Present day
SINILIP ni Raen ang suot na GPS watch. Ayon doon ay lagpas isang oras na siyang nagja-jogging paikot sa park na malapit sa kanyang townhouse. Pagkatapos ay inilibot niya ang paningin sa paligid. Pakiramdam kasi niya ay parang may nanonood sa kanya.
Sa totoo lang ay hindi iyon ang unang beses na nakaramdam siya ng ganoon. Lately ay palagi na lang niyang nararamdaman na may sumusunod sa kanya sa tuwing lumalabas siya. Iniisip na lang ni Raen na baka iyon ang tinutukoy ng papa niya na nagbabantay sa kanya. Pero parang iba talaga 'yung nararamdaman niya ngayong gabi. Kaya naman umiba siya ng direksiyon at binilisan ang pagtakbo palayo sa park.
Maya-maya pa ay natanaw na ni Raen ang building ng isang may kaliitang mall. Dire-diretso si Raen sa loob niyon. She immediately felt the cool air seep through her sweat-drenched clothes. Pero hindi niya iyon alintana. Tinungo niya ang ladies wear section at basta na lang kumuha ng T-shirt, maong na pantalon, at baseball cap. Nagpasalamat siya na palagi siyang may dalang cash kahit saan siya magpunta. Lalo na ngayon dahil na sa warning ng papa niya.
Pagkatapos magbayad ay nagtungo si Raen sa pinakamalapit na restroom. Pero hindi para magbihis kundi para kunin ang floor plan na nakasabit sa tabi ng pinto ng restroom. Pagkalabas sa restroom ay sinundan niya ang escape route na itinuturo ng floor plan.
"This is crazy, Raen," pagkausap ni Raen sa sarili habang palabas sa fire exit. Sino nga bang matinong tao ang gugustuhing maglambitin sa lumang fire exit na iyon na ilang dekada na yatang hindi nagagamit? Malamang wala. Si Raen lang ang makakaisip niyon. But she wasn't really thinking that much. The truth was that she was now operating on pure instinct.
Nang tuluyang makababa sa fire exit ay nilingon ni Raen ang kanyang pinanggalingan. Napailing siya habang pinagmamasdan ang kinakalawang na fire exit. It was really crazy. At wala siyang ibang pwedeng sisihin sa kabaliwang ito kundi ang kanyang mga magulang.
Hindi talaga normal ang kabataan ni Raen dahil sa kanyang mga magulang. Kung ang ibang mga batang babae ay naglalaro ng mga Barbie dolls. Si Raen ay... Well, she was learning how to assess dangerous situations and plan an effective escape route. Pero sa tanang buhay niya ay ngayon lang niya nai-apply sa tunay na buhay ang lahat ng mga itinuro sa kanya ng mga magulang.
Ilalayo na sana ni Raen ang tingin mula sa fire exit nang may mahagip ang kanyang mga mata. "Oh my God!" napapalunok na wika ni Raen habang sinusuri ang pinto ng fire exit. Wala na siyang makita doon ngayon pero sigurado siyang mayroong anino doon kanina.
Hindi pa nga siya nababaliw. May sumusunod talaga sa kanya. And with that, Raen sped through the back alley of the mall. Nagpatuloy siya sa pagtakbo ng mabilis hanggang sa may makita siyang taxi. Mabilis na pinara iyon ni Raen at basta na lang sumakay.
"Saan tayo, Ma'am?" agad na tanong ng taxi driver.
"Naghahatid ka ba sa Tagaytay?"
Halatang nagulat ang driver. Sandaling nilingon nito si Raen mula sa rearview mirror na para bang inaalam nito kung seryoso siya sa sinasabi. "Eh, ma'am—"
Hindi na ito binigyan ni Raen ng pagkakataon para tumanggi. Mabilis na kumuha siya ng tatlong libo mula sa bulsa at iniabot sa driver. "Sasagutin ko na din ang toll fee. You can keep the change. Basta ihatid mo ako sa Tagaytay."
Mula sa rearview mirror ay nakita niyang napangiti ang driver. At sa unang pagkakataon nang gabing iyon ay nagawa ni Raen na magrelax.
ETHAN just stood there feeling irritated with himself as he watched the taxi's taillights disappear from his sight. Mag-iisang buwan na niyang binabantayan si Raelyn at halatang hindi ito isang ordinaryong tao lang. Noong una pa man ay napansin agad ni Ethan ang pagiging alerto nito. Ang pagkakamali ni Ethan ay hindi niya sineryoso ang bagay na iyon. At iyon ay dahil masyado siyang nagpadala sa itsura nito. Raelyn just looked so damned tiny and sweet.
She's definitely not what I thought, wika ni Ethan sa sarili.
Tama ngang looks can be deceiving. Hindi dahil mukhang parang wala pang muwang sa mundo si Raelyn ay helpless na ito. She just escaped Ethan, didn't she?
Damn! Natakasan nga siya ni Raelyn. And Ethan couldn't help but feel a big sting to his ego. Pero may iba pa siyang naramdaman. Na-impress siya. Hindi pa alam ni Ethan kung ano ang kailangan ni Fred sa babae. Pero base sa kakayahang ipinakita nito ngayong gabi, sigurado si Ethan na mahihirapan siyang bantayan.
Ang ipinakitang kakayahan ni Raelyn ay hindi iyong klase ng kakayahan na pwedeng matututunan kahit saang gym. Dahil doon ay mabilis na nawala ang pagiging impressed na naramdaman ni Ethan kanina. Nakilala na kasi niya ngayon ang praktisadong mga galaw ni Raelyn. And damn it, STAID was written all over her. Pero hindi ganoon kapulido ang mga galaw nito para masabing isa itong operative ng STAID. Para iyong kombinasyon ng STAID at sibilyan.
Hindi nagustuhan ni Ethan ang naisip. Pero kailangan niyang kumpirmahin ang kanyang hinala bago siya gumawa ng hakbang. Kaya inilabas niya ang kanyang cell phone at nagpadala ng isang encrypted message sa isang lumang kaibigan.
BINABASA MO ANG
S.T.A.I.D. 2 (COMPLETE) - Published under PHR
ActionHindi normal ang kabataan ni Raen dahil sa uri ng trabahong mayroon ang kanyang mga magulang. Naging black belter na siya sa apat na klase ng martial arts at marunong na siyang mag-assemble at disassemble ng nine-millimeter handgun bago pa siya tumu...
