KABANATA 4:

747 45 4
                                    

KABANATA 4:

TULALA AKO HABANG NAKAHIGA sa kama. Hinihintay ko si Auntie Ida na magising. Hindi ko alam kung bakit tinatamaan na ako ng takot sa lugar na ito. Kagabi, nakaamoy ako ng umaalingasaw na amoy ng nabubulok sa jeep no'ng lalaking naghatid sa akin. Nakita ko rin na para bang may sinaktang tao iyong isa sa mga nakatira dito. At ngayon, nasaksihan kong may dugo ang labi at damit ng isa sa siguradong anak ng may-ari ng bahay na ito.

Hindi kaya, mamamatay tao sila? Mga cannibal? Hindi ko alam kung ano bang kababalaghan ang mayroon sa lugar na 'to, natatakot na ako. . .

“Gising ka na pala?”

Natigil ako sa pag-iisip nang marinig ko ang boses ni Auntie Ida. Mabilis akong bumangon sa hinihigaan ko dahil gustong-gusto ko na talagang magtanong sa kaniya.

“Auntie!”

Kinusot niya ang mga mata at tuluyang bumaba mula sa itaas ng double deck. “Bakit parang takot ka?”

Bigla akong natauhan nang itanong niya iyon. Kung tatanungin ko ba sa kaniya ang tungkol sa mga kakaibang bagay na napansin ko sa bahay na 'to, maaari pa ba akong manatili? Kung matutuklasan ko ba kung anong mayroon dito, may matitirhan pa ba ako?

Napakagat-labi ako. “Kanina po kasi nagbanyo ako sa baba, nakita ko po 'yong isa yata sa anak ng may-ari po ng bahay. Lalaki po. . .” pagkukwento ko.

“Tapos?” halata sa mukha niya na kinakabahan siya. Pero bakit naman siya kakabahan?

“M-may d-dugo po 'yong b-bibig n-niya,” kinakabahang sagot ko.

Nakita kong rumehistro ang pagkabigla sa kaniyang mukha. Hindi kaagad siya nakasagot na mas lalong nagpakaba sa akin. Napagtanto kong dapat hindi ko na sabihin pa ang iba ko pang napapansin. Dahil alam ko na kapag sinabi ko 'yon, maaari akong paalisin.

Mayamaya’y tumawa siya. Nagtataka man, nanatili akong nakatitig sa kaniya habang tumatawa siya. Hinihintay ko ang paliwanag niya.

“Mahilig kasi iyon sa gano’n si Sir, maglagay ng  fake blood sa katawan tapos magkukunwaring zombie o kaya multo at pinipicture-an niya ang sarili,” paliwanag niya. “Huwag mo na 'yong pansinin.”

Nakahinga naman ako nang maluwag. Bakit hindi ko nga pala naisip 'yon kanina? At least ngayon, naliwanagan na ako. . . pero pakiramdam ko talaga may mali.

Siguro dapat manahimik na lang ako. Kung gusto kong magtagal dito at walang mangyaring ano mang gulo, mananahimik ako.

-

Matapos naming mag-almusal ni Auntie Ida, tinapay at kape na nakatago sa kabinet niya. Alas-sais nang dumiretso si Auntie sa kusina para magluto, gusto ko siyang tulungan pero hindi niya ako pinayagan. Siya lang kasi ang pwedeng magluto, hindi raw kasi kumakain ang pamilya kapag iba ang lasa ng pagkain. Inutusan niya akong maglinis ng banyo habang wala pang gumagamit. Kaya iyon nga ang ginawa ko.

Pagkapasok sa banyo, una kong napansin ang mga natirang fake blood sa sahig. Pinaghugasan siguro iyon no'ng lalaki kanina. Muli akong kinabahan, bakit ba kakaiba talaga ang nararamdaman ko? Imbes na isipin pa ay kusa na lang akong naglinis ng banyo. May mga panlinis naman na ibinigay sa akin si Auntie Ida.

Malapit na akong matapos sa paglilinis nang may kumatok sa pinto ng banyo.

“Tapos ka na?” anang boses sa likod ng pinto.

“Patapos na po, pasensya na. . .” sagot ko.

Binilisan ko ang paglilinis, saglit lang ay binuksan ko na ang pinto. Kamuntik pa akong madulas nang muli kong makita iyong lalaking may fake blood sa bibig kanina. Naka-topless siya, may nakasabit lang na tuwalya sa kaniyang balikat.

Ngumiti siya, iyong ngiting katulad kanina. Tila ba nanloloko na ewan!

“Labas ka na, maliligo na ako,” aniya. Bumaba ang tingin niya sa bandang dibdib ko na ikinabahala ko bigla. “O baka gusto mong sumabay sa akin?”

Nanlaki ang mga mata ko at kaagad na napayuko, walang salitang agad na lumabas ako ng banyo. Hindi ko gusto ang pananalita niya. May bahid ng kalaswaan! Inaamin kong gwapo siya kahit na maputla ang balat. May malapandesal na abs din siya pero hindi ako naaakit sa mga gano'n at wala akong pakialam.

“Nga pala, hindi ko pa alam ang pangalan mo.”

Hindi natuloy ang binabalak kong dumiretso sa kusina nang sabihin niya iyon.

“A-ako po si Ema.”

Hahakbang na sana ako ulit pero muli siyang nagsalita.

“Trebor ang pangalan ko,” aniya.

Matapos niyang sabihin ang pangalan niya ay sinara na niya ang pinto. Nakahinga naman ako nang maluwag. Para akong ginigisa kahit na tinanong lang naman ang pangalan ko.

Didiretso sana ako sa kusina ngunit nakita ko si Auntie na lumabas mula roon. Sinenyasan niya akong sumunod sa kaniya kaya sumunod rin naman ako.

Lumabas kami ng bahay. Doon ko lang napansin ang ganda ng hardin ng bahay nila. Ang daming mga halaman na nakatanim doon, sari-sari. May bulaklak pa!

“Kasama sa trabaho natin ang pagdidilig ng halaman sa umaga. Sa ngayon, ikaw muna ang magdilig dahil may pupuntahan ako,” aniya.

Tumango ako at sumunod sa utos ni Auntie. Marami siyang ipinaalala sa akin, mga dapat at hindi dapat kong gawin. Nalaman kong maselan pala ang pamilya nila base sa mga ipinaalala sa akin ni Auntie.

Habang nagdidilig ng halaman, bigla kong naalala iyong nakita ko kagabi. Kusang dumako ang mga mata ko sa tabi ng gate kung saan nakita ko iyong mga tao. . .

“Ano kaya talgang nangyari dun?” wala sa sariling tanong ko.

Panaka-nakang sumusulyap ako sa bandang gate. Ilang hakbang ang ginawa ko pa para lang makalapit at masulyapan ang gawing iyon. Nang makarating ako ro'n, kamuntikan kong nabitiwan ang hose na hawak ko nang makitang may kulay pulang underwear ng babae ang naiwan doon. . .

Kung iyon lang sana ang nakita ko, hindi ko na sana pakikialaman. Hindi na sana ako kakabahan. Pero nang humakbang ako nang mas malapit, nang mas masilayan ko, tila tinubuan ako ng ugat sa aking mga paa. . .

Unti-unting umusbong ang kaba sa aking dibdib, mula sa mataas na damong nakatakip sa bahagi ng gate, may nakita akong kamay!

Bago pa man ako makapagreact, may humawak na sa braso ko at hinila ako palayo roon.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon