KABANATA 39:NAGISING AKONG NORMAL LANG. Katulad lang din ng araw-araw na kaganapan sa buhay ko. Binati ako ni Auntie Ida, ayos na sa akin 'yon. Nagtext din sa akin si Rave. Hindi ko nga lang alam kung paano niya nalaman na ngayon ang kaarawan ko. Pero sigurado naman akong marami siyang alam.
Naglinis ako ng bahay, wala na namang tao katulad ng madalas. Si Auntie Ida ang nagluto, ako ang nagdilig sa labas at naglinis ng bawat kwarto nila.
Tanghalian nang ilabas ni Auntie ang pansit at tinapay. Kahit na may sama ako ng loob kay Auntie, parang nabawasan 'yon nang nakangiti niyang ihain 'yon sa akin.
“Happy birthday! Sayang at hindi mo mararanasan ang mag-debut at isayaw ng lalaki sa birthday mo. Hindi na rin ako nakabili ng cake dahil nahihiya akong ilagay sa ref nila. Kahapon pa ako bumili nitong pansit,” aniya sabay kindat.
Ngumiti ako at nagpasalamat sa kaniya. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko.
Kumain kami habang nagkukwento si Auntie sa akin tungkol sa pagkabata niya. Mga kung ano-ano lang na tipikal na karanasan ng isang dalaga noon. Kinuwento rin niya sa akin na nagkaroon siya ng boyfriend kaya lang, hindi sila nagtagal dahil nalaman nito ang tungkol sa Sitio Valiente at sa mga aswang.
“Bakit hindi mo sinubukang maghanap ulit ng pwedeng mahalin?” tanong ko sa kaniya, sinusubukan kong hulihin siya.
Ngumiti siya sa akin, “Ang totoo, may mahal ako kaso may iba siya kaya ipinaubaya ko na lang.”
“Bakit mo ipinaubaya, Auntie?” Kumikirot ang puso ko habang tinatanong iyon sa kaniya, dahil alam ko na. . .
“Iha, wala akong laban. Kahit ipagpilitan ko, wala akong magagawa,” aniya.
Nalungkot ako bigla para kay Auntie Ida. Siguro nga may dahilan kung bakit ito ang pinili ni Auntie. Alam kong si Sir Reynaud ang tinutukoy niya. Hindi ko alam ang nakaraan nila pero siguro nga mali ako na hinusgahan ko agad siya. Siguro nga mali na magkagusto siya sa may asawa't anak na, na makiapid, pero paano kung sila talaga ang nagmamahalan? Hindi ko alam.
Matapos naming kumain, itinuloy namin ang paglilinis ng bahay. Maaga kaming natapos dahil halos wala na kaming lilinisin, nakapaglaba na kami noong nakaraang araw kaya wala nang magawa.
Nagpaalam si Auntie na pupunta siya sa kabilang Sitio, aniya, gabi na raw siya makakabalik dahil may inuutos daw sa kaniya si Ma’am Lilith. Si Ma’am Lilith naman, umalis din at naka-gown pa, mukhang may pupuntahang okasyon.
Naiwan ako roon na mag-isa. Sinulit ko na lang ang pagkakataong 'yon para gamitin iyong cellphone na binigay sa akin ni Rave. May nakalagay na laro doon, pinag-aralan ko. Ilang beses din akong kumuha ng litrato. Pero habang lumilipas ang oras, nagsasawa rin ako sa ginagawa ko.
Mag-aalas sais na ng gabi nang magpasya akong itago na ang cellphone at matulog na lang. Naging espesyal ang araw na 'to dahil wala silang lahat. . .
Naalimpungatan ako nang may bumulong sa tenga ko. Pupungas-pungas ang mga mata ko nang idilat ko iyon. Madilim, kaunting liwanag mula sa bintana na nanggagaling lang sa buwan ang nagbigay liwanag sa kwarto.
“Maligayang kaarawan,” bati niya gamit ang garalgal na tinig, halatang pagod siya.
Kumabog ang puso ko nang tuluyang dumilat ang mga mata ko’y nagtama ang mga mata naming dalawa. Hindi ako nakasagot, pigil-hininga ako roon.
Ngumiti siya sa akin at hinawakan ang likod ng ulo ko para paupuin ako. Nang makaupo, naupo rin siya sa papag.
“May regalo ako sa 'yo," aniya.
Napasinghap ako nang ituro niya ang nasa lamesa, mayroong cake doon! Tumayo siya at binuksan ang ilaw. Halata sa mga mata niya ang pagod pero nakangiti pa rin siya. Nakasuot siya ng polo at ang unang tatlong butones 'non ay nakakalas na. Medyo gulo rin ang buhok niya pero kahit na gano’n, hindi maaalis ang salitang gwapo sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)
General FictionEmanuella Malum, a human who has demon blood has to unleash the prophecy that has been predicted for a long time, in order to stop the evil doings of Sitio Valiente's "aswangs". Nang mamatay ang ina ni Ema, walang kahit na sinong kamag-anak ang nais...