KABANATA 35:

514 29 2
                                    


KABANATA 35:

NANG SABIHIN KO 'YON SA KANIYA, hindi kaagad siya nakasagot. Nanatili siyang nakatitig sa akin, katulad kanina, parang binabasa niya pa ang mga mata ko kung nagsasabi ba ako ng totoo o hindi. At para matapos na, pinilit kong huwag alisin ang pakikipagtitigan sa kaniya.

Mayamaya’y ngumisi siya at bahagyang natawa. “Sinungaling,” akusa niya sa akin.

Kumunot ang noo ko. “At paano mo naman nasabing nagsisinungaling ako?”

Mas lalo niyang inilapit ang mukha niya sa akin, ngayon ay magkadikit na ang tungki ng mga ilong naming dalawa. Aminado akong kabadong-kabado na ako pero hindi ko 'yon pinapahalata.

“Ang bata mo pa, siguro tatanungin kita ulit sa susunod na buwan,” aniya pagkatapos ay ngumiti ng nakapanloloko at saka lumayo sa akin. “Bumalik ka na sa kwarto n’yo.”

Lutang akong lumabas ng kwarto niya at bumalik sa kwarto namin ni Auntie. Para akong nahipnotismo sa mga tingin niya kanina. Hindi ko inakala na magiging ganoon siya sa akin at mas lalong hindi ko inakala na sasabihin niyang gusto niya ako.

Totoo ba 'yon? Napakaimposible naman yatang magkagusto siya sa akin. Alam kong ginagawa niya lang 'to para magpakasal ako sa kaniya. Ginagawa niya 'to para mas mapadali ang gusto niya.

Nang makapasok sa kwarto, kaagad ko 'yong ini-lock at kinuha ko ang cellphone ko sa bag. Nabasa ko ang mga text ni Rave doon.

From Rave:
Alam mo ba kung bakit gusto kang pakasalan ni Kuya Caelan? Para mapigilan ang nakatakda. Kapag ikinasal ka sa kaniya, hindi matutuloy ang delubyong mangyayari sa buong Guerrero.

Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. May mali ba sa alam ko tungkol sa hula? Ang sabi ni Sir Caelan, pagpipyestahan daw nila ako? At iyon ang magiging sanhi ng paglubog nila sa impyerno? Hindi ko na alam. . . Teka, may hindi yata ako naintindihan sa pagkakasabi niya sa akin ng tungkol sa hula.

From Rave:
Huwag kang magtiwala sa kaniya, iniiba niya ang mga sinasabi niya sa 'yo. Para mapigilan ang pagkamatay ng mga aswang, kailangan ka niyang pakasalan. Kapag pinakasalan ka niya, hindi na matutuloy ang hula.

From Rave:
Pakasalan mo ako, Ema. Pareho nating gustong gumanti sa kanila, 'di ba? Pakasalan mo ako. Kapag ginawa mo 'yon, matutuloy ang hula. Mamamatay ang lahat ng aswang na narito sa Baryo Guerrero katulad ng gusto natin.

From Rave:
Hindi mo naman gustong makulong na lang sa Sitio Valiente buong buhay mo 'di ba? Huwag kang mag-alala, pagkatapos nating mapalubog ang buong Baryo na ito, pwede tayong maghiwalay. Para 'to sa kapakanan mo.

Kaagad kong itinago ang cellphone pagkatapos kong mabasa ang lahat ng text ni Rave. Hindi ko alam ang isasagot ko. Gusto kong makaganti, lalo na sa mga Valiente na sumira ng buhay ko. Lalo na kay Sir Caelan na mismong nagsimula ng paghihirap ko. Pero sa kabilang banda. . .

Parang may pumipigil sa akin na huwag gawin, na huwag na lang gumanti. Pero kung hindi ko naman gagawin 'to, kung hindi matutuloy ang hula, habambuhay akong makukulong sa impyernong lugar na 'to.

Imbes na mag-isip, nagbihis na lang ako ng damit at natulog na dahil sa pagod. Ang daming nangyari ngayong araw at pakiramdam ko, pagod na pagod ang buo kong katawan.

Mahimbing na sana ang tulog ko nang maalimpungatan ako dahil sa munting kaluskos at mahihinang boses. Ididilat ko sana nang husto ang mga mata ko pero nang makita ko pa lang kung sino ang nasa pintuan, ipinikit ko muli ang mga mata ko.

“Pagod na akong maghintay Reynaud,” mahinang bulong ni Auntie pero narinig ko pa rin.

Napalunok ako dahil doon. Unti-unting kumabog ang dibdib ko sa kaba. . .

“Ida, kaunting panahon na lang, huwag kang mag-alala, malapit na,” ani Sir Reynaud.

Bahagya akong dumilat para silipin kung ano ang ginagawa nila pero kinain ako ng galit nang makita iyon. Hinalikan ni Sir Reynaud si Auntie. . .

Sa labi.

Ipinikit ko nang husto ang mga mata ko. Nagngingitngit ako sa galit. Ito na iyong sagot kung bakit hanggang ngayon ay nananatili si Auntie Ida sa impyernong 'to. Alam ko na kung bakit.

Gumalaw ako, humarap ako sa dingding na halatang nagpataranta sa kanila.

“L-lumabas ka na, b-baka magising si E-ema." Natatarantang sabi ni Auntie kay Sir Reynaud.

Kagat-labing pinigilan ko ang pag-iyak. Totoo nga ang mga sinabi sa akin ni Rave. Na hindi dapat ako magtiwala maski sa Auntie ko. Pati siya, may itinatagong kalaswaan. Nakakapanindig-balahibo ang ginagawa nila sa likod ni Ma’am Lilith.

Buong gabing hindi ako nakatulog. Hindi ako makapag-isip ng tama. Sa magdamag, nabuo ang hinanakit sa puso ko. Binuo ko ang desisyon ko sa buong gabing gising ako.

Kalagitnaan ng gabi, noong pakiramdam ko, mahimbing na ang tulog ni Auntie, kinuha ko ang cellphone at nireply-an si Rave.

To Rave:
Pagkatapos ng kaarawan ko, payag na akong magpakasal tayo. Basta siguraduhin mong tama ang lahat ng ito at gusto ko ring malaman ang buong plano mo.

Bumangon ako alas tres ng madaling araw. Kahit nahihilo-hilo pa dahil sa antok, naupo ako sa silya at kinuha ang papel na matagal nang nakatambak sa drawer na nasa ilalim ng lamesa.

Wala akong magawa, hindi ako makatulog kaya susubukan ko na lang magpa-antok.

Kabisado ko na ang mukha niya, habang magkatitigan kami kanina, hindi ko naiwasang kabisaduhin. Ang makakapal niyang kilay sa ilalim ng mapupungay at itim niyang mga mata. Ang matangos na ilong at ang makurbang labi. Ang maalon na istilo ng buhok niya. . .

Gusto ko siya, oo, may nararamdaman ako para sa kaniya pero wala na akong balak sabihin 'yon sa kaniya. Wala na rin akong balak palalimin ang nararamdamang 'yon.

Oo, gusto ko siya pero mas matimbang ang kagustuhan kong makaganti sa lahat ng pahirap na ipinaranas nila sa buhay ko.

Mas nangingibabaw ang galit ko. . .

Sa pamilya Valiente.

ITUTULOY. . .

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon