KABANATA 2:

862 48 1
                                    

KABANATA 2:

ILANG BESES AKONG NAPALUNOK. Buong byahe ay tulala akong nakatingin lang nang diretso sa dinadaanan namin. Naaamoy ko pa rin ang nakasusulasok na amoy ng nabubulok. Noong una’y amoy patay na daga lang, ngunit habang papatagal ay napagtatanto kong amoy bulok na katawan ang naaamoy ko.

Gusto kong magtanong, kinakain ako ng kuryosidad pero natatakot ako sa posibleng isagot niya. Nagkamali ba ako? Baka nga hindi totoong Auntie ko ang tumawag kanina. Masyado akong nagpadala sa pagiging malungkot at naniwala sa isang taong ni minsa’y hindi ko pa nakikilala. Ano bang nasa isip ko kanina at pumayag akong magpasundo at pumunta sa lugar na hindi ko naman kailan pa napupuntahan? Parang inihahain ko ang sarili ko sa isang patibong!

“P-pwede ba akong magtanong?” kinakabahang tanong ko.

“Hindi.”

Napalunok ako. Ano ba namang klaseng lalaki 'to? Bakit ganyan siya? Napapansin niya naman sigurong kinakabahan na ako rito, ano? Bumuntong-hininga ako at naaninag ang pangalan ng lugar na papasukan namin. Sa lumang arko, nakasulat ang mga salitang; BARYO GUERRERO. Madilim ang paligid, may mga streetlights pero halos mapupundi na sa kalumaan.

Habang nasa byahe, ilang beses sumagi sa isip ko na tumalon mula sa jeep na ito at sumugal para tumakbo palayo. Nakakatakot ang lugar na ito. Nasa syudad kami, hindi ko akalain na may Baryo palang ganito rito!

Hindi ako mapakali, gustong-gusto ko na talagang lingunin kung ano ba 'yong nangangamoy sa likuran ng jeep. Mayamaya pa’y huminto ang jeep. Sumilip ako sa labas at nabasa ang karatula roon; SITIO VALIENTE. Nandito na ba kami?

Kamuntikan pa akong mapatili nang may ihagis sa akin ang lalaki sa tabi ko. Bumaba ang tingin ko sa aking hita at nakita ang itim at bulog na pendant ng isang kwintas.

“Isuot mo 'yan bago tayo pumasok,” utos niya.

Nagtataka man, nanginginig na kinuha ko 'yon at isinuot sa aking leeg. Pagkatapos ay muli niyang pinaandar ang jeep papasok sa isang lugar na ni minsa’y hindi ko pa napupuntahan.

Nang makapasok kami, ilang minuto lang ay narating na namin ang isang malaking bahay. Mukhang makaluma ang bahay na ito ngunit halatang alaga sa paglilinis. Mayamaya’y bumukas ang mataas na gate at bumungad ang isang matandang babae, siguro’y nasa edad singkwenta ang kaniyang itsura. Kahit na hindi pa siya nagpapakilala, alam kong siya iyon. . .

Huminto ang jeep at bumaba ang katabi kong lalaki. Ganoon din naman ng ginawa ko.

Saktong pagbaba ko ay lumapit sa akin ang matandang babae. Ngumiti siya at tila ba sa matagal na panahon, muli kong nakita ang Papa. Kamukhang-kamukha niya si Papa, babae nga lang.

“Ako ito, ang Auntie Ida mo,” aniya.

Bahagya akong ngumiti at tumango. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Kumportable ang loob ko sa kaniya pero may kakaiba talaga akong pakiramdam sa lugar na ito.

“N-ngayon ko lang po kayo nakita. . .” Hindi ko alam kung bakit iyon ang unang biglang lumabas sa bibig ko.

“Ngayon mo lang naalalang nakita mo na ako. Nakita na kita noong maliit ka pa,” sagot niya.

Dahan-dahan akong tumango. Isa lang ang gusto ko talagang itanong sa kaniya. . .

“A-auntie, wala po kasi akong matitirhan ngayon,” panimula ko. “Kung pwede sana na dito muna po ako pansamantala?”

“Hindi pwede,” sagot ng lalaking naghatid sa akin.

Napasinghap ako. Gusto ko siyang sagutin pero hindi ko magawa. Bakit siya ang sumasagot? Kaano-ano niya ba ang Auntie ko?!

“Kahit mga isa o dalawang buwan lang sana,” ani Auntie sa lalaki.

Umiling ang lalaki at sumulyap sa akin. Tiim ang bagang niya na ibinalik ang tingin kay Auntie. Nagtitigan sila ng mga ilang segundo bago bumuntong-hininga iyong lalaki at tumango.

“Bantayan mo 'yan,” anito bago bumalik sa jeep at saka iyon pinaandar.

Muli kaming nagkatinginan ni Auntie Ida. Ngumiti siya sa akin at sinenyasan na pumasok kami sa loob. Pagkapasok ng bahay ay bumungad ang malawak na hardin sa harap ng malaking lumang bahay. Maliwanag sa loob ng bahay, hindi katulad ng madilim na daan kanina. Nasilaw tuloy ako.

“Siya na ba?”

Muntik na sana akong mamangha na malaki ang bahay ng Auntie ko pero hindi iyon natuloy nang maaninagan ko ang mag-asawang nakatayo sa harap namin. Halatang mag-asawa sila dahil nakahawak ang matandang lalaki sa bewang ng kasama niyang babae na siguro’y mas bata sa kaniya ng kaunti.

“Opo, siya nga po ang pamangkin ko,” sagot ni Auntie.

Tumango ang matandang lalaki at saka ngumiti. “Hangga’t hindi siya gumagawa ng pagkakamali, maaari siyang manatili rito.”

-
Magarbo ang buong bahay, kaya lang ay halatang luma na ang mga kagamitan, mga antigo. Kung hindi lang siguro malinis ang paligid, malamang na mapagkakamalan itong haunted house dahil sa mga lumang gamit. Mayaman ba talaga ang mga nakatira dito?

Iniwan ako ni Auntie Ida sa isang kwartong mayroong double deck. Tama lang ang laki nito para sa dalawang tao. May kabinet at isang lamesa na katapat ng malaking bintana. Kulay cream naman ang pintura ng buong kwarto.

Mga trenta minutos na yata akong nakatulala lamang habang nakaupo sa papag nang marinig kong tila ba may kumakaluskos. Napalingon ako sa bintana. Narinig ko pa na may tumili, tili na akala mo ay tuwang-tuwa at kinikilig.

Hindi ko sana iyon papansinin kaya lang na-bo-boring na ako. Tumayo na lamang ako at naglakad palapit sa bintana. Nang makasilip doon, unang bumungad sa akin ang madilim na hardin. Sa sobrang dilim, wala akong makita kundi ang mga halamang nakatanim doon. Babalik na sana ako sa papag nang mapansin kong may gumalaw sa bandang gate. Nangugunot ang noo ko habang pinakatitigang maigi ang bulto ng katawang naroon. Gumagalaw ito, halatang nakaupo. Pero hindi ako sigurado kung anong ginagawa niya. . .

Sa pagmamasid ko, unti-unti kong napapansin na para bang may isa pang tao roon. Parang nakaharap sa bulto ng lalaking iyon o lalaki ba talaga? Ano bang ginagawa nila? Naglalampungan ba 'yon? Pero bakit sila maglalampungan sa may gilid pa ng gate kung saan may makakita sa kanila? Sure ako na taga-rito din iyan kasi kung hindi, hindi sila maglalakas-loob na magharutan.

Napailing ako. Kahit saan talaga, wala nang pinipiling lugar ang mga tao. . .

Pero nagbago ang akala kong naghaharutan sila nang makita kong tumaas ang kamay ng lalaking nakaupo. Sigurado na akong lalaki 'yon dahil malapad ang balikat. Tumaas ang kamay niya pagkatapos ay humampas sa kaharap niya na bigla na lang humandusay sa sahig!

Napatakip ako sa bibig ko. Nag-away ba sila?! Hindi ko sila maaninag dahil madilim pero sigurado akong sinaktan niya iyon. Sisigawan ko sana pero bago ko pa man magawa, may nagtakip na sa bibig ko.

“Huwag kang makialam,” anito.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon