KABANATA 34:

595 30 6
                                    

KABANATA 34:

EMA POINT OF VIEW:

HINDI KO INAASAHAN NA papagitna sa amin si Sir Caelan. Nakatalikod siya mula sa akin at nakaharap naman kay Rave.

Narinig ko ang nakakalokong tawa ni Rave pagkatapos ay nagsalita. “Kuya naman, hindi ako na-inform na bawal na palang pumunta rito sa inyo?”

“Wala akong sinabing bawal pumunta rito, ang tanong ko ay kung bakit nandito ka?” tanong ulit ni Sir Caelan.

Napakagat-labi ako at napayuko dahil 'don. Nag-uumpisa na ba siyang maghinala? Hindi pa nga kami nagsisimula pero naghihinala na siya.

“Dinadalaw ko si Ema,” diretsong sagot niya.

“At bakit mo naman siya dinadalaw?”

Nagkibit-balikat si Rave at sumulyap sa akin. “Aalis na ako, dumaan lang sana ako para bumati sa 'yo kaso binabakuran ako ni Kuya.”

Ngumiwi ako at tumango. Hindi ko alam kung dapat ba akong sumagot. Pero hindi ko na lang ginawa dahil may pakiramdam ako na may iba siyang ipinapahiwatig.

Hindi umapela si Sir Caelan nang umalis kaagad si Rave. Ang ipinagtataka ko lang talaga ay kung bakit parang galit na galit siya na nandito si Rave at kausap ko.

Nang tuluyang makalabas ng gate si Rave, kaagad siyang pumihit paharap sa akin. Dikit na dikit ang makakapal niyang mga kilay. Kunot din ang noo niya kasabay ng pag-igting ng kaniyang bagang.

Nag-iwas kaagad ako ng tingin, mag-uumpisa na sanang mag-dilig ulit ng halaman pero pinigilan niya ako. Hinawakan niya ang braso ko. Binitiwan ko ang hose at lumingon sa kaniya.

“Mawalang galang na po, pero kailangan ko na pong tapusin ang trabaho ko.”

Hapon na kasi at gusto ko nang tapusin ang trabaho ko. Naging doble kasi ang pagdidilig ko ng halaman, sa umagang-umaga at sa hapon lalo na ngayong tag-init. Imbes na magpapahinga na dapat ako, kailangan ko pa 'tong tapusin.

“May gusto ba siya sa 'yo?” tanong niya.

Bumuga ako ng malalim na hininga.

“Sir naman, ganyan din ang tanong sa akin ni Sir Trebor. Pero wala naman akong isasagot dahil hindi ko alam. Bakit hindi na lang siya ang tanungin mo—”

“May gusto ka ba sa kaniya?”

Nangunot ang noo ko. Wala akong gusto kay Rave. Magkakagusto ba ako sa taong ngayon ko lang nakilala? Isa pa, hindi naman talaga. Hindi porque tinutulungan ako ni Rave, magkakagusto na ako.

“Bakit hindi ka makasagot? May gusto ka ba sa kaniya?”

Mas lalong nangunot ang noo ko. Sasagot na sana ako pero bigla akong nagdalawang-isip. E, kung ganoon nga, kung talagang gusto ko nga si Rave, ano naman sa kaniya?

“Paano kung gusto ko nga siya? May problema po ba?”

Halatang nabigla siya sa sinabi ko. Nawala ang pagkakunot ng noo niya kasabay ng marahang pagbitaw niya sa braso ko. Naghintay ako ng sagot. Hinintay ko ang dahilan niya sana kung bakit siya nagkakaganito. Pero hindi niya 'yon ginawa, tinalikuran niya ako at parang wala lang na naglakad papasok sa loob ng bahay. Naiwan akong nagtataka. Bakit ba siya nagkakagano’n? Nakokonsensya tuloy ako kahit na wala naman akong ginagawa.

Ipinagkibit-balikat ko na lamang 'yon at ipinagpatuloy ang pagdidilig. Matapos magdilig, pumasok na ako sa bahay. Naabutan ko pa si Sir Reynaud at Ma’am Lilith na nakaupo sa sofa habang nanunuod ng T.V. May pinag-uusapan sila pero hindi ko iyon naririnig dahil bulungan lang.

Dumiretso na lang ako paakyat sa itaas dahil ayaw kong makaistorbo pa sa pag-uusap nila. Minsan ko lang sila maabutang magkasama nang ganoon. Madalas kasing wala sila rito sa bahay.

Sa labas ng Valiente, isang normal na mamamayan ang pamilya. Sa tagal ko rito, halos mag-aapat na buwan na, alam ko na kung ano ang trabaho nila.

May negosyo sila na tungkol sa construction materials. Hindi ganoon kalaki pero alam kong malaki ang kinikita nila. Mautak din pala ang mga aswang na katulad nila. Takot din silang mahuli ng mga tao. Malayong paghinalaan sila ng tao sa negosyong meron sila.

Pag-akyat ko ng pangalawang palapag, unang hakbang ko pa lang, nabigla ako nang sa isang iglap parang kidlat na napunta ako sa kwarto ni Sir Caelan!

Gulat na napalingon ako sa paligid. Nasa harap ko na ngayon si Sir Caelan! Hindi ko alam kung paano ako napunta rito nang ganoon kabilis. Ito ba 'yong teleportation na nababasa ko noon sa libro o baka hindi dahil mabilis lang na napunta ako rito.

“P-paanong—” hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang lumapit siya sa akin.

Yumuko siya, inilapit sa akin ang kaniyang mukha. Pigil-hininga ako nang humawak siya sa magkabilang gilid ko. Nakahawak siya sa gilid ng kama kung saan ako nakaupo.

“Gusto mo siya?” tanong niya nang nakatiim-bagang.

“B-bakit ba? A-ano bang problema?” kinakabahan ko pang tanong.

“Sagutin mo ang tanong ko.”

Mas naging seryoso ang titig niya sa akin. Ilang beses akong napalunok dahil pakiramdam ko, malulusaw ako sa mga titig niya.

“H-hindi ko siya gusto.”

Mas tinitigan niya ako nang maigi. Hinuhuli niya ang tingin ko, siguro’y tinitingnan niya kung nagsasabi ba ako ng totoo. Hindi ko naman magawang makipagtitigan sa kaniya dahil nga parang matutunaw ako habang nakatitig siya sa akin!

Pero nanghina ako nang hawakan niya ang baba ko. Ipinirmi niya ang ulo ko para pigilan akong mag-iwas ng tingin.

“Bakit ba hindi ka makatingin nang diretso?” tanong niya ulit.

Hindi na ako sumagot. Hinang-hina ang mga tuhod ko, ano ba 'tong pagkabog ng puso ko? Bakit parang may kakaiba?!

“Ikakasal ka sa akin, Ema. . .” aniya gamit ang nanghihinang tinig. Garalgal iyon na halos pabulong lang.

Doon, nakumbinse akong tumitig sa mga mata niya. Bigla akong tumapang.

“Ano naman kung ikakasal ako sa 'yo?”

Mas lalo niyang inilapit ang mukha niya sa akin. Pero imbes na kabahan, biglang nagbago ang kabang 'yon dahil sa sinabi niya.

“Gusto kita. . .”

Pakiramdam ko nabingi ako sa sinabi niya. Halos hindi ako makakurap. Tama ba ang naririnig ko? Bakit? Paano?

Gusto ko sanang tanungin sa kaniya ang mga 'yon pero. . .

“Hindi kita gusto. Siguro nga nakatakdang magpakasal ako sa 'yo pero hindi nasasabi roon na magkakagusto rin ako sa 'yo.”

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon