buntis ba ang sinasabi mo? Paano ako mabubuntis—” natigil ako sa pagsasalita. “Ano?”

Napailing siya, “Katawan mo 'yan tapos hindi mo alam? Alam mo, nagpagalaw ka dapat alam mo kung anong consequences 'non.”

Nagtiim-bagang ako, “Bakit mo nga ako hinanap?” medyo naiinis na ako. At hindi rin ako naniniwalang buntis ako dahil tulad ng sabi niya, katawan ko ito.

“Noong nalaman kong umalis ka sa Sitio Valiente, nag-alala ako sa 'yo. Kasi alam ko ang mangyayari kapag nagpagala-gala ka. Kaso hindi ko alam kung nasaan ka, hindi ko na ma-contact ang number mo. Hindi naman kita totally hinahanap talaga, kaso may isa akong kaibigang aswang na nakapagsabing sa restobar na pinuntahan niya, may waitress raw na sobra ang bango at sarap ng amoy ng dugo. Kung makapagkwento siya sa akin parang gusto ka na niyang kainin. Kaya pinuntahan ko kaagad at hindi nga ako nagkamali, ikaw nga 'yan,” aniya.

Napayuko ako, “May aswang din pala na pumupunta sa ganoong lugar?”

Bahagya siyang napatawa, “Upgraded na ang mga aswang ngayon, Ema. Kahit saan naroon sila. Mas matatalino ang mga aswang dito sa Maynila. Hindi mo manlang ba naisip 'yon?”

“Pero ayoko nang bumalik sa Sitio Valiente. Lahat ng mga naroon, kinasusuklaman nila ako. . .” hindi ko naiwasang masabi.

“Kaya nga nandito ako, Ema.”

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, hindi ko siya maintindihan.

“Sasamahan kita rito, puprotektahan kita sa mga aswang na 'yan pati na rin ang anak ni Kuya Caelan. I mean, hindi ko sinasabi na pakasalan mo ako. Gusto ko lang na samahan ka. Ang lahat ng 'to, kasalanan ko. Hindi ako nag-isip nang mabuti, nagpalamon ako sa galit ko sa pamilya ko. Pati ikaw nadamay, pasensya ka na.”

Natahimik ako sa mga sinabi niya. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya ang lahat ng 'yon, na pagsisisihan niya ang mga nagawa niya.

“Hindi mo ako dinamay, plano ko ring gumanti kaso nga lang mas nauna ko nga lang napagtanto na mali pala 'yong ginagawa ko. Kaso huli na rin. . .”

Natahimik kami pareho. Nagkatitigan kami hanggang sa pareho ding napangiti.

“Tapos na, wala na tayong magagawa,” aniya. “So, payag ka na? Kailangan mo rin magpahinga dahil buntis ka.”

“Hindi nga ako buntis bakit ba pinipilit mong buntis ako?” reklamo ko.

“Ema, hindi pa nga ako tuluyang nagiging aswang pero malakas din ang pang-amoy ko. Naramdaman ko rin ang pulso mo kanina, buntis ka.”

Umiling ako, “Kailangan ko na munang makasiguro,” sagot ko.

“At kapag buntis ka? Papayag ka na ba na dito ka muna?”

“Hindi.”

Nagdugtong ang makakapal niyang kilay. “Anong hindi? Paano kayo ng magiging anak mo? Nasisiraan ka na ba?”

“Kung buntis nga ako babalik ako sa Sitio Valiente.” Iyon na lang siguro. Kailangan kong sabihin sa kaniya, hindi ako papayag na lumaki ang magiging anak ko na walang kikilalaning Ama.

“Hindi na kailangan, nandito naman na ako.”

At natigilan ako nang marinig ang boses niyang iyon. Iyong tinig niyang sa loob ng isang buwan, namiss ko at hinintay.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon