KABANATA 3:
ILANG BESES AKONG NAPAKURAP bago napagtantong hindi boses ni Auntie ang nagsalita at hindi niya rin kamay ang nakatakip sa aking bibig. Sa gulat at taranta ko ay hinawakan ko ang kamay na iyon, tinanggal at lumingon sa kaniya.
Nanlalaki ang mga mata kong sinalubong ang mapupungay na pares ng mga mata ng lalaking kanina ay naghatid sa akin dito.
“T-tinakot mo naman ako!” reklamo ko.
Napahawak ako sa aking dibdib dahil todo ang pagtahip ng puso ko sa kaba. Bakit ba siya pumapasok sa kwarto ng may kwarto?!
“Bakit ka nga ba pumasok dito sa kwarto ni Auntie? Ano ka ba naman?!” reklamo ko. Hindi ko na maiwasang magsungit. Kasi sobra naman na yata ang nagiging ugali niya.
“May pagkain d’yan, kumain ka.” Iyon lang at tinalikuran na niya ako.
Tumaas ang kilay ko at sinundan siya ng tingin habang diretso siyang lumabas ng kwarto. Mahinahon niyang isinara ang pinto na para bang walang nangyari. Ibang klaseng lalaki talaga 'yon!
Napailing ako at naamoy ang mabangong amoy ng pagkaing dinala niya. Amoy dinuguan! Kumulo bigla ang tiyan ko, hindi ko na napansing gutom na pala ako. Kaya nagmadali akong lumapit sa lamesa kung saan naroon ang pagkain. Halos tumulo ang laway ko sa sobrang gutom. At least kahit masungit ang lalaking 'yon, binigyan niya pa rin ako ng pagkain.
Nagsandok ako ng kanin at ulam. Maligayang-maligaya ako dahil sa wakas ay may matutulugan na ako nang maayos, makakakain pa ako ng matinong pagkain!
Hindi pa man ako nakakasubo ng kanin ay biglang bumukas ang pinto. Nag-angat ako ng tingin at nakita si Auntie Ida na mukhang nagmadaling tumakbo papunta rito. Sinara niya ang pinto at ini-lock iyon bago lumapit sa pagkain na nasa harap ko.
“Nagugutom ka na rin ba, Auntie–” Bago ko pa matapos ang sasabihin ko, mula sa bulsa ng suot niyang bestida ay may inilabas siyang kalamansi.
Nagtataka man, pinanuod ko siyang piniga iyon sa dinuguang ulam.
“T-teka, Auntie. Hindi masarap ang dinuguan kapag—” hindi ko tinapos ang sasabihin ko dahil wala akong karapatang magreklamo. Baka gusto niya ang dinuguan kapag may kalamansi?
Nakita kong tila ba nakahinga nang maluwag si Auntie nang makita ang dinuguan. Ano bang problema niya? Dumako naman ngayon ang tingin niya sa babasaging baso na nasa tabi ng plato ko. Kinuha niya iyon at inilagay sa kaniyang palad pagkatapos ay inikot iyon.
Kumunot ang noo ko sa pagtataka lalo na nang maginhawaan muli ang kaniyang itsura.
“Auntie bakit po? Ano po bang ginagawa ninyo?” takang tanong ko. Kasi hindi ko na talaga siya maintindihan.
Lumingon siya sa akin habang dumudukot sa kaniyang bulsa, hinawakan niya ang kamay ko at pinahawak sa akin ang ilang pirasong kalamansi.
“Sa tuwing may ibibigay silang pagkain lalo na at karne, pigaan mo ng kalamansi. Sa twing bibigyan ka nila ng inumin at babasagin ang baso, gayahin mo ang ginawa ko kanina.”
“P-pero bakit?” tanong ko.
Umiling siya. “Malalaman mo rin, basta sumunod ka lang sa akin,” aniya. “Siya nga pala, iyang kuwintas na suot mo, hangga’t nandito ka sa sitio’ng ito, huwag na huwag mong huhubarin.”
Dahan-dahan akong tumango kahit na hindi ko talaga siya lubos na maunawaan. Naguguluhan ako. Pero siguro dapat sundin ko na lang siya.
Nginitian niya ako. “Kumain ka na at pagkatapos ay matulog. Habang nandito ka, kailangan mo akong tulungan sa gawaing bahay. Iyon ang magiging kabayaran ng pagtira mo rito.”
Mabilis akong tumango bilang pagsang-ayon. “Opo Auntie! Payag po ako kaysa naman sa kalye ako titira.”
Nasa isip ko na rin naman 'yon kanina pa. Habang nandito ako, dapat na kahit papaano’y may gagawin ako para naman hindi ako maging palamunin. Nakakahiya rin kasi dahil hindi ko naman lubos na kilala ang Auntie ko.
Matapos kumain, matutulog na sana ako nang muling sumagi sa isip ko iyong nakita ko kanina. Sinaktan nga ba talaga 'yong babae? At saka, bakit parang binabalaan ako no'ng lalaking naghatid sa akin dito na huwag akong makialam?
Humiga ako sa papag habang patuloy na nag-iisip. Weirdo ang lugar na ito, iyon ang nasisiguro ko. Umpisa pa lang sa lalaking iyon, alam ko na. Sa mabahong amoy na umaalingasaw sa sinakyan kong jeep kanina. Sa nasaksihan ko at sa lugar na ito. Lahat kakaiba. Pero. . .
Kahit na weirdo ang lugar na ito, wala akong choice kundi ang tiisin ang lahat. Susubukan ko ring pumuslit at lumabas sa sitio na ito para maghanap ng trabaho. Kapag nakahanap na ako’y lilisanin ko na ang lugar na 'to.
-
Maaga akong nagising, nauna pa akong nagising kay Auntie Ida na mahimbing ang tulog sa itaas ng double deck. Naiihi kasi ako at walang banyo sa kwarto. Gusto ko sanang gisingin si Auntie at tanungin siya ngunit pansin kong pagod siya kaya hindi ko na inabala.
Marahan kong binuksan ang pinto at lumabas ng kwarto para maghanap ng banyo. Nang makalabas ay madilim ang pasilyong lalakarin ko. Sa tansya ko’y alas kwatro pa lang ng umaga. Hindi pa tuluyang nakakaangat ang araw.
Dahan-dahan akong naglakad at hinanap ang banyo. Walang banyo rito sa pangalawang palapag, puro kwarto. Kaya bumaba ako sa hagdan, pahirapan pa nga dahil bawat lakad ko’y lumalangitngit ang baitang. Ngunit sa huli’y tagumpay akong nakababa at nahagilap ang banyo.
Nang matapos ako’y agad akong lumabas para agad na bumalik sa itaas. Ayokong may taong maabutan ako na narito sa baba sa ganitong oras.
Ngunit hindi pa man ako nakakabwelo, pagkasara ko pa lang ng pinto, tumambad na sa akin ang isang lalaki. Matangkad siya, mas matangkad pa sa lalaking naghatid sa akin dito kahapon.
Binuksan niya ang switch ng ilaw na nasa gilid ng pinto ng banyo at humantad sa akin ang maputla niyang balat. Nakatitig siya sa akin gamit ang matatalim na tingin. Napalunok ako. Nakakatakot! Lalo na at. . .
Dugo ba ang nasa bibig niya? Nagkalat iyon hanggang sa kaniyang kulay gray na damit! Kinabahan ako bigla. Hindi ko alam ang sasabihin ko, sino ba 'to?
“Ikaw 'yong bagong katulong?” tanong niya.
Ilang beses akong napalunok bago dahan-dahang tumango.
“Tao ka?”
Napataas ang kilay ko. Bakit? Mukha ba akong hayop?! Tumango na lang din ako.
Pinunasan niya ang bibig niya at saka ngumiti. Hindi ko alam kung nang-aasar ba ang ngiti niya o nanloloko.
“Huwag mo akong pansinin, bumalik ka na sa kwarto mo.”
Pero nagtataka pa rin ako. . . Kung dugo ba talaga 'yong nasa bibig niya.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...