KABANATA 36:

569 29 4
                                    

KABANATA 36:

HINDI KO NA HALOS KAUSAPIN si Auntie Ida. Hindi ko siya matingnan nang maayos. Sa tuwing makikita ko, makakasalubong at kakausapin niya ako, gustong-gusto ko siyang sigawan. Sabihin sa kaniya na ang tanga-tanga niya para magkagusto sa isang aswang na may asawa't mga anak na. Pero pilit ko 'yong pinipigilan. Wala akong karapatan na husgahan siya.

"Akala ko hindi na tayo magkikita, noong nakaraang buwan kasi hindi tayo nagkita, e," ani Kata habang abala kami sa paglalagay ng mga bibilhin namin sa basket.

"Akala mo lang 'yon," natatawang sabi ko.

Kumuha ako ng cupcake sa isang stante na naroon. Balak kong lagyan na lang ng kandila 'yon at iyon ang gawing cake sa birthday ko. Malapit na. Naalala ko tuloy si Mama. Kahit wala ibang handa, hindi niya nakakalimutang bilhan ako kahit ng mumurahin lang na cake. Ngayong taon lang mangyayari na wala akong cake at wala na si Mama.

"Para saan 'yang kandila?" takang tanong ni Kata sa akin.

Nagkibit-balikat ako at dumiretso sa kabilang estante kung saan naroon naman ang mga kape.

"Birthday mo ba?!" gulat na tanong niya.

Hindi ako sumagot pero mukhang alam na niya.

"Hoy! Kailan?"

"Sa 28 pa naman, huwag kang atat!"

Nabigla ako nang hawakan niya ang braso ko at hinatak ako.

"A-ano ba 'yon?" Natatarantang tanong ko.

Dire-diretso niya akong hinatak hanggang sa makarating kami sa counter. Binayaran na namin ang mga pinamili namin kahit hindi pa ako nakakakuha ng kape. Medyo nainis tuloy ako.

Habang kinakaladkad niya ako palabas, sumulyap pa siya sa relo niya. Tinitingnan yata kung may oras pa kami. Wala naman akong magawa kundi ang magpakaladkad sa kaniya. Kasi kahit sigawan ko, wala siyang pakialam.

"Saan ba tayo pupunta. . ."

Natigil kami sa paglalakad sa harap ng isang coffee shop. May mga nakadisplay na cake doon.

"Pili ka ng cake! Bili tayo, kainin natin nang mabilisan para makauwi tayo!"

Napalingon ako sa kaniya, hindi ko inaasahan 'to.

"Pero. . ."

Ngumiti siya nang malaki, para bang sinusubukan niya rin akong pangitiin dahil sa totoo lang e, hindi ako sigurado.

"Dali na!"

Ngumiti rin ako sa kaniya pabalik. Mabilis na niyakap ko siya dahil sa sayang naramdaman ko. Akala ko talaga wala akong cake sa birthday ko, ayun pala, advanced pa!

Bumili kami ng strawberry cake na paborito ko. Maliit lang na alam naming mauubos naming dalawa. Sobrang saya ko!

Siya ang nagsindi ng kandila para sa akin. Nakangiting pumalakpak pa siya pagkatapos.

"Advance happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday, happy birthday to you!"

Malaki ang ngiti niya kasabay ng malaking ngiti ko rin. Pakiramdam ko lulundag ang puso ko sa saya. Sa tagal kong nandito sa Sitio Valiente, ngayon ko lang naramdaman ang saya.

"Mag-wish ka na dali!" aniya.

Pumikit ako at pinagdaop ko ang mga kamay ko at pumikit. Nag-wish ako. . .

Iyong wish ko, sana magkatotoo. Sana kahit iyon na lang, pagbigyan ako ng nasa itaas.

Matapos kong mag-wish tinanong niya pa ako kung ano raw ba ang hiniling ko pero dahil nga wish ko 'yon, ayokong sabihin. Paano kaya matutupad 'yon kung sasabihin ko sa kaniya? Pasaway rin 'di ba?

Ni hindi namin na-enjoy ang pagkain ng cake. Nagmamadali kasi kami dahil nga baka abutan kami ng curfew namin sa paglabas ng Sitio. Pero ayos lang, ang saya makipaghabulan ng kain kay Kata na kahit puno ang bibig, daldal pa rin nang daldal.

Papunta na sana kami sa sakayan ng tricycle nang huminto ang itim na motor sa harap namin. Bahagya pa akong nagulat lalo na nang alisin niya ang helmet niya. Malaki ang ngiting ipinukol niya sa akin.

"Sir Rave!" gulat na tawag ni Kata kay Rave.

"Kata, pauwi ka na ng Valiente?" tanong niya.

"Opo, sir!"

"Sakay na kayo sa likod ko," aniya.

Nag-iwas ako ng tingin. Mauuna pa sanang umakyat si Kata sa akin pero hindi iyon natuloy dahil hinarangan siya ni Rave. Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti.

"Angkas na, ikaw ang mauna."

"Hala ka! Ang haba talaga ng hair mo, ha!" reklamo bigla ni Kata.

"P-pero. . ."

"Mas mauunang bababa si Kata kaya ikaw dapat ang nandito sa likod ko."

Nagkatinginan kami ni Kata, kunot ang noo niya sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ko alam kung nagtataka ba siya o naiinis na ewan? Nagkibit-balikat na lang ako at nauna na ngang umakyat sa motor. Sumunod naman si Kata sa akin. Nasa likod ko siya. Humawak ako sa magkabilang gilid pero nagulat ako nang hawakan ni Rave ang mga kamay ko at iniyakap niya ako sa bewang niya.

"Parang hindi ka pa nakakahawak d'yan, huwag ka ngang mag-inarte," aniya.

Napalunok ako at sinunod na lang ang gusto niya. Si Kata, panay ang bulong sa akin. Marami daw akong dapat ikwento sa kaniya sa susunod. Panay rin siya kurot sa tagiliran ko sabay tili na parang kilig na kilig. Hindi ko na lang pinansin kasi habang umaandar ang motor, kinakabahan naman ako.

Bumaba si Kata nang nasa gate na siya ng mga Aracelli. Naalala ko ang nakasulat sa lugar kung saan nakatira sila Rave.

"Aracelli ka rin ba?" tanong ko bigla, medyo pasigaw para marinig niya ako.

"Oo, bunsong kapatid ni Papa ang pinagsisilbihan ni Kata. Napangasawa niya ang anak ng pangalawa sa may mataas na katungkulan dito sa Valiente."

Tumango na lang ako. Hindi ko naman tinanong pero sinagot niya pa rin. Ayos na rin para kahit papaano may alam ako tungkol sa lalaking pakakasalan ko. Malapit na sana kami sa bahay ng mga Valiente pero nagulat ako nang lumiko siya papunta sa gubat.

"Saan tayo pupunta?! Baka magalit si Sir Reynaud!" takang tanong ko.

Bahagya siyang natawa, "Hindi magagalit 'yon, ako ang bahala sa 'yo. May pag-uusapan tayo, baka kasi magselos na naman si Kuya Caelan."

"Tungkol saan?"

Inihinto niya ang motor, bigla kaya mas napahigpit ang kapit ko sa bewang niya.

"Ramdam mo ba?" tanong niya.

"Ang alin?"

"'Yong abs ko," aniya sabay halakhak.

Napabitiw ako sabay hampas sa balikat niya. Loko-loko talaga 'tong lalaki na 'to!

"Iuwi mo na nga ako!" naiinis na reklamo ko sa kaniya.

"Saan? Sa bahay namin? Sure!"

"Nakakainis ka naman, e!"

Tawa siya nang tawa habang pababa siya ng motor. Inalis niya ang helmet niya at ibinaba iyon. Nakangiti siya na parang tuwang-tuwa dahil naasar niya ako. Ngayon ko lang napansin na may pagkasingkit siya.

"Seryoso na nga, pag-uusapan natin ang plano ko. Bibilisan lang natin kaya stay put ka lang d'yan, intindihin mong maigi, okay?" aniya.

Napaawang ang labi ko. Unti-unti akong nagtitiwala kay Rave. Iba kasi siya, may nagtutulak sa akin na sundin ko siya, na maniwala.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon