DAYNE'S POV
Kilala ko siya. Siya ang matagal ko nang gusto.
Nakita ko siya habang iniikot ko ang baso ng red wine sa isang sulok ng bar. Tahimik ang gabi, pero siya — siya ang ingay sa loob ng katahimikan. Nakaupo siya mag-isa, tila kinakausap ang bote ng alak, habang punong-puno ng kirot ang mga mata niya.
Hindi ko alam kung bakit ako lumapit. Siguro dahil nakita ko ang sarili ko sa kanya. Pareho kaming may binibitbit, pero siya… siya, halos mabuwal na sa bigat.
“Kuya, ayos ka lang ba?” tanong ko, mahina, parang ayokong sirain ang mundo niya.
Napatingin siya sa akin. Mapungay ang mata, pulang-pula sa luha at alak. Pero sa kabila ng gulo sa mukha niya, may isang bagay akong nakita katapatan. ‘Yung klase ng sakit na hindi mo pwedeng pekein.
Hindi siya sumagot agad. Pero nang magsalita siya, dire-diretso, parang buhos ng ulan na matagal nang pinipigilan. Tungkol sa isang babae. Si Raya. Ang mahal niya. Ang hindi siya pinili kasi hindi rin naman n'ya sinabing mahal n'ya ito.
Tahimik lang akong nakikinig. Pinagmasdan ko siyang tuluyang masira sa harap ko. Umiyak siya, hindi pa ako nakakitang umiiyak ang isang lalaki nang gano’n. Hindi dahil mahina siya, kundi dahil sobrang tibay niya para itago ang sakit ng matagal.
Bawat salita niya, parang kutsilyong paulit-ulit na ibinabaon sa puso niya.
“Mahal na mahal ko siya… kahit hindi ako ang pinili.”
Habang paulit ulit n'yang binibigkas ang mga salitang 'yan tinanong ko siya kung gusto na n'ya bang umuwi. Lasing na lasing siya at hindi ko maintindihan kung ano ang kanyang sinasabi. Basta ang alam ko ay tumango siya. Hindi ko alam kung nasaan ang bahay n'ya kaya sa apartment ko na lamang siya dinala.
Inalalayan ko siya papasok. Wala siyang imik. Amoy alak, amoy luha, amoy lungkot. Pinaupo ko siya sa kama, pinainom ng tubig, pero tumitig lang siya sa baso na parang bumalik na naman siya sa gabi ng kasal ni Raya.
“Salamat,” sabi niya sa akin, halos pabulong. Namamalat ang boses. Hinaplos ko ang likod n'ya.
“Hindi ko na kaya. Pagod na ako.” Mahinang saad n'ya.
Naramdaman kong nanginginig ang boses niya, hindi dahil sa lamig, kundi dahil wasak na talaga siya. Sa isang iglap, nakita ko ang sarili kong lumapit. Inilagay ko ang palad ko sa pisngi niya, pinunasan ang luha.
At sa pagitan ng pagod at katahimikan, nandoon kami. Dalawang kaluluwang sugatan, naghahanap ng kahit kaunting init sa gitna ng lamig ng gabi.
“Kung kailangan mo ng kanlungan,” sabi ko, “Andito ako.” Mahina kong bulong. Para akong tanga na inaalay ang sarili ko sa kanya. Parang sawa kung makakapit.
Tahimik lang siya sa sinabi ko. Ako rin sapagkat nahihiya ako. Pero hindi 'yung tipong awkward na tahimik. Kundi 'yung tahimik na may malalim na sinasabi. Na parang kahit walang salitang binibitawan, naiintindihan n’yo ang isa’t isa.
Bigla siyang nagsalita. "Alam mo, minsan naiisip ko, paano kung ganito lang palagi? Wala nang gulo, wala nang tanong." Saad n'ya, lumunok ako. Sobrang naiinitan.
Ngumiti ako. Hindi ko alam kung dahil sa tama ng alak o dahil sa lalim ng sinabi niya, pero parang gumaan ang loob ko. “Paano kung kaya natin gawing ganito palagi?” sagot ko. Halong biro at totoo.
Tumingin siya sa 'kin. Hindi 'yung basta tingin. 'Yung tipong hinuhubaran ka, hindi ng damit, kundi ng lahat ng takot mo. Lahat ng insecurities. Para bang sa isang sulyap lang niya, alam na niya lahat ng iniisip mo, lahat ng pinagdadaanan mo, kahit hindi mo pa sinasabi sa kanya.
BINABASA MO ANG
IGNORED WIFE (COMPLETED)
RomanceTHE WIFE'S GRIEF SERIES #2 Raya Elfora left Gozu Eldefonso on their honeymoon. Iniwan n'ya ang kanyang asawa sa araw kung saan dapat sila ay masaya. She left him crying and begging not to leave him. Fate played them really well because now she's bac...
