Chapter 64

24.7K 775 395
                                        

Chapter 64: His Ways

#DittoDissonanceWP

.・゜゜・・゜゜・..・゜゜・・゜゜・.

[REVISED VERSION: NOVEMBER 2025]

.・゜゜・・゜゜・..・゜゜・・゜゜・.

Zern's Point of View (ᴗ͈ˬᴗ͈)

Tahimik ako habang kumakain kami nina Leroy at Ashton. Wala akong karapatang malungkot ngayon dahil kasalanan ko 'to. Kung ano-ano'ng ginawa ko kagabi. Kaya ko namang umakto nang maayos, kaso may tama na rin kasi ako ng alak kaya kahit alam ko ang ginagawa ko, hindi na ako nakapag-isip nang tama.

Napabuntong-hininga ako. Ano kayang gagawin ko? Parang ayaw akong kausap ni Caiden. Hindi naman siguro ako dapat nag-o-overthink, 'no?

"Bakit ang lalim ng paghinga mo, Zern?" sabi ni Ashton na nasa tabi ko kaya napatingin ako sa kanya.

Bahagya akong napasimangot. "Feel ko galit sa akin si Caiden... Tinamaan kasi ako sa ininom namin kagabi. Kung ano-ano'ng nasabi ko sa kanya. Sinabi niyang inaaya siya ni Titus magsine ngayong araw, tapos kung ano-ano'ng pinagsasabi kong pang-asar sa kanya. Hindi naman siya mukhang naasar, pero... ang nakakabuwisit kong ginawa—iniwan ko siya ro'n. Sumakay ako ng taxi bigla dahil akala ko susunod siya," sabi ko at muling humugot ng malalim na hininga.

"Lasing ka na nga n'on, Zern," sabi ni Ashton.

"Saka baka kasi naging comfortable ka na masyado kay Caiden, kaya no'ng may tama ka na ng alak, mas lumabas 'yong kabaliwan mo," sabi ni Leroy.

Lalo akong napasimangot. "Pero kahit na, mali pa rin 'yong ginawa ko... Natatakot akong baka ayaw na ako ni Caiden."

Mahinang natawa si Leroy. "Baliw. . . hindi 'yan. Ang babaw naman ni Caiden kung gano'n. Tingin mo gusto niyang nago-overthink ka?" Sabi ni Leroy.

Kinunotan ko siya ng noo. "Bakit kanina sinasabi mong iwanan ko na si Caiden at maghanap na lang ako ng bagong lalaki?"

Nagkatinginan sila ni Ashton. Napalunok si Leroy at awkward na tumawa. "Wala lang. . . trip ko lang sabihin. Masama bang magpayo?" Sabi ni Leroy.

"Nakakainis ka naman, Leroy. Nalulungkot na nga ako, pinagti-trip-an mo pa ako. Porke ba first relationship ko 'to, pinagtatawanan mo na ako? Mukhang kasabwat mo pa si Ashton dahil nakita ko kayong nagtinginan."

Sinimangutan ko silang dalawa.

Maagap na umiling si Ashton. "Hindi, ah! Kung anuman 'yong sinabi ni Leroy sa 'yo, hindi ako kasali ro'n. Alam mo namang baliw 'yan si Leroy, kung ano-ano'ng sinasabi," pagpapaliwanag niya.

Lumipat ang mga mata ko kay Leroy. "Grabe ka naman, Leroy... kaibigan mo ako. Hindi ko na nga alam gagawin ko dahil baka galit talaga si Caiden sa akin, tapos pinagti-trip-an mo pa ako,"sabi ko at binalingan ang pagkain ko. 

"Para ka kasing gago. . ." bulong ni Ashton kay Leroy.

Nag-angat ako ng tingin sa kanilang dalawa. Ngumiti agad si Ashton sa akin.

"Pabayaan mo na 'yang si Leroy, Zern. Alam mo namang sobrang random niyan, eh. 'Wag ka nang malungkot..." maamong sabi niya saka kinuha ang kamay ko para marahang pisil-pisilin.

"Sorry, Zern. Ang hyper ko kanina. Hindi kita naisip at kung ano-ano lang ang sinabi ko. Pero now... ang maa-advice ko sa 'yo, hintayin mo lang si Caiden. Feel ko naman kakausapin ka n'on. Baka nagpapahupa lang ng galit," sabi ni Leroy at ngumiti rin sa akin nang maamo.

Ditto Dissonance (Yellow and Mishaps #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon