KANDILA

24 3 0
                                        

Ang sabi nila mas okay raw sa isang relasyon kapag lamang ang pagmamahal ng lalaki kaysa sa babae. Mayroon namang nagsasabi na dapat pantay lang ang pagmamahal nilang dalawa.

Pero kadalasan, kaya maraming nasasaktan dahil babae ang mas nagmamahal. Babae ang nagiging lalaki sa isang relasyon. Sa paanong paraan? Kapag mas lamang ang sakit kaysa sa saya kapag nasa isang relasyon ka. Kapag puro babae ang umiintindi at umaayos sa tuwing may problema.

Bihira na lang ang “mas mahal ng lalaki” dahil sa panahon ngayon—karamihan sa mga lalaki ay manloloko. Babae ang laging nasasaktan. Babae ang laging naiiwan sa ere. Babae ang sasalo ng lahat.

“Happy Anniversary, love!” masayang bati sa akin ni Hansley.

Sa bihirang mga lalaki—napunta sa akin ang isa. Dahil masasabi kong mas mahal ako ni Hansley kumpara sa pagmamahal na mayroon ako para sa kaniya. Sa buong taon naming magkarelasyon  ay wala kaming naging problema na malala.

Kung paano siya noong nanliligaw pa lang—gano’n pa rin siya hanggang sa maging kami na. Consistent. Walang palya sa pagbibigay ng assurance. Hindi ko kailangang manghingi ng atensyon dahil kusa niyang binibigay. Palagi niya akong dinadala sa magagandang lugar tuwing may date kaming dalawa. Masasabi kong almost perfect na ang relasyon namin. Nasa healthy relationship na ako kumbaga.

“Happy Anniversary, my love. Thank you...” malambing kong sabi nang ibigay niya ang bulaklak sa akin.

Mahigpit na yakap ang binigay ko sa kaniya at isang matamis na halik pagkatapos. May regalo rin naman ako sa kaniya pero mamaya ko na iyon ibibigay.

Nandito kami ngayon sa apartment niya. Akala ko nga ay nakalimutan niya ang ganap ngayon. Buong araw siyang walang paramdam sa akin. Muntik na akong magtampo, mabuti na lang at tinawagan niya na ako kanina at sinabing susunduin niya ako para dalhin dito sa apartment niya.

“Tikman mo ’tong niluto ko. Favorite mo ’to kaya inaral ko talagang lutuin,” sambit niya.

Sa harapan namin ngayon ay nakahanda ang mga pagkain. My buttered shrimp—ito ang paborito ko. Mayroon ding pork with creamy mushroom. Ito ang sinasabi niyang inaral niyang lutuin dahil paborito ko raw. Nagtaka nga ako dahil hindi ko naman paborito ito. Pero pinagsawalang bahala ko na lang iyon dahil baka namali lang siya ng sabi. Ang hipon siguro talaga ang tinutukoy niya.

May cake pa nga na may nakasulat na “Happy Anniversary, Love.” Talagang nag-effort siya para sa anniversary namin ngayon. Dahil kahit sa pader ng apartment niya ngayon ay may nakadikit na Happy Anniversary. May mga lobo pa. Iyon ang pinagkaabalahan niya maghapon kaya hindi siya nagparamdam sa akin.

“Dito ako matutulog, love. Okay lang?” tanong ko habang kumakain kami.

Pinagbabalat niya ako ng shrimp. Sobrang sweet at maalaga talaga siya sa akin. Nakakaramdam talaga ako ng kilig sa mga simpleng akto niya tulad nito.

“Aalis ako mamaya, love. Tinawagan ako ni Papa, may pinapaasikaso sa akin,” sagot niya naman.

Sa sobrang healthy ng relasyon namin ay sobra sobra din ang tiwala ko sa kaniya. Wala akong nakikitang babaeng kausap niya kapag hinihiram ko ang phone niya. Kahit nga ang paglike sa pictures ng ibang babae ay hindi niya ginagawa. Sobrang green flag talaga ng boyfriend ko.

Kaya naman nang sabihin niyang may aasikasuhin siya dahil sinabi ng Papa niya—naniwala ako agad. Buong akala ko kasi ay totoo iyon. Dahil hindi ko naman kailanman naisip na magsisinungaling sa akin si Hansley. Nakumpirma ko lang na nagsisinungaling siya nang tawagan ako ng Papa niya mismo. Hindi pa raw niya nakakausap maghapon si Hansley at wala naman siyang inuutos dito.

Pinagsawalang bahala ko ang bagay na iyon. Unang beses na nagsinungaling sa akin si Hansley. Pakiramdam ko tuloy lahat ng sasabihin niya sa akin ay puro kasinungalingan na lang. Nagsimula akong mag-overthink. Nagduda ako sa mga kilos niya.

“Masyado kang kampante na hindi magloloko ang boyfriend mo. Ano ka ngayon? Masakit ba?” sambit ng kaibigan ko.

Niloko ako ni Hansley. Sa mahigit isang taon na maayos ang relasyon namin—hindi ko inakalang may ibang babae palang kasali. Sa sobrang ayos ng trato niya sa akin hindi ko namalayang ginagago niya na pala ako.

Naging kampante nga siguro ako. Hindi ko inakalang magagawa niya akong lokohin. Akala ko mahal niya ako. Binigay ko lahat sa kaniya pero ito ang iginanti niya sa akin. He cheated on me. Wala akong nakitang bakas ng panggagago niya—until one day nakita ko mismo sa apartment niya na may kahalikan siyang babae. Hindi lang basta kahalikan, higit na ro’n ang ginagawa nila.

“Kung sa akin ginawa ’yan, baka nagsindi na ako ng kandila at nagsimulang mangkulam. Hindi ko mapapatawad ’yung lalaki kapag ganiyan,” dagdag pa ng kaibigan ko.

Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Mahal na mahal ko si Hansley. Handa akong patawarin siya kung hihingi siya ng tawad sa akin. Handa akong tanggapin siya ulit. Hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko. Sobra sobrang pagmamahal ang pinakita at pinaramdam niya sa akin. Hindi ko kayang masanay na wala siya sa tabi ko.

“Happy Birthday to you~”

Kinuha ko ang kandila na nasa ibabaw ng drawer ko. Tinusok ko iyon sa isang cupcake na hawak ko. Sinindihan ko iyon at nakangiting lumapit kay Hansley.

Birthday niya ngayon. Kaso nga lang ay hindi ako nakapaghanda dahil nabusy ako. Itong cupcake na lang na may kandila ang magsisilbing cake para sa kaniya. Binilhan ko naman siya ng regalo, ibibigay ko pagkatapos nito. Siguradong magugustuhan niya naman iyon.

“Happy Birthday to you.
Happy Birthday to you~
Happy Birthday... Happy Birthday~
Happy Birthday, My love...” pagkanta ko habang hawak ang cupcake na may kandila.

Malawak ang ngiting tinapat ko iyon sa harapan niya para mahipan niya na ang kandila.

“Hipan mo na, mahal ko. Ako na lang ang magwiwish para sa ’yo.”

Pero wala siyang naging sagot. Nawala ang ngiti ko at napatitig na lang sa kaniya. Paano nga naman niya mahihipan ang kandilang ito kung wala na siyang hininga?

Muli ay nagbalik ang ngiti sa labi ko. Hinipan ko ang kandila at pagkatapos ay tinapon ang cupcake na hawak ko. Dahan-dahan kong hinaplos ang maamong mukha ni Hansley. Pababa iyon sa leeg niyang kulay pula na dahil sa dugo. Bahagya akong napanguso nang makita kong marumi na naman ang sahig dahil sa dugong nanggagaling sa katawan niya.

“Sabi ko naman sa ’yo ’di ba? Sa oras na iwan mo ako ay hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa ’yo?” pagkausap ko sa kaniya.

Walang sagot dahil bangkay na ang kausap ko. Mag-iisang linggo na siyang nandito sa bahay ko. Akala ko nga ay kaya siya nagpunta rito para manghingi ng tawad sa ginawa niya. Ang kaso nga lang ay nagpunta pala siya para hiwalayan ako. Para maging legal na sila ng kabit niya.

Sinong tanga ang papayag doon? Hindi ko siya pinayagan na hiwalayan ako. Gumawa ako ng paraan para hindi niya ako iwan. At ngayon, nandito siya sa akin. Walang ibang may alam na nasa akin siya. Akala nilang lahat ay umalis ng bansa si Hansley kasama ang kabit nito.

Tumayo ako nang maayos at dahan-dahang pinuntahan ang paper bag na dala ko. Regalo ko ito kay Hansley. Magugustuhan niya ito.

“Happy Birthday, Mahal ko. Tanggapin mo ang regalo ko sa ’yo. Sigurado akong matutuwa ka rito,” nakangising sambit ko.

Kinuha ko ang laman ng paper bag at nilapag iyon sa hita ni Hansley. Mas lalo akong napangisi nang makita ang regalo ko sa kaniya. Daliri ng kabit niya kung saan nakasuot ang singsing na binigay ni Hansley.

They’re engaged. Masakit na malamang may ibang babaeng involved sa relasyon namin. Pero mas masakit malaman na ako pala ang kabit. Sa sobrang ganda ng trato niya habang kami pa—hindi ko inakalang may mas nauna pa pala.

One Shot StoriesMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon