Bata pa lang ako ay nakikita ko na ang mga kakaibang anino sa paligid ko. Maaari bang makapagsalita ang mga ito? Sa tuwing maglalakad ako sa labas—sila ang nakikita at naririnig ko.
“Tulungan mo ako!”
“Maawa ka. Tulungan mo ako!”
Paulit-ulit na gano’ng mga salita ang naririnig ko mula sa kanila. Nagpapanggap akong bulag at bingi sa mga salita nila.
Pinilit kong mabuhay ng normal kagaya ng ibang bata. Naglalaro ng habulan kasama ang iba pa. Nagtataguan at nagkakatuwaan. Ngunit hindi rin maiiwasan na makisali ang mga ito sa laro namin.
“Papatayin ka rin nila.”
“Tulungan mo ako!”
“Tama na. Tumigil ka! Papatayin ka rin nila!”
Hindi ko maintindihan ang gusto nilang iparating sa akin. Mga aninong may boses. Dumadagundong sa aking pandinig. Paulit-ulit ang mga sinasabi. Nakakapanindig balahibo ang mga tonong ginagamit. Malalaki ang mga boses na kahit kailan ay hindi ko pa narinig sa ibang tao.
Ilang taon ko nang bitbit ang kakayahang ito. Kakayahang marinig ang boses mula sa mga anino. Kakayahang makita ang kakaibang pangyayari mula sa mga ito. Palaging kasama ng mga tao—wala silang kaalam-alam sa mga nangyayari sa kanilang anino.
Tumuntong ako sa edad na disi-otso. Akala ko ay dala lang ng pagkabata ang mga nangyari sa akin. Akala ko ay tuluyan na iyong nawala. Ngunit isang araw, muli na namang nanumbalik sa akin ang nakaraan. Muli ko na namang narinig ang mga salitang paulit-ulit at iisa ang nilalaman.
“Belle, okay ka lang ba?” tanong ng kaibigan ko.
Mula pagkabata ay kasama ko na siya. Siya lang ang kaisa-isang tumagal sa akin. Hindi niya alam ang mga nangyayari sa akin dahil hindi ko iyon sinabi sa kaniya. Ayaw kong matakot siya. Ayaw kong iwan niya ako.
Tulala ako. Naririnig pa rin ang mga salita mula sa anino. Ramdam ko sila sa tabi ko. Paulit-ulit ang sinasabi nila sa tainga ko.
“Tulungan mo ako!”
“Maawa ka. Tulungan mo ako!”
“Papatayin ka rin nila.”
“Tama na. Tumigil ka! Papatayin ka rin nila!”
Napahawak na lang ako sa ulo ko. Mahigpit kong hinawakan ang buhok ko at paulit-ulit na inuntog ang sarili sa lamesang nasa harapan ko.
Sigaw ako nang sigaw. Pero mas nangigibabaw ang mga salita mula sa anino sa paligid ko.
“Tama na! Tumigil na kayo! Tama na!” paulit-ulit ko ring sigaw.
Pinigilan ako ni Clara. Ramdam ko ang umaagos na dugo mula sa noo ko. Pero kahit gano’n—hindi ko maramdaman ang sakit no’n. Parang namanhid ang buong katawan ko.
“Papatayin ka rin nila.”
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ko. Hanggang sa may lumapit sa akin na babaeng nakaputi. May kung ano siyang tinurok sa bandang leeg ko.
Unti-unti ay nawalan ako ng malay. Dumilim ang paligid hanggang sa wala na akong nakita pa. Wala na akong narinig na mga boses. Naging payapa ang isip ko dahil sa tinurok niya sa akin.
“Sa tingin ko ay hindi na siya gagaling. Ilang taon na siya rito. Palagi niyang sinasaktan ang sarili niya. Malaki ang naging trauma niya sa pangyayari,” rinig kong sabi ng kung sino.
Madilim pa rin ang paligid ngunit may naririnig akong nag-uusap. Malinaw na mga salita at hindi kagaya ng palagi kong naririnig. Walang mga anino. Walang kakaibang tono.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Historia Corta©All Rights Reserved COLLECTION Collection of my one shot stories. Read the Disclaimer. Romance ✓ Tragic ✓ Horror ✓ Open ending story ✓ Teen Fiction ✓ Mystery Thriller ✓ Poem ✓
