KABANATA 41:
CAELAN POINT OF VIEW:
“NAWAWALA SI EMA! NANDYAN na naman ba sa kwarto mo?!” inis na tanong ni Auntie Ida nang buksan ko ang pinto.
Hindi lang katok ang ginawa niya kanina, kinalampag niya ang pinto kaya nagising ako.
“Auntie, wala rito si Ema, hinatid ko na siya sa kwarto niyo kagabi.”
Napailing si Auntie at tila ba mas lalong nag-alala. “Sinasabi ko na nga ba, e. Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko. Halika sa kwarto at may ipapakita ako sa 'yo,” aniya.
Kunot-noong sumunod naman ako sa kaniya. Nagsisimula na akong kabahan dahil sa sinabi niyang nawawala si Ema at mas lalo akong kinakabahan sa ikinikilos ni Auntie.
Nang buksan niya ang pinto, wala nga roon si Ema. Natatarantang nagtungo si Auntie sa higaan ni Ema at binuksan ng bag nito. Sa kahahalungkat niya, nabigla ako nang may inilabas siyang cellphone mula roon.
“Noong nakaraang araw, nararamdaman ko nang gising pa siya sa gabi o kaya naman ay nagigising siya sa madaling araw. Kaya sinubukan ko siyang silipin. Nakita ko itong hawak niya. Ipinagsawalang-bahala ko lang 'to, kasi akala ko baka binigay noong kaibigan niyang si Kata o kaya’y binili niya pero—”
Hinaklit ko kay Auntie iyong cellphone at kaagad iyong binuksan, walang pass code iyon. Bumungad sa messages ang mga mensahe ni Rave sa kaniya. Palakas nang palakas ang pagkabog ng puso ko sa kaba. Nanginginig ang mga kamay ko dahil sa pinaghalong kaba at taranta. Nang mabasa ko ang ilang mensahe roon, nagkiskisan ng mga ngipin ko sa inis. Hindi ko akalain na magagawa sa akin 'to ni Ema. Na papayag siya sa plano ni Rave. . . Namamawis na rin ang kamay ko habang patuloy na ini-scroll pababa ang palitan nila ng mensahe. Hindi ko masisisi si Ema na magtiwala sa lalaking 'to. Dahil alam kong malaki ang galit niya sa akin. Pero iyong nangyari sa amin kagabi, alam ko, na kahit papaano kaya niya akong patawarin. . .
Napahinto ang daliri ko sa pag-i-scroll nang mabasa ang isang text doon ni Rave.
From Rave:
Pakasalan mo ako, Ema. Pareho nating gustong gumanti sa kanila, 'di ba? Pakasalan mo ako. Kapag ginawa mo 'yon, matutuloy ang hula. Mamamatay ang lahat ng aswang na narito sa Baryo Guerrero katulad ng gusto natin.Nag-igting ang panga ko sa galit. Halos maluha ako lalo na sa mga sumunod na sagot ni Ema, sa pagpayag niya rito. At ngayong araw. . .
Galit na galit na hinagis ko sa sahig ang cellphone. Napatalon si Auntie Ida sa gulat, gigil na inapakan ko 'yon at tumalikod, sinuntok ko pa ang pader at kahit dumudugo ang kamao ko, mabilis na lumabas ako ng bahay. Hinagilap ko ang susi ng kotse ko sa garahe. Hindi ko gagamitin ngayon ang jeep na madalas kong gamit. Ginamit ko iyong kotse na ginagamit ko kapag nagmamadali ako.
Agad na sumakay ako sa kotse at pinaharurot iyon. Galit na galit ako, gusto kong sakalin si Rave, palawitin ang dila niya at tanggalin lahat ng laman-loob na meron siya dahil sa galit ko.
Mas lalo kong pinaharurot ang kotse. Kahit pumutok ang gulong ng kotse ko, wala akong pakialam basta makarating lang ako sa bahay ng Alkalde.
Ilang minuto lang ang lumipas, nakarating na ako roon. Galit na tinulak ko ang gate, halos masira ko iyon pero wala akong pakialam.
