KABANATA 10:

732 39 6
                                    

KABANATA 10:

WALA AKONG MAGAWA kung hindi ang masanay sa mga nasasaksihan ko sa bahay na ito. Kahit ayaw kong makita, kahit na minsa'y umiikot na ang aking sikmura, kailangan kong magtiis para sa mga gusto kong malaman.

Isang buwan na ako rito at kahit na ganoon na ako katagal, pakiramdam ko kahit kailan hindi ako masasanay. Lalo na kay Sir Trebor na kada linggo ay nag-uuwi ng biktima. Hindi ko alam kung kumakain ba siya ng lalaki pero puro babae talaga ang dinadala niya. Hindi ako tanga para hindi malaman ang una niyang ginagawa bago kainin ang babae. Nakakadiri.

"Alam mo Sis, akala ko rin dati hindi ako masasanay sa lugar na 'to, pero sa paglaon ng panahon, nasanay na ako at hindi ko na sila pinapansin. Mind your own life na lang and I think makatarungan naman ang pasweldo nila sa atin," ani Kata, isa sa mga nakilala kong tao na naninilbihan din sa mga aswang.

Noong isinama ako ni Auntie para bumili ng mga kailangan namin para sa isang buwan, kasama namin si Kata. May iba pa kaming nakasama pero hindi ko sila nakasundo kasi mga kaedaran sila ni Auntie. Si Kata lang ang nalalapit sa edad ko. Dise-syete anyos ako samantalang si Kata naman ay bente anyos. Nakakuha rin pala ako ng sahod kila Sir Reynaud. Totoong mas malaki ang sahod ng naninilbihan sa aswang kaysa sa tao.

Marami akong nalaman tungkol sa kanila sa loob ng isang buwan na pananatili ko rito.  Nalaman kong si Sir Reynaud ang pinakapinuno ng buong Sitio Valiente. Siya ang namamahala sa lahat at ang taga-pagmana niya ay si Sir Caelan. Kaya mas lalo akong na-curious kung paanong ang pinuno ng mga aswang ay naging matalik na kaibigan ng Papa.

"Alam mo, alam ko na kung bakit kulay pula ang pendant ng kwintas mo, nagtanong-tanong ako sa mga kakilala kong tao rito," ani Kata. Lumingon kaagad ako sa kaniya. "Feeling ko may gusto si Sir Caelan sa 'yo Sis!"

Napairap ako sa sinabi niya. "Ano ba 'yon? Paano mo naman nasabi? Ikaw talaga ang dami mong naiisip na kung anu-ano!"

Lumapit siya sa akin at pinanlakihan ako ng mga mata. "Alam mo bang dugo ni Sir Caelan ang laman niyan? May kasamang dasal pa 'yan Sis!"

Nangunot ang noo ko. "Talaga ba? Bakit niya gagawin 'yon?"

Nagkibit-balikat siya, "Hindi ko nga alam, baka nga kako may gusto sa 'yo."

Baka dahil anak ako ng matalik na kaibigan ni Sir Reynaud? Gusto kong sabihin iyon pero hindi ko pa kailanman naikukwento kay Kata ang tungkol doon. Ayaw kong magkwento sa kaniya dahil madaldal ang isang 'to. Baka ipagsabi niya pa sa iba.

"Imposible 'yon," sagot ko na lang at kumuha ng tatlong balot ng tinapay.

Nasa grocery kami ngayon para mamili. Iniutos na lang sa akin ni Auntie Ida ang lahat ng kailangan niya rin dahil abala siya para sa selebrasyon na gaganapin mamayang gabi. Hindi ko pa natatanong kay Auntie kung anong meron pero sa tingin ko ay napaka-importante 'non.

"Ay sus! Kunwari pa ang gaga. Alam mo kahit naman aswang si Sir Caelan, aminin mong hot siya."

"Alam mo, imbes na turuan mo ako ng magandang asal dahil bata pa ako at nasa wastong gulang ka na, ikaw pa 'tong ginaganyan-ganyan ako," reklamo ko.

"Hindi na uso 'yon Sis! Sa panahon ngayon, bihira na ang seventeen years old na virgin!"

Sinamaan ko na lang siya ng tingin at hinayaan ko siyang dumaldal nang dumaldal.

Matapos mamili, diretso na kaagad kami pauwi. Limitado ang oras namin sa pamimili. Sa kaniya, ayos lang kasi malapit lang ang uuwian niya. Pero sa akin hindi dahil nasa dulo ng Sitio ang bahay ng mga Amo ko. Sa tuwing mag-isa na nga lang akong uuwi, hindi ko maiwasang hindi matakot. May mga naghahatid na tricycle papunta roon pero mahal ang bayad lalo't alam nilang Sitio ito ng mga aswang.

May nakausap nga akong tricycle driver, ang sabi niya, matagal na nilang alam na lugar ito ng mga aswang. Nagtanong ako kung bakit hindi sila nagsusumbong sa mga pulis pero nginitian lang ako. Ayaw raw nilang makialam. Siguro nga totoo ang sinasabi ni Auntie na may namamahala ring tao dito.

“Mas makabubuting itago ang katotohonan kaysa alam nga nila ang totoo, takot naman sila palagi,” hindi ko malimutan ang isa sa sinabi ng isang tricycle driver na naghatid sa akin noong nakaraang linggo.

Nang ibaba ako ni Manong sa tapat ng bahay ng mga Valiente, binayaran ko siya at kaagad rin naman siyang umalis. Mukhang nagmamadali dahil sa takot. Ganyan naman sila palagi, e.

Agad akong pumasok sa gate. Oo, walang lock ang mga bahay nila dito. Dahil kung tutuusin, kung may papasok man na magnanakaw, malilintikan na lang talaga.

Pagpasok ko sa gate, bumungad sa akin ang mga lamesa. Magarbo ang buong paligid, may mga tao ring nag-aasikaso sa loob. Hindi ko nga lang alam kung tao ba ang mga 'yon.

Nagmadali akong pumasok sa loob at umakyat sa pangalawang palapag para iwan doon ang mga pinamili ko. Tutulong ako, nakakahiya kung wala akong gagawin kundi ang magkulong lang dito.

Pagkalabas ko ng kwarto, naabutan ko si Sir Caelan, kalalabas lang din niya sa kwarto niya, nakasuot lang siya ng puting sando at slacks. Bagong ligo rin, siguro nga talagang importante ang magaganap mamaya.

Nang magsalubong ang paningin namin, kusa kong iniwas ang tingin ko sa kaniya. Hindi ko talaga siya matingnan ng diretso, kahit noon pa man.

“Ema,” tawag niya.

“Po?”

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya pero hindi ko siya tinitigan sa mga mata, madalas na ganoon ang ginagawa ko.

“Alam mo ba kung ano ang okasyon?” tanong niya.

Mabilis akong umiling dahil wala talaga akong alam.

Ngumisi siya, “Kaarawan ko.”

Napatulala ako sa kaniya. Kaarawan niya? Bakit hindi manlang sinabi sa akin ni Auntie? Nakakahiya naman dahil wala akong kaalam-alam!

“Hindi mo ba ako babatiin?” tanong niya.

“P-pasensya na, w-wala akong nabiling r-regalo.” Hindi siya sumagot. Kaya dinugtungan ko ang sinabi ko. “H-happy birthday.”

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, pero nagulat ako dahil. . .

Wala na siya roon.

Sa Sitio Valiente (PUBLISHED UNDER IMMAC PRINTING AND PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon