KABANATA 6:
DAHIL SA PAGBIGAT NG AWRA ng paligid, nagmadali akong maglakad papunta roon sa itinuro ng Ale. Kinakabahan ako. Ngayon, sigurado na akong may kakaiba talaga sa Sitio'ng ito. Hindi lang pakiramdam ang nararamdaman ko, totoo talaga.
Nang makarating ako sa dulo ng palengke, naabutan ko ang isang maliit na pinto roon. Mababa lang ang pinto, halos tatama lang ang ulo ko kung dadaan ako roon. Kaagad akong kumatok doon, gusto ko nang mabili ang dapat kong bilhin para makabalik na ako sa kotse.
Ilang katok lang ay bumukas na ang pinto. Dahan-dahang bumukas iyon at sumilip ang pares ng namumulang mga mata. Napaatras ako bigla ngunit sa pagkurap ko ay umitim na ang mga matang 'yon.
"Ano 'yon?" tanong ng matandang babaeng nagbukas ng pinto. Ang creepy ng boses niya.
"B-bibili po sana ako ng especiarias," sagot ko.
Tumitig siya sa akin bago niya tuluyang binuksan ang pinto para papasukin ako. Ang totoo'y nag-aalangan akong pumasok. Nakakatakot ang matanda. Hindi siya pangkaraniwang matanda na masungit, para bang may kakaiba. Tumatayo ang mga balahibo ko. . .
"Maupo ka riyan at hintayin mo ako, bagong luto pa kasi. Hindi ko pa naisasalin sa garapon," aniya.
Itinuro niya ang bangko na yari sa kahoy. Katabi iyon ng pinto. Kaagad akong naupo roon dahil pakiramdam ko'y nanghihina na ang mga tuhod ko sa kilabot na nadarama ko.
Pumasok siya sa kulay itim na kurtinang nakatakip mula siguro sa isa pang kwarto. Ang buong lugar ay puno ng mga garapon na hindi ko mawari kung ano ang mga laman. Mga langis, o halamang gamot.
Habang nakaupo ako sa bangko, nakabukas ang pinto, kaya ilang beses din akong sumisilip sa labas. Ilang beses ko ring naririnig ang mga bulungan. Mga bulong na animo'y mga demonyong bumubulong mismo sa tenga ko.
Bakit ganoon? Bakit gano'n sila kung mag-usap? Ganito ba talaga sa lugar na 'to?
Ilang minuto akong nakaupo roon bago muling hinawi ng matanda ang kurtina hawak ang isang garapong may lamang kulay itim at dilaw na likido. Mukha itong malangis.
"Magkano po?" tanong ko sa kaniya.
Iaabot na sana niya sa akin ang garapon nang bigla siyang napahinto. "Bago ka rito?"
Hindi kaagad ako nakasagot. Bakit ba nila tinatanong sa akin kung bago ako rito? May masama ba kung bago ako?
Tumango ako at muling nagtanong, "Magkano po?"
Bumuntong-hininga siya at iniabot sa akin ang garapon. "Limang daang piso, iha."
Dumukot ako sa bulsa ko at nakitang may natira pang 800 pesos doon. Kaya pala malaki ang binigay sa akin. Mahal pala ito. Ano kayang klaseng sangkap ang especiarias na 'to? Kasi sobra naman ang pagkamahal ng presyo.
Pagkaabot ko sa kaniya ng bayad, agad akong tumayo at magpapaalam na sana ngunit napahinto ako nang hawakan ng matanda ang braso ko. Kinabahan ako bigla. Inangat niya ang braso ko at nakita ko roon ang bakas ng kuko ni Sir Trebor.
"Dapat hindi ka pinababayaang mag-isa ng Amo mo. Kung bago ka lang dito, dapat sinasamahan ka niya."
Binawi ko agad ang braso ko, "Naku po, may pinuntahan lang po siya saglit. Malapit lang naman po ang pinagparadahan niya ng sasakyan."
Nag-angat ako ng tingin sa matanda. Ganoon na lang ang kaba ko at gulat nang makitang namumula ang mga mata niya na unti-unting nagiging kulay itim! Napaatras ako kasabay ng pagkabog ng puso ko.
"A-anong—"
"Tumakbo ka na, iha!" anang matanda.
Natataranta man, mabilis na lumabas ako sa tindahan at tumakbo palayo. Dahil sa panlalamig at sa panginginig, hindi ako nakasigaw, ni hindi ako nakahingi ng tulong. Naihagis ko ang bitbit kong mga pinamili.
Takot na takot ako, lalo na nang paglabas ko ay ang mga tindero't tinderang katulad na rin ng itsura ng matanda ang nadatnan ko. Unti-unting lumabas ang mahahabang kuko nila, ang mga mata'y namula hanggang sa naging itim. Naging kulubot ang mga balat at lumabas ang mga pangil. Ang isa'y lumabas na ang napakahabang dila.
Doon lumabas ang lahat ng boses ko. Agad na lumiko at tumakbo palabas ng palengke.
"Ah! Tangina!"
Hindi ako nagmumura pero hindi ko naiwasang gawin habang tumatakbo ako. Nag-uunahang bumagsak ang mga luha ko sa kaba. Kahit nanginginig ang mga tuhod ko sa takot, pinilit kong tumakbo. Kamuntik pa akong madulas at naiwan pa ang suot kong tsinelas!
Naririnig ko ang pag-atungal ng mga nakasunod sa akin. Tila ba gutom na gutom sila. Anong klaseng nilalang ba ang mga ito?! Paano ba ako humantong sa ganito?!
Kahit natatakpan na ng mga luha ang mga mata ko, walang tigil ako sa pagtakbo. Ni hindi ko na alam kung saan ako patutungo. Kung sana lang ay naalala ko pang bumalik sa kotse, baka sakaling tulungan ako ni Sir Trebor. . . Pero ano bang magagawa no'n? Kung halimaw ang mga humahabol sa akin?!
Pero. . .
Tuluyan akong nawalan ng pag-asa nang matapilok ako bigla. Pakiramdam ko'y bumagal ang paligid habang unti-unti akong bumabagsak sa mabato at madamong lupa. Nang bumagsak ako, kasabay no'n ang pagbalot sa tenga ko ng malalakas na atungal ng mga halimaw na sumusunod sa akin.
Handa na ako.
Hindi ko na sinubukan pang bumangon.
Alam kong ito na ang katapusan ko. Humagulgol ako nang malakas. Wala na akong magagawa kundi ang tanggapin ang kapalaran ko. Titiisin ko lang ang konting sakit.
Konti lang naman, e. . .
Naramdaman kong may kumalmot sa likod ko. Sobrang hapdi 'non. Sunod na aasahan ko na sana ay ang pagkagat sa akin. Ngunit hindi na iyon nangyari nang may biglang lumagabog.
Mas lumakas ang pag-atungal ng mga halimaw.
"Iyan ka na naman ba, Caelan?! Ipagtatanggol mo na naman ang pagkain natin?!" tanong ng isang nakakatakot na boses. Tila ba galing sa ilalim ng lupa ang narinig ko.
Lalo akong sumubsob sa lupa. Gusto ko silang makita, gusto kong makita kung sino ang nagtatanggol sa akin pero natatakot ako. . .
"Hindi ko siya ipinagtatanggol. Tao ko siya, Amo niya ako kaya wala kayong karapatang saktan siya."
Nakarinig ako ng malakas na tawa. Tawa na tila ba demonyo. "Talaga ba? Baka isa na naman sa palusot mo?"
"Hindi ako nagpapalusot. Kung gusto n'yo siyang saktan, sige. Pero si Ama ang makakalaban ninyo."
Biglang tumahimik ang paligid. . . Inaasahan kong umalis na sila pero nagulat ako nang may biglang humablot sa suot kong damit at inangat ako mula sa lupa.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...