"RAEN, late ka yata ngayon. Kumain ka na ba?" Ang mga salitang iyon ang sumalubong kay Raen pagpasok pa lang niya sa P&C. Ang totoo ay maaga pa naman. Pero normally, isa si Raen sa pinakamaagang pumasok. So by her standards, late na nga siya nang umagang 'yon.
"Hindi pa, ikaw?" sagot ni Raen sa receptionist na si Kelly.
Tumango si Kelly. "Dumiretso ka na sa pantry. May dalang pagkain si Ethan."
For some reason, Raen felt a knot in her stomach at the mention of Ethan's name. Hindi niya maipaliwanag kung bakit siya nakakaramdam ng ganoon. Simula nang pumasok doon sa P&C bilang vet technician si Ethan ay ganoon na ang nararamdaman niya. Awkward siyang umakto sa harap nito kaya mas pinipili na lang niyang umiwas dito. So maliban sa simpleng batian ay wala na silang ibang interaction ni Ethan.
"Ahm, hindi naman ako nagugutom."
"Raen, nandiyan ka na pala," biglang singit ng isang pamilyar na boses. Si Dr. Ernesto De Jesus ang nalingunan ni Raen. Isa din itong veterinary physician na tulad niya at ito ang may-ari sa P&C.
"Hi, Doc. Good morning," magaan ang boses na bati ni Raen.
"Good morning," nakangiting bati din ng matandang vet habang naglalakad palapit sa reception desk hawak ang isang notepad at folder. "You should go to the pantry. May dalang pagkain si Ethan para sa ating lahat."
Pasimpleng isinandal ni Raen ang kaliwang bewang sa gilid ng reception desk habang si Dr. De Jesus naman ay nagsusulat sa dalang notepad. "Bakit? Ano'ng meron?"
"Now that you asked, we'll have a meeting later to discuss Ethan's announcement." Pagkatapos ay humarap ito kay Kelly. "Make sure that you bring everyone up to speed with the meeting. Muntik ko nang makalimutan iyon. Nang mamataan ko ang French toast ay wala na akong iba pang naisip na gawin kundi ang kumain," natatawang wika ni Dr. De Jesus bago bumaling kay Raen. "As for you, I want to talk to you in my office after you eat."
"Busog pa naman ako, Doc. Pwede na tayong mag-usap ngayon."
"Alright, just one second," tanging wika ni Dr. De Jesus saka tinapos ang kung anumang sinusulat nito. Nang maibigay iyon kay Kelly ay bumaling na ito sa kanya. "Follow me to my office."
Tumango si Raen saka sumunod sa nakatatandang vet. Bilang may-ari ng P&C ay ito lang ang may sariling opisina sa kanila. Mayroong general office doon sa clinic kung saan may desk siya at ang dalawa pa nilang vet physicians.
Pagbukas ni Dr. De Jesus sa pinto ng opisina nito ay agad na sinalubong si Raen ng kakaibang pakiramdam pero hindi niya iyon pinansin. "Doc, ano—" napatigil siya nang tuluyang magregister sa isip niya kung bakit siya nakakaramdam ng ganoon. May ibang tao sa loob ng opisina. Hindi lang basta tao. It was Ethan.
"Yes, Raen?"
Halos mapalundag si Raen nang magsalita si Dr. De Jesus. Hindi niya namalayang napatulala na pala siya. Palagi na lang nangyayari iyon sa kanya kapag nasa paligid lang si Ethan. At kasunod ng pagkatulala ay sigurado siyang sisimulan nanaman niya ang pagmamasid dito anumang oras.
Sigurado si Raen na may lahing banyaga ito. That nose couldn't be all Filipino. Masyado iyong matangos. At ang mga mata nito ay malalalim. Halatang-halata din ang tangkad nito kahit na nakaupo ito at medyo naka-slouch. Pang tatlong tao kasi ang sofang kinauupuan ni Ethan pero halos kalahati niyon ang nasakop niya. His big size looked really intimidating. Kaya siguro ilag si Raen dito.
That's a lie, Raen. And you know it!
Parehong malalaking tao ang papa niya at kuya. Kaya sanay na siyang makihalubilo sa mga lalaking may malalaking bulto. As for Ethan, talaga lang na mayroon itong aura na nagpaparamdam kay Raen ng pagkailang. So far hindi pa niya alam kung ano iyon. Pero siguradong mafi-figure out din niya iyon. For now, kailangan muna niyang magpanggap na hindi siya apektado ng presensiya nito.
