Yūrei

13 2 0
                                        

“Ate Chi!” may tuwa sa tonong pagtawag sa akin ng pinsan ko at sinalubong ako ng yakap.

“Teka! Pupunta ako kay Lola.”

Inalis ko ang yakap niya sa akin. Ang higpit niyang yumakap. Nakadikit pa ang ulo sa bandang tiyan ko. Para bang sinusulit niya ang yakap na iyon.

Hindi ako nakatira kila Lola kaya bumibisita ako minsan. Ngayon lang ako niyakap ng ganito kahigpit ng pinsan kong si Ley. Hindi ko naman pinansin dahil baka namiss lang ako.

“Papasok ka na?” tanong ni Lola.

Nagsasampay siya ngayon habang ang magkapatid kong pinsan ay naglalaro na. Ang init init pero naglalaro silang dalawa. Pawisan na agad ang mga iyon mamaya.

“Pauwi palang ako,” sagot ko naman.

Hindi na ako nagtagal doon at umuwi rin ako agad dahil baka ma-late pa ako sa school. Highschool na ako. Grade seven na. Gusto ko ngang kila Lola na ulit tumira. Ang kaso nga lang ay baka pagalitan ako ni Papa.

Ilang linggo rin akong hindi nakadalaw kila Lola matapos no’n. Masyado akong naging abala sa bahay nila Nanay—nanay ni Papa. Ang daming gawaing bahay. May pinsan pa akong inaalagaan ko.

“Patay na si Ley,” bungad ni tita sa akin pag-uwi ko.

Gusto kong humagulgol pero ayokong ipakita sa tita ko ’yon. Biglang nanikip ang dibdib ko. Sobrang sakit.

Hanggang sa makarating ako sa school ay iyon ang nasa isip ko. Doon ko binuhos lahat ng luha ko sa school. Dinamayan ako ng mga kaibigan ko.

Kinwento ko kung gaano kahigpit ang yakap na salubong sa akin ng paboritong pinsan ko. Kaya pala ganoon na lang s’ya ka-sweet sa akin, last na pala ’yon. Tapos hindi ko pa pinansin. Pinagsawalang bahala ko pa.

Bigla akong nagsisi na hindi ko pa sinulit ang mahigpit niyang yakap sa akin. Sign na yata niya iyon bilang pamamaalam sa akin. Sana ay hindi ko pala pinagsawalang bahala lang.

“Ang daya mo naman, baby,” sabi ko sa isip ko habang nakatingin sa nakahimlay niyang katawan.

Masyadong makapal ang make up niya at nagmukha siyang matured doon. Pero kahit gano’n, hindi pa rin maitatago o mai-aalis ang ganda niya.
Para siyang anghel. Para siyang natutulog lang ng mahimbing. Kay ganda ganda ng paborito kong pinsan.

Nakaramdam ako ng antok kaya pinili ko munang matulog sa kwarto ko rito kila lola. Tanghali iyon at inaayos pa ang burol ni Ley. Wala pa kasi ang ibang bulaklak.

“Dito ka raw nakahiga simula nung magkasakit ka,” sambit ko sa sarili.

Gusto ko muling umiyak. Nahiga ako sa pwesto kung saan naghihingalo na raw ang pinsan ko noon. Ilang linggo siyang nakaratay lang dito sa kama. Nagkasakit at nanghina siya.

Pumikit ako at inisip lahat ng mga nangyari noong buhay pa siya. Ang mga alaala na kasama ko siya. Masyado pa siyang bata para kunin sa amin. Ang dami niya pang pangarap para sa pamilya niya.

“Kung nandito ka, yakapin mo naman si Ate.” Para na akong baliw na kinakausap ang sarili ko.

Nakapikit lang ako at hindi gumagalaw. Nagulat ako ng biglang parang may sumampa sa kamang hinihigaan ko. Parang may tumabi sa akin kahit mag-isa lang naman ako sa kwarto ngayon.

Ley...

Pagbanggit ko ng pangalan niya sa isip ko. Hindi ako kumilos, wala akong ginawa. Hinayaan ko lang na gumalaw ang kama. Hinayaan ko lang na tabihan niya ako.

Ilang linggo ang nakalipas, marami pang nangyaring kakaiba sa amin. Nagpaparamdaman ang pinsan ko. Sabi kasi nila ay tatlong araw na naggagala ang kaluluwa ng tao. Sa pangatlong araw lang nila malalaman na wala pala sila sa sarili nilang katawan.

Matapos no’n ay kakaibang pakiramdam na ang naramdaman ko.
Tanghali nang naghuhugas ako ng kinainan namin. Natutulog ang tito ko sa kwarto kung saan namatay ang pinsan ko. Sa kwarto kung saan nahiga ako at parang may tumabi sa akin.

“Si tito pala,”sabi ko nang nasilip ko ang tito kong lumabas ng kwarto.

Nahawi pa nga ang kurtina at sumabit. Nakaitim ang tito kong lumabas, parang sinara niya ang pinto sa harap namin. Hindi ko na pinansin at pinagpatuloy ko na ang paghuhugas ng pinggan.

“Sa riles siguro pupunta si tito,”sabi ko matapos maghugas ng pinagkainan.

Pumasok ako sa loob para pumunta sa kwarto. Ako na lang mag-isa rito dahil umalis nga ang tito ko. Pero pagpasok ko sa kwart ay doon naabutan ko ang natutulog kong tito na nakakulay sky blue na damit.

Pagtataka at takot agad ang bumalot sa akin. Pero kinalma ko ang sarili ko. Kahit na kinikilabutan na ako ngayon.

Paanong nangyaring nandito si tito at natutulog? Naka-sky blue siya pero kanina ay nakaitim ang lumabas mula rito. Kaparehas ng bulto ng katawan. Kaparehas din pati ang tangkad at gupit ng buhok.

Nagsimula na akong kabahan. Doppleganger. Halata ang kurtina kanina na may lumabas mula rito sa kwarto. Nakaitim at katawan ng tito ko ang nakita ko. Hindi ako pwedeng magkamali. Tito ko talaga ang nakita kong lumabas kanina.

Napaisip tuloy ako kung sino ba ang totoo sa kanila. Itong nakahiga ba o ang umalis kanina na nakakulay itim na damit?

Natatakot ako. Ayokong gisingin ang tito ko dahil baka mamaya ay hindi pala talaga siya ang tito ko. Kaya mabilis akong lumabas ng bahay.

Palabas na ako ng gate nang madako ang tingin ko sa isa pang bahay dito sa amin. Madalang umuwi ang may-ari nito kaya medyo natengga na ito. Sa malaking bintana na salamin, may nakita akong nakatingin sa akin.

Bata iyon. Alam kong bata ito base sa kamay na nakahawak sa upuan at sa buhok nito. Ang kinatakot ko ay ang nanlilisik niyang mga mata. Nagtatago sa upuan ang ilong pababa sa bibig niya. Tanging matang nanlilisik, dalawang kamay na nakahawak sa upuan, at mahabang itim na buhok lang ang nakikita ko ngayon sa kaniya.

Sino ka? Bakit ka ganiyan makatingin sa akin? Hindi ikaw ang pinsan ko.

Hindi ko maalis ang tingin sa kan’ya. Kitang-kita ko ang bagsik ng tingin niya. Halos marinig ko na ang tibok ng puso ko dahil sa bilis nito. Nakakatakot siya. Sobrang nakakatakot ang mga mata niya. Tanghaling tapat pero dalