Idinilat ni Loo ang mga mata ng magising na rin siya sa wakas. Huli niyang natandaan ay pinatulog ulit siya ng lalaki. Kaagad siyang tumingin sa paligid.
Iilang mga halimaw ang nakita niya doon. May ilan na gising na at puno ng pagkalito ang mukha. Habang may tulog naman.
May mga lalaki at babaeng halimaw ang naroroon.
Sinubukan niyang tumayo kaya lang ay nakakadena siya sa silyang gawa sa metal. Hindi rin niya magamit ang buong lakas niya dahilan para hindi siya makaalis doon.
Tumingin siya sa isa pang bahagi at nakita niya si Civ.
"Civ, gumising ka." Tawag niya dito.
Gumalaw ito at dahan-dahang dumilat. Tulad niya ay nagulat din at puno ng pagtataka sa anyo. Sinubukan din nitong makawala sa kinauupuan pero hindi rin nito magawa.
Tumingin siya sa tapat. May malaking monitor at mesa sa gilid non. Tiningnan din niya ang paligid. Nasa isang maayos na silid sila. Para lang silang nasa klase nila dahil sa pagkakaayos ng mga upuan at dahil sa monitor na nasa tapat.
"Nasaan tayo? Anong gagawin nila sa atin?" nagtatakang tanong ni Civ. "Wait, may kinalaman ba ito sa Red District na sinabi ng lalaki?"
Hindi sumagot si Loo. Kibit-balikat lang ang naging tugon niya. Marahil yun nga ang bagay na yun.
Unti-unti na ring nagigising ang ilang mga halimaw hanggang sa lahat sila ay nagising na at napuno ng ingay ang buong silid.
Natahimik lang ang lahat ng bumukas ang nag-iisang pinto doon at pumasok ang lalaking kilala nilang lahat.
Ang alam nila ay Jimmy ang pangalan nito. Nakasuot ito ng puting suit at may suot pang gloves. May suot itong salamin. Malinis ang gupit ng buhok at may maayos na bigote at balbas ito. Naglalaro sa trienta ang edad nito. Matikas ang pangangatawan.
Nakasunod ang ilang mga armadong lalaki dito na agad pumwesto sa likurang bahagi ng silid.
"Magandang araw, monsters." Bati pa nito.
"Anong gagawin mo sa amin?"
"Bakit mo kami dinala dito?"
"Pakawalan mo kami. Kapag nakawala ako dito, kakainin ko kayong lahat!"
At kung ano-ano pa ang sigaw ng mga ito. May mga halimaw na galit at may mga halimaw naman na nagmamakaawa.
"Shh," yun lang ang tugon ni Jimmy sa mga halimaw. Ni hindi man lang nagbago ang ekspresyon nito sa nakikitang taranta ng mga halimaw. "Silence kung gusto niyong malaman kung bakit kayo nandito."
Kaya lang ay hindi nakinig ang ilang mga halimaw. Kung ano-ano pa rin ang tinatanong ng mga ito at may ilan naman na nagwawala.
Wala ng naging tugon si Jimmy. Hinayaan lang nitong maingay ang mga halimaw hanggang sa isang halimaw ang nagwala na.
Marahas na bumuga ito ng hangin sabay pitik ng daliri.
Isang tauhan sa likuran ang kumilos. Tinutok ng baril ang halimaw at walang pagdadalawang isip na binaril ito sa ulo. Sumabog ang ulo nito at tumalsik ang dugo nito sa mga halimaw na agad natahimik.
Natumba ang katawan ng halimaw na wasak ang ulo.
Saglit na natahimik sa sobrang gulat ang mga halimaw doon kasunod na sunod-sunod na sigaw ng mga ito.
Pinanlakihan naman ng mga mata sina Loo at Civ sa nasaksihan. Ang buong akala nila ay hindi sila papatayin ng mga ito pero nagkakamali sila.
Pwede pala silang mamatay.
"Tahimik." Mahinahon pero makapangyarihang utos nito. Kasunod ng pagtutuk ng mga tauhan ng baril.
Kaagad naman na natahimik ang lahat ng halimaw. May ilan na pinigil lang na wag lumikha ng ingay kahit na umiiyak na. May ilang halimaw naman doon na walang nagawa kundi ang magngitngit na lang sa galit.
Nagkatinginan lang sina Loo at Civ sa isa't-isa. Parehong may galit sa mga mata nila pero wala naman silang magawa sa pagkakataong yun.
"Okay, now that everyone is settled. Let's start." Pahayag ni Jimmy ng kuntento na ito sa katahimikan ng mga halimaw. Inayos nito ang mga papeles na dala nito sa mesa na nasa tapat. "Tinanong niyo kanina kumbakit kayo naririto. Wag kayong mag-alala, wala naman kaming gagawing masama sa inyo."
Pasimpleng tiningnan ng mga halimaw ang patay na katawan ng isang halimaw sa gitna. Walang maniniwala kung may ganong eksina sa tapat nila.
"Kung tutuusin ay ilan kayo sa maswerting napili para magsilbi sa mga parokyano."
"Ano?" gulat na bulalas ng ilang mga halimaw.
"Imbis na ibinta kayo sa auction, o maging science experiment, o maging delicacy, hindi ba't mas magandang pakinggan kung mage-entertain lang kayo?"
"Science Experiment. Yun ba ang ginagawa niyo sa ilang mga halimaw na dinadala niyo at hindi na nakakabalik?"
"Anong delicacy? Kumakain kayo ng mga halimaw?" hindik na tanong ng babaeng halimaw.
"Auction. Sino ang bibili?"
"Anong entertain ang pinagsasabi mo?"
"Tahimik." Sagot lang ni Jimmy. "Iisa-isahin kong sagutin ang lahat ng tanong niyo. Ang lugar na ito ay isang Black Market ng mga tulad niyong halimaw."
May ilang mga halimaw na napasinghap sa sobrang gulat. May ilan naman na napaiyak na mahina. Natatakot na baka barilin lalo na dahil nakatutok pa rin sa kanila ang baril ng mga tauhan sa likuran.
Hindi sila sigurado kung kailan magpapaputok ang mga ito.
Tahimik naman sina Loo at Civ.
"Kung ano-ano ang pwedeng mangyari sa Black Market, at ang mga nadidinig niyo, ang nangyayari ngayon. Kayo ang maswerting mga halimaw na magkaroon ng mas maayos na buhay kesa ibang halimaw."
"Pero bakit niyo ito ginagawa?"
"At bakit hindi?" balik tanong nito. "Wala ba kayong Black Market ng mga tao sa mundo niyo?"
Walang halimaw ang nakapagsalita.
"Mga halimaw kayo. Kumakain kayo ng mga tao, ang ginagawa namin ay ang tulungan ang mga taong wag mapahamak. Hindi ba namin pwedeng gawin yun? Masama ba yun? Besides, hindi ba't tresspassing kayo ngayon sa mundo naming mga tao?"
Hindi mapigilan nina Loo at Civ ang mangitngit sa galit dahil sa pinagsasabi nito.
Sa una pa lang, hindi naman sa mga tao lang ang mundong yun. Nagkataon lang na mas marami ang mga ito kaya ang mga halimaw na ang nagtago at sumuko.
Ayaw ng gulo ng Hari nila kaya gumagawa ito ng paraan para hindi ma-provoke ang mga tao.
Kaya lang naisip nila, kahit siguro sabihin nila yun ay wala pa rin silang mahahanap na lusot. May mga halimaw talaga na kumakain ng tao at hindi nila ito masisisi kung nilalahat nito ang mga halimaw na kumain ng tao.
Dahil kung tutuusin, kung hindi lang bawal, baka nga yun na ang ginawa ng lahat ng halimaw. Pero pinili ng Hari nilang magpaubaya dahil ayaw nitong malagay sa panganib ang lahat ng halimaw.
Hindi maiintindihan yun ng tao lalong-lalo na dahil nararamdaman nilang wala itong pakikinggan maliban sa kung ano ang pinaniniwalaan nito.
Kahit magdahilan pa sila ay sarado na ang isip nito para pakinggan pa ang lahat ng yun. Ang tanging tingin lang nito sa kanila ay mga halimaw na pwedeng pagkakitaan.
===============
Next, Chapter 290 _ Magandang Lesson
BINABASA MO ANG
Vermillion Academy Book 2 [ On-going ]
Fantasy(Updates every twice a month) [ This is a literal continuation of Book 1 ] Akalain niyo yun? Ang mga alam nating bampira, mga werewolf, halimaw, mummies, half breeds, witches at iba pang mga urban monsters ay nag-aaral rin pala? Sa isang paaralan na...