KABANATA 23:
EMA’S POINT OF VIEW:
HINDI AKO MAPAKALI. Paulit-ulit na akong nagpapabalik-balik sa paglalakad sa loob ng maliit na kwarto namin ni Auntie Ida. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Kung bakit ganito na lang ako kung mag-alala sa kaniya kahit na malaki ang kasalanan niya sa akin.
Sa totoo lang, ni hindi ko nga magawang magalit sa kaniya. Para bang may nakapagitan sa puso ko, na nagsasabing hindi ko siya kailangang pagtaniman ng sama ng loob.
Ilang beses na rin akong bumuntong-hininga. Hindi ako mapakali kahit wala pa man ding totoong balita. Ilang beses na rin akong sumulyap sa bintana, umaasang babalik na si Sir Caelan. . .
Napahinto ako sa paglalakad nang may kumatok sa pinto. Hindi iyon si Auntie dahil bigla na lang 'yong papasok! Nagmadali akong lumapit sa pinto at binuksan iyon, bumungad sa akin si Sir Trebor na kung kanina ay nakangiti, ngayon, seryoso na ang ekspresyon.
“Gusto mo bang malaman?” tanong niya.
Napakurap ako sa tanong niyang 'yon. At kahit alam ko na kung ano ang tinutukoy niya, nagtanong pa rin ako.
“A-ang alin?” kabadong tanong ko.
“Si Kuya, may nangyaring masama sa kaniya.”
Tila huminto ang paghinga ko sa sinabi niyang 'yon. Paano nangyari 'yon? Saan ba kasi siya pumunta. Sinubukan kong tapangan ang sarili ko kahit na sa totoo lang ay nanghihina na ang mga tuhod ko sa balita.
“A-anong mangyayari sa kaniya?” matapang na tanong ko.
“Pwede siyang mamatay,” diretsong sagot niya.
Natigilan ako roon. Ganoon ba kasama ang kalagayan niya? Sobra na akong nag-aalala pero sa kabilang banda’y hind ko magawang ipahalata na iyon ang nararamdaman ko.
“Ano naman ang pakialam ko kung mamatay siya?”
Rumehistro ang pagkabigla sa mukha ni Sir Trebor. Hindi niya yata inaasahan na iyon ng isasagot ko.
Mayamaya rin, ngusi siya. “Ganoon ba? Akala ko kasi may pakialam ka sa kaniya.” Tumalikod na siya sa akin at nag-umpisang maglakad palayo.
Gusto ko sana siyang habulin. Gusto ko siyang tanungin pa kung paano gagaling si Sir Caelan?
Nanghihinang hinawakan ko ang pinto at sinara, pagkatapos ay tuluyan akong napaluhod. Napalunok ako at napahawak sa mga hita ko.
Hindi ko namalayang, kusang tumulo ang mga luha ko sa mga mata. Hindi ko alam kung bakit, ano bang dahilan kung bakit nararamdaman ko 'to?
Ano naman kung mamatay nga siya? Hindi ba mas maganda 'yon dahil hindi na matutuloy ang hula na pakakasalan ko siya? Isa pa, magiging ganti na 'yon sa lahat ng nagawa niyang kasalanan sa pamilya ko.
Pero hindi, e. Hindi sapat ang kamatayan niya para pagbayaran ang lahat ng nagawa niya sa pamilya ko.
Humikbi ako habang patuloy pa ring umiiyak. Siguro iyon ang dahilan kung bakit umiiyak ako ngayon. Dahil ang gusto kong pagbayaran niya ang kasalanan niya nang habambuhay.
Iyon nga ba talaga?
Bumukas bigla ang pinto, sa gulat ko, napaangat ako ng ulo at muling bumungad sa akin si Sir Trebor. Yumuko siya at hinablot ang braso ko.
“Wala raw pakialam,” aniya na nanunukso pa.
Hinila niya ako patayo at hinatak patakbo.
“T-teka!” awat ko sa kaniya.
“Bilisan mo, pupuntahan natin si Kuya,” aniya.
Napaiyak ako lalo, kahit na halos hindi ko na makita ang dinadaanan namin habang patuloy na lumuluha, tuloy-tuloy ako sa pagtakbo kasama niya.
Gusto ko siyang makita, gusto kong malaman ang kalagayan niya. Sana lang ay nasa maayos na kalagayan ang lalaking 'yon kasi hindi ko alam ang mararamdaman ko kung maaabutan ko siyang. . .
Patay na.
Habang nasa byahe, pinilit kong huwag patuluin ang mga luha sa mata ko. Ayaw kong makita ako ni Sir Trebor na umiiyak. Buti na nga lang e, hindi siya nagtanong kung bakit ako umiyak dahil maski ako, hindi ko rin masasagot ang tungkol 'don.
Mga ilang minuto lang, dahil sa bilis niyang magpatakbo, nakarating kami sa Sitio Aracelli. Dito iyong lugas kung saan kami pumunta bago ko nalaman ang tungkol sa dugo ko. Dito rin nakatira iyong lalaking dumating kanina.
“Nandito ba siya?” biglang tanong ko.
“Oo, mas malapit kasi 'to sa lugar kung saan siya nabaril.”
Nanlaki ang mga mata ko, “Nabaril siya?!”
Tumango siya at hinintay kong dugtungan ang mga 'yon pero hindi niya ginawa. Nagpatuloy siya sa pagmamaneho hanggang sa bumukas ang malaking gate ng kaparehong bahay na pinuntahan namin dito.
Nang huminto ang sasakyan, kaagad na bumaba si Sir Trebor at umikot sa sasakyan para pagbuksan ako.
“S-salamat,” naiilang na sabi ko.
Hindi ko inaasahan kasi na magiging gano’n si Sir Trebor sa akin, nahiya tuloy ako bigla.
Dumiretso kami sa loob at iginiya kami ng mga katulong paakyat sa taas. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa laki ng bahay na 'to.
Naabutan namin si Sir Vane sa dulo ng hagdan sa itaas. “Nasaan si Kuya?” tanong ni Sir Trebor.
“Naroon,” aniya. Sumulyap pa siya sa akin bago kami pinatuloy sa paglalakad paakyat.
Mga ilang kwarto ang nadaanan namin bago kami huminto sa dulong pinto. Si Sir Vane ang nagbukas 'non.
Inaasahan kong makita si Sir Caelan sa ibabaw ng kama habang mahimbing na nagpapahinga, pero wala siya roon nang pumasok kami.
“Kuya?” tawa ni Sir Trebor.
Humawi ang kurtina mula sa terrace ng kwarto. Papalubog na ang araw pero sa paningin ko ay nagliliwanag pa rin iyon sa likuran niya.
“Ayos lang ako, bakit mo pa ako pinuntahan dito–” napahinto siya sa pagsasalita nang makita ako.
Hubad ang pang-ibabaw niyang katawan. Pero hindi ko iyon pinansin, unang sumagi sa paningin ko ang benda sa kaliwang balikat niya at maputla niyang mga labi.
“Sorry naman, buti nga nag-alala pa sa 'yo, e. Pati 'tong si Ema hindi naiwasang mag-alala sa 'yo,” sagot ni Sir Trebor.
Nagkatitigan kami ni Sir Caelan. Dapat seryoso kami pareho dahil ganito nga ang nangyari.
Pero bakit gano’n?
Bakit parang napangiti yata siya?
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...