Takot na umatras ang mga taong nagbabantay sa bahay. Ang Alkalde rito, siya lang ang tumatayong Alkalde pero sa likod niya ay kami. Wala siyang magagawa kung baliin ko ang lahat ng buto niya.
Marahas na tinulak ko ang pinto at pumasok sa loob.
“Ema!” sigaw ko.
Dumiretso ako sa opisina ng Alkalde dahil sigurado akong naroon sila.
“Ema!” galit na galit na sigaw ko.
Nang buksan ko ang pinto ng opisina, naabutan ko si Ema, nakaupo sa sofa at walang malay habang si Rave ay nakatayo at nakapamewang sa harapan ko. Takot na napatayo ang Alkalde nang makita niya ako.
“Sir! Bakit nandito ho kayo—”
Galit na kinuha ko iyong isang silya roon at mabilis na hinagis papunta sa kaniya, pero siniguro kong hindi iyon tatama. Umalingawngaw ang sigaw ng Alkalde kasabay ng marahas na pagtama ng silya sa pader at ang pagkaskas ng bakal.
“Gusto ko sanang maniwala na wala kang alam!” galit na sigaw ko.
Unti-unti kong nararamdaman ang paghaba ng mga kuko ko at ang balat ko ay nangingitim na kasabay ng paglabas ng mga pangil ko.
Nakangiti sa akin si Rave, na para bang tuwang-tuwa siya sa reaksyon ko.
Galit na sinugod ko siya. Sinakal ko ang leeg niya at pinatama ang likuran sa dingding. Lumagutok ang buto niya sa likod at kaagad na may lumabas na dugo sa kaniyang bibig.
“Hindi ko inakala na gagawin mo 'to! Sa lahat ng pwedeng tumraydor sa lahi natin, ikaw pa?!” galit na sigaw ko sa kaniya.
Umubo siya nang umubo, pero ngumiti pa rin siya kahit na halatang nahihirapan.
“Wala kang alam, K-kuya C-caelan. W-wala!” sigaw niya at marahas akong itinulak.
Naitulak niya ako pero hindi sapat. Hindi niya ako kaya, mas mataas na uri ako ng aswang kaysa sa pamilya niya at isa pa, hindi pa siya tuluyang nagiging aswang.
“Kung gusto mong gumanti, bakit kailangan mo pang mandamay ng inosente?!” muli ko siyang hinawakan sa leeg at inangat mula sa sahig. Hinawakan niya ang kamay ko habang nakatingala, kinakapos sa hininga.
“W-wala k-kang m-magagawa! M-mang-ya-yari t-talaga i-ito!” sinubukan niyang alisin ang kamay ko pero hindi ko 'yon ginawa.
Mas lalo kong hinigpitan ang pagsakal ko sa kaniya. Kaunti na lang. . .
Kaunting pihit na lang sa leeg niya, mamamatay na siya pero bahagya iyong lumuwag nang marinig ko ang tinig ni Ema.
“C-caelan. . .”
Napabitiw ako sa pagkakasakal ko kay Rave. Bumagsak siya sa sahig. Nataranta ako bigla, ayokong makita ako ni Ema na ganito.
Kaagad na nilingon ko siya, hawak niya ang kaniyang pisngi, bumangon siya. Napansin ko agad na may benda ang kanang kamay niya.
“Caelan?” gulat na tanong niya.
Taas-baba ang dibdib ko dahil sa hingal. Kumuyom ang mga palad ko at sinulyapan si Rave na halos hindi na makatayo. Nagmadali akong lumapit kay Ema at binuhat siya.
“P-paano ka nakarating dito?” tanong niya sa akin.
Hindi ko siya sinagot. Galit na galit ako, gusto ko pang patayin iyong putanginang Rave na 'yon pero hindi ko na gagawin.
“S-sir Caelan?”
Bumaba ang tingin ko sa kaniya.
“Hindi ko matanggap na pumayag kang magpakasal sa lalaking 'yon.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...