INTERESTING... THAT was the only word that Ethan could mutter as he gazed back at Raelyn. Kanina ay plano niyang magsalita agad upang ipaalam sa mga ito na naroon siya. Pero agad ding nagbago ang isip niya nang magkasalubong ang mga mata nila ng dalaga. Hindi niya talaga maintindihan kung bakit naiilang ito sa kanya.
Normally, ay okay na okay kay Ethan na hindi mapalapit sa kanyang mga subjects. Pero iba ang kaso ni Raelyn. Kailangan ni Ethan na magkaroon ng access sa buhay nito. Kailangan niyang magtiwala ito sa kanya kahit bilang isang kaibigan lang.
"Ahm, Doc?" Agad naman niyang nakuha ang atensiyon ni Dr. De Jesus.
"Ah, Ethan, nakalimutan ko nang nandiyan ka pala," nakangiting wika ni Dr. De Jesus. "Tapos mo na ba 'yan?"
"Oo, Doc," maiksing sagot ni Ethan saka inilahad ang ilang piraso ng papel. Pero dahil nanatili si Dr. De Jesus sa tabi ng desk nito ay napilitan tuloy siyang maglakad palapit dito at palapit din kay Raelyn.
"Ano 'yan?" nakangiting tanong ni Raelyn.
Natigilan si Ethan. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang ang sarap sa pakiramdam na nginitian siya ni Raelyn. Madami na siyang nakilalang magagandang babae. At sa totoo lang ay hindi ang tulad ni Raelyn ang madalas na nakakakuha ng atensiyon niya. But there was something really fascinating about the way she carried herself. She just looked so magnificent while standing there in her over-sized scrub suit, messy hair, and bright, questioning eyes. And damn it, napapansin ni Ethan na unti-unti ay hindi na lang isang target ang tingin niya kay Raelyn.
But as if on cue, bigla na lang tumikhim si Dr. De Jesus at sumagot, "Just some forms. Wala si Manuel ngayong araw kaya ako ang nag-entertain kay Ethan."
Napangiti si Ethan. Sinigurado niyang hindi makakapasok sa trabaho ngayong araw ang administrative manager na si Manuel. Gusto kasi niyang si Dr. De Jesus mismo ang makausap niya para makuha ang simpatya nito.
"Forms? Para saan 'yan, Ethan?" friendly na tanong ni Raen. Pero nagfreeze parin ang ngiti ni Ethan nang marinig ang kanyang pangalan mula sa bibig nito. Hindi pa rin niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya at ginamit niya ang tunay niyang pangalan para sa cover identity niyang ito.
Napaiwas tuloy ng tingin si Ethan dahil bigla ay parang hindi na siya komportableng makipagtitigan kay Raelyn. "Okay lang ba na sabihin ko na, Doc?"
"Bakit? Is that some top secret form?" nakangiti paring tanong ni Raelyn.
"Well, it's actually part of what we will discuss in the meeting later. Pero okay lang naman na malaman mo in advance," sagot ni Dr. De Jesus. "Hindi ba, Ethan?"
"Yes, that's more than okay actually." Ethan didn't intend for his voice to drop down to husky level. Pero ganoon ang lumabas mula sa kanyang bibig kaya napilitan siyang tumikhim bago nagpatuloy. "I'm requesting for an early termination of contract. Na-finalize na kasi ang application ko sa pagpunta sa Middle East."
Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ni Raelyn. "Aalis ka na?" para bang dismayadong tanong nito.
Tuloy ay napangiti nanaman si Ethan. Damn! Ano ba ang mayroon sa clinic na ito at para yatang nakakadevelop siya ng hilig sa pagngiti? Pagkatapos ay napansin niyang nakatingin pa rin sa kanya si Raelyn. Well, hindi naman pala dapat "ano" ang tanong kundi "sino."
BINABASA MO ANG
S.T.A.I.D. 2 (COMPLETE) - Published under PHR
ActionHindi normal ang kabataan ni Raen dahil sa uri ng trabahong mayroon ang kanyang mga magulang. Naging black belter na siya sa apat na klase ng martial arts at marunong na siyang mag-assemble at disassemble ng nine-millimeter handgun bago pa siya tumu...
