KABANATA 43:
THIRD PERSON POINT OF VIEW:
RAMDAM NI CAELAN na nanghihina si Ema. Nakapikit ito habang nasa byahe sila pauwi sa Sitio Valiente. Namumutla rin ang labi nito kasabay ng malalim na paghinga
“Gusto mo bang kumain?” tanong ni Caelan kay Ema.
Nag-angat ito ng tingin sa kaniya at marahang tumango. Ang pagkaputla ni Ema, hindi lang dahil sa gutom. May iba siyang naiisip na dahilan, iyon ay ang sugat sa kamay ni Ema. Sigurado siyang may binabalak si Rave. Siguradong may dahilan kung bakit niya sinugatan si Ema.
Dumiretso sila sa pinakamalapit na karinderyang narating nila. Siniguro niyang hindi aswang ang may-ari ng karinderya dahil ayaw niyang pakainin si Ema ng laman ng tao.
Um-order siya ng adobong manok at monggo para sa kanilang dalawa. Ni hindi kumikibo si Ema. Nang kakain na sila at hahawakan na ni Ema ang kutsara, nabigla si Caelan na doon lang napansin ni Ema na may sugat ang sarili nitong palad.
“B-bakit may sugat ako rito? Kinuhanan na ba ako ni Rave ng dugo?” gulat na tanong ni Ema. Ngumiwi ito nang subukang buksan ang benda.
Nag-iwas ng tingin si Caelan. Naaamoy niya ang sariwang dugo ni Ema pero hindi ganoon katapang dahil sa gamot na ininom niya at dahil na rin sa pagkakabenda ng kamay.
“Kumain ka na,” ani Caelan.
Sinubuan niya si Ema, kahit alangan pa si Ema na magpasubo, ginawa niya pa rin dahil alam niyang hindi niya na hindi nito kaya lalo na’t kanang kamay niya ang may sugat at halos hindi siya makagalaw sa sobrang panlalata.
Pagkatapos kumain, sa kotse ni Caelan, nakatulog na si Ema. Kaya nang makarating sila sa ilog na malapit sa gubat ng Valiente, inihinto niya na muna ang kotse roon at binuksan ang parehong bintana ng kotse para hayaang magpahinga si Ema. Sa tagal ng pagkakatulog ni Ema, hindi niya namalayang nakatulog din siya.
Nagising siyang wala na sa tabi niya si Ema, halos mataranta pa siya dahil baka itinakas na naman ito ni Rave ngunit nakahinga siya nang maluwag nang makita si Ema sa tabing ilog.
Nakaupo ito, nakaharap sa papalubog na araw. Ni hindi na niya napansin na maggagabi na pala.
Lumabas siya ng kotse at sinundan si Ema roon. Nag-angat ito ng tingin sa kaniya at ngumiti. Namumutla pa rin ang labi ng dalaga pero hindi na gaanong nanghihina ang itsura nito.
“Bakit hindi mo ako ginising? Nakauwi na sana tayo,” aniya.
Nag-iwas ng tingin si Ema at muling inilagay ang atensyon sa papalubog na araw. Mayamaya lang ay magpapakita na ang buwan, sigurado.
“Gusto ko nang matapos ang lahat, gusto ko nang magkaroon ng matiwasay na buhay, napapagod na ako,” biglang sabi ni Ema.
Natigilan siya roon. Bahagyang kumirot ang dibdib niya dahil sa narinig niya mula sa dalaga. Naaawa siya sa lahat ng pinagdaanan nito sa buhay. Sa lahat ng paghihirap na naranasan ni Ema, alam niyang karapatan nitong sumaya. Karapatan din nitong magkaroon ng kapayapaan.
Naupo siya sa tabi ni Ema, hinawakan niya ang kamay nito kaya agad namang napalingon sa kaniya ang dalaga.
“Kaya nangyayari 'to ay dahil sa akin. Ema, sana kahit marami akong nagawang mali sa pamilya mo, sana kahit na ako ang dahilan ng lahat ng paghihirap mo, magawa mo pa rin akong patawarin.” Paghingi niya ng tawad.
Napatitig lang si Ema sa kaniya, katulad ng madalas, gusto niyang basahin ang iniisip nito. Gusto niyang malaman lahat ng gusto nitong sabihin. Dahil sa totoo lang, hindi kailanman niya nakitaan ng pagkamahina si Ema. Hindi niya kailanman narinig na nagreklamo ito o kahit manlang sabihin ang nararamdaman. Ngayon lang. . .
Ngayon lang ito nagsabi.
“Ema. . . Gusto kong malaman ang gusto mong sabihin,” aniya pa.
“Paano kita mapapatawad? Sa tingin mo ba ganoon kadaling patawarin ang isang nilalang na naging dahilan ng paghihirap ko? Sa tingin mo ganoon lang kadali 'tong nararamdaman ko?”
“Ema. . .” mas hinigpitan pa ni Caelan ang pagkakahawak sa kamay nito.
“Gusto kong mamatay rin ang mga kauri mo, gusto kong mamatay rin ang pamilya mo para naman kahit papaano makaganti ako. Gusto kong mamatay ka, gusto kong matapos na ang lahat!” sigaw ni Ema.
Napatitig siya sa mga mata ng dalaga, amg lahat ng sinasabi nito, tagos sa puso. Kumikirot ang puso niya habang pinapakinggan ang lahat ng 'yon. Parang gusto niyang bitiwan ang dalaga pero sa kabilang banda, kung bibitiwan niya ito, sino ang sasalo rito?
“Ema, pasensya na. Hindi ko sinasadya ang lahat ng 'to. Kung pwede ko lang ibalik ang panahon, ang oras kung kailan nangyari ang lahat, ibabalik ko—”
“Alam mo ba kung ano 'yong masakit, Caelan?” ani nito. “Iyong kahit na sobra-sobra ang pagkasuklam ko sa 'yo, nagawa pa rin kitang mahalin. Kahit dapat ikaw 'yong kahuli-hulihang nilalang na pipiliin kong mahalin, nangyari pa rin. Ilang beses kong pinigilan ang sarili ko, ilang beses kong pilit iwinaksi 'tong nararamdaman ko pero—”
Hindi niya pinatapos ang sasabihin ni Ema, hinawakan niya ang pisngi ni Ema at mabilis na hinagkan ito sa labi. Kasabay ng paghalik niya ay ang tuluyang paglubog ng araw at ang unti-unting pag-angat ng bilog at maliwanag na buwan.
Pakiramdam ni Ema, humaplos ang halik ni Caelan sa puso niya. Tila ba pinaghihilom nito ang sakit na nararamdaman niya. At sa pagbitiw ng halik, nagkatitigan sila sa mga mata.
Ilang sandali lang, nawala ang pungay ng mga mata ni Caelan, nilingon niya ang malaki, maliwanag at bilog na bilog na buwan sa kalangitan.
“E-ema, pumasok ka sa loob ng kotse. Kahit anong mangyari, huwag na huwag mong huhubarin o aalisin ang kwintas sa leeg mo. Hintayin mo ako, babalik ako.”
Tumayo bigla si Caelan at nagmadaling tumakbo. Nabigla si Ema roon, hindi niya naintindihan ang nangyari ngunit nang biglang lumamig ang paligid, kasabay ng pagkidlat mula sa kalangitan. Napatayo rin siya at may biglang naalala.
“Sa kabilugan ng buwan, sa gitna ng gubat sa Sitio Valiente, kung kailan gutom ang lahat. Magkukumahog sa paghahanap ng makakain, madidiskubre ng isa ang isang ipinagbabawal na pagkain. Siya ang unang titikim. Pagkatapos ng tikim, mananabik siya at hindi ito titigilan. Lahat sila, magpapaalipin sa mahalimuyak na amoy ng kasalanan. Sa gitna ng isang masaganang kainan, bubukas ang portal sa ilalim ng lupa kasabay ng malaki at malakas na buhawi ay ang paglamon ng lupa sa lahat ng nasa pusod ng Baryo Guerrero. Mabubura ang buong baryo, ni isa, walang matitira maliban sa mga taong nabubuhay rito.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...