KABANATA 17:
GABI NA, PERO HINDI PA NAKAKAUWI si Sir Caelan. Hindi ko alam kung bakit para akong tangang naghihintay sa kaniya. Matapos ang mga gawain sa bahay, nanatili na lang ako sa harap ng bintana ng kwarto namin, naghihintay kay Sir Caelan.
Bumuntong-hininga ako nang masaksihan ko mismo ang paglubog ng araw ngunit wala pa rin siya. Nag-aalala ako sa hindi ko malamang dahilan. Kung tutuusin, dapat wala akong pakialam sa kaniya nang sabihin niyang may nangyayaring gulo sa San Rafael Pildera. Ganoon ba kaimportante sa kaniya iyong halamang gamot na 'yon? Na kailangan niyang sumuong kahit na alam niyang delikado?
Napatayo ako sa kinauupuan ko nang makitang malakas na bumukas ang gate. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang hubad ang pang-itaas na damit ni Sir Caelan. Mula sa mga ilaw na nakabukas sa labas, kitang-kita ko ang dugo sa labi niya pababa sa kaniyang katawan. Ngayon ko lang napansin, bilog ang buwan. . .
Nag-angat siya ng ulo, palinga-linga sa paligid. Tila ba may hinahanap, at nang magtama ang mga mata naming dalawa, nanginig ang labi ko. Napaatras ako dahil ang buong mata niya ay itim na itim, ang mga kuko niya ay mahahaba, may hawak siya pero hindi ko alam kung ano.
Mas lalo akong kinabahan nang sa isang iglap ay bigla siyang nawala roon, mabilis na bumukas ang pinto at pumasok si Auntie Ida. Todo ang pagdagundong ng puso ko sa lakas ng kabang nararamdaman ko. Halata sa mukha ni Auntie Ida ang pagkataranta. Ini-lock niya ang pinto at mabilisang itinulak ang side table.
“ISARA MO ANG BINTANA!” sigaw niya sa akin.
Sa gulat ko dahil sa biglaan niyang pagsigaw, tarantang sinara ko ang binatana at ini-lock.
Nanginginig na nilingon ko si Auntie. Palinga-linga siya sa paligid, parang may hinahanap.
“A-auntie! Ano bang nangyayari?!” takot na tanong ko.
“Magtago ka! Dito sa ilalim ng papag! Para kahit paano’y hindi ka niya kaagad makita!”
“P-pero Auntie—”
Bago pa man ako makatutol, malakas na kumalampag ang pinto. Napakalakas na pwersa ang tumulak doon na nasira kaagad ang ibabaw na bahagi ng pinto! Kabadong yumuko ako at pumasok sa ilalim ng papag. Takot na takot na ako, nanginginig at pinagpapawisan. Ito ba 'yong sinasabi niyang hindi niya na kaya? Hindi ba siya nakakuha ng halamang gamot?!
“A-auntie!” rinig kong nahihirapang sigaw niya. Boses niya pero nahahaluan ng nakakikilabot na boses na animo’y galing sa ilalim ng lupa.
Pinukpok niya ang pinto na mas lalong nagpanginig sa akin. Nag-umpisang tumulo ang mga luha ko. Mamamatay na ba ako?!
“N-nakakuha ka ng gamot?” tanong ni Auntie sa kinakabahan ding tono.
“T-tangina!” sigaw muli ni Sir Caelan. Ilang beses niya pang pinagpupukpok ang pinto hanggang sa napatili ako dahil mula sa ilalim ng papag, bumukas ang pinto, nagtalsikan ang mga gamit na iniharang ni Auntie.
“C-caelan!” gulat na tawag ni Auntie.
“A-auntie. . . Nasaan? S-sabi k-ko, itago mo!” aniya.
“Ang gamot? Nasaan?!” sigaw ni Auntie na natataranta.
MALAKAS na napatili ako nang yumuko bigla si Sir Caelan. Nakita niya ako mula sa ilalim ng papag. Nanlalaki ang mga mata ko nang matitigan ang mga mata niyang itim na itim. Sa gilid 'non ay halos lumabas na ang mga ugat niya. Ngumisi siya at lumabas ang malalaki niyang pangil.
Umurong ako, sinubukang umatras. Pero kahit na anong urong ko ay inabot niya ako gamit ang kamay niyang may mahahabang kuko!
Walang patid ang pag-tili ko. Wala na akong ibang naiisip kundi ang kagustuhan pang mabuhay.
“C-caelan! Sandali, parang-awa mo na huwag mong kainin ang pamangkin ko! Saglit lang at gagawin ko na ang g-gamot!” tumitili na si Auntie.
“A-auntie, sabi ko itago mo!” sigaw ni Sir Caelan. Nagbabago ang itsura ni Sir Caelan, nagmimistulang halimaw na nagpipigil ng sarili.
Napadaing ako nang sa isang hampas ng kamay niya’y sumirit ang dugo sa braso ko na nahagip ng kaniyang matalas na kuko.
“Caelan!” sigaw muli ni Auntie.
Malapit niya na sana akong maabot nang may biglang humablot sa buhok ni Sir Caelan. Sa isang kurap ko’y hinatak siya nito.
“Bilisan mo, Ida. Gawin mo na ang gamot niya,” mahinahong ani Sir Reynaud. “Trebor! Tulungan mo ako rito.”
Napasubsob ako sa sahig at unti-unting humikbi, umiyak ako nang umiyak. Akala ko katapusan ko na, akala ko mamamatay na ako. . .
Hindi pa ako handang mamatay. Oo, minsan napapaisip at napapatanong ako sa sarili kong buhay. Pero nangarap din naman ako ng maayos na buhay. Minsan din akong nangarap na magkaroon ng sariling pamilya. Ang dami kong pangarap na gusto kong matulad bago manlang ako mamatay. Ang problema. . .
Ay kung nakatadhana ba na magkaroon ako ng pamilya? Kung sa ganitong pamilya at sitwasyon ako nakalagak?
Nakakapagod na.
Siguro, malaman ko lang ang lahat ng tanong sa isip ko. Siguro pagkatapos ng lahat ng 'yon, pwede na siguro akong umalis sa lugar na 'to.
Kahit ayaw nila akong paalisin, pipilitin ko. Ayoko sa impyernong lugar na 'to.
Pumikit ako at nagpatuloy sa pag-iyak, hanggang sa. . .
Nawalan ako ng malay.
-
Naalimpungatan ako sa pakiramdam na para bang lumulutang ako. Pero dahil sa antok at pagod, hinayaan ko 'yon. Naramdaman ko ang paglapat ng likuran ko sa papag at ang paglapat ng ulo ko sa unan.Dahil sa pagod ng katawan ko’y hinayaan ko ang lahat. Pakiramdam ko rin ay isa lang 'yong panaginip. Pero kahit na hinahayaan ko lang, kahit na pakiramdam ko ay panaginip lang, hindi ko makakalimutan ang marahang paghaplos ng malapad at magaspang na kamay sa mukha at sa buhok ko. . .
Lalo na ang garalgal na boses niyang tuluyang nagpahimbing sa pagtulog ko.
“Hindi ko hahayaang mangyari ulit ito.”
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...