KABANATA 37:

521 27 5
                                    

KABANATA 37:

ILANG BESES NA LUMINGA-LINGA SA PALIGID SI Rave bago siya nagsalita tungkol sa sinasabi niyang magiging plano namin.

“Ganito, ito ang pusod ng Baryo Guerrero. Sa mismong parte na 'to ng gubat, dito mangyayari ang lahat,” aniya.

Kunot-noong napalinga rin ako sa paligid. Naiisip ko pa lang ang pwedeng mangyari dito, natatakot na ako, kinakabahan.

“Pero imbes na ikaw ang kainin ng mga aswang, gagawa tayo ng patibong. Syempre kailangan nating kumuha ng dugo mo dahil iyan ang magiging panlaban natin sa kanila,” pagpapatuloy niya. Hinayaan ko naman siyang mag-salita. “Pagkatapos nating magpakasal, kailangan na nating kumilos, umpisahan na natin ang dapat nating gawin. Kung yayayain kang magpakasal ni Kuya Caelan, huwag kang papayag dahil kapag ginawa mo 'yon, masisira ang lahat ng plano natin.”

Huminto ako at lumingon sa kaniya, “Hindi ko balak na pakasalan ang aswang na 'yon.”

Ngumiti siya sa akin at humakbang palapit. “Buti naman, at least nagkakaliwanagan tayong dalawa. May nakilala nga pala akong albularyo. Noong una, may iba akong plano na gustong gawin, e. Kaso magiging matagal ang proseso 'non pero ngayong nakilala ko siya, mas mabilis ang mangyayaring pagganti natin kapag tinulungan niya tayo.”

Ganti.

“Handa ka bang mamatay ang tatay mo at ang kuya mo kapag nangyari ang gusto mong gawin?” tanong ko sa kaniya.

Ngumiti siya, “Sila nga ang gusto kong mamatay, e. Sa kanila ako may galit. Dahil mga walang awa sila kung pumatay ng tao. Kaya nga hanggang ngayon, kahit na 23 years old na ako, hind pa rin ako pumapayag na maging tuluyang aswang dahil wala akong balak na maging kauri nila. Ayokong mauhaw at magutom sa laman ng tao.”

“Pero hindi ka ba mahahabag kung mamamatay sila?”

Dahil pakiramdam ko makokonsensya ako kapag nangyari 'yon.

“Hindi nila kami binigyan ng pagmamahal. Wala silang ginawa sa amin ni Rayah kundi ang maging sunod-sunuran. Puro galit lang ang meron sa puso ko,” aniya.

Hindi na ako sumagot. Hindi ko alam kung ano ang totoong nararamdaman ni Rave ngayon pero nakikita ko sa mga mata niya na determinado siya. Na gustong-gusto niyang gawin 'to.

Natigil ako sa pag-iisip nang my narinig akong malaking boses. Para bang halimaw. Nang lingunin ko 'yon, hinawakan ako ni Rave at hinila ako palapit sa kaniya. Niyakap niya ako mula sa likuran. . .

Nanlaki ang mga mata ko nang tumama ang paningin ko sa isang aswang na nilalantakan ang isang lalaki. Wala sa sariling napatakip ako sa bibig ko. Wakwak ang tiyan ng lalaking biktima, nakaluwa na ang mga bituka nito habang ang aswang na may mahabang dila at may nangingitim na balat ay sarap na sarap na nilalantakan ito. Malayo-layo iyon sa pwesto namin pero halos masuka ako sa nakikita. Mas malala pa 'to sa nakita ko kay Sir Trebor at Ma’am Lilith!

“Iyan ang sinasabi ko sa 'yo, Ema. . .” bulong ni Rave sa ibabaw ng tenga ko. “Hahayaan mo bang patuloy silang maghasik ng lagim sa mga tao?”

Nang mag-angat ng tingin sa amin ang aswang, kaagad akong pinihit ni Rave para mag-iwas ng tingin doon sa aswang.

“Iuuwi na kita sa inyo,” aniya.

Siya na mismo ang nag-angat sa akin paupo sa motor niya. Habang pauwi, hindi maalis ang pandidiri at pag-ikot ng sikmura ko dahil sa nakita.

Nang makarating kami sa bahay ng mga Valiente, saktong wala roon si Sir Caelan. Mabuti na lang dahil sigurado akong may masasabi na naman 'yon.

Kinausap ni Rave si Sir Reynaud at nagpasalamat dahil hindi nagalit sa akin ang Amo ko. Umakyat kaagad ako sa kwarto para uminom ng tubig dahil hindi pa rin mawala ang pag-ikot ng sikmura ko. Sinubukan ko na ring kumain ng candy.

Ngayon napaisip ako, tama nga. Hindi ko kayang makita ang mga nilalang na 'yon na kumakain ng sarili kong kauri, nakakadiri. Paano kung makita ko pa si Sir Caelan na kumain ng tao sa harap ko? Siguro hindi ko na kakayanin pa. . .

Kahit anong gawin kong pagpapagaan ng pakiramdam ko, hindi iyon nangyari. Bumaba ako ng hagdan at dumiretso sa banyo para sumuka nang sumuka. Hindi ko alam kung bakit nandiri pa rin ako kahit na ilang beses ko nang nakita si Sir Trebor na kumakain ng tao. Siguro dahil mas nakakadiri ito. Mismong sa harap ko at kaunti lang ang distansya.

Matapos kong sumuka at maghilamos, lumabas na ako ng banyo. Naabutan ko si Sir Caelan doon, nakakrus ang mga braso niya sa ibabaw ng kaniyang dibdib habang nakasandal sa pader. Tila naiinip na.

Lalagpasan ko sana siya pero katulad ng madalas na nangyayari,  tila paulit-ulit na, hinarang niya ako.

“Hinatid ka na naman ng batang 'yon?” inis na tanong niya.

Naiinis talaga ako kapag ganyan siya.

“Bakit ba? Ano bang pakialam mo? At saka hindi siya bata. Mas matanda nga siya sa akin, e!” reklamo ko.

“Bata pa siya, wala pa siyang alam.”

“Bakit at ilang taon ka na ba at kung makapagsabi ka ng ganyan—”

“Tatlumpung-taon na ako!” pagmamalaki niya.

Tumaas bigla ang kilay ko. Teka. . . Kung trenta anyos na siya, ibig sabihin halos labing-tatlong taon ang agwat niya sa akin!

“Bakit? May problema ka ba sa mga lalaking may edad na?!” inis na tanong niya ulit.

Bumuga ako ng malalim na hininga 'tsaka siya tinulak kahit pa alam kong Amo ko siya. Bahala siya kung magalit siya o ano. Hindi na tama ang ginagawa niya sa akin!

“Kausapin mo nga ako, bakit ba hindi mo na lang aminin, baka may gusto ka talaga sa batang 'yon? Binabalaan kita—”

Hindi ko siya pinatapos sa pagsasalita. Hinarap ko siya at sinamaan ng tingin.

“Paano nga kung may gusto rin ako sa kaniya? Anong gagawin mo? May problema ka ba 'ron?”

Tinitigan niya ako ng ilang segundo. Katulad ng madalas niyang ginagawa, parang binabasa na naman niya ang nasa utak ko. Pero alam kong hindi niya magagawa 'yon dahil si Odessa na mismo ang nagsabi, hindi nila nababasa ang isip ng tao.

“May problema ako 'ron. Kasi gusto kita, akin ka lang!” aniya sabay talikod at naglakad palayo sa akin.

Naiwan akong tulala roon. Hindi makapaniwala sa ikinilos niya.

Teka nga. . .

Sino ba talaga ang bata sa aming dalawa? Bakit bigla na lang siyang nagkaganyan?

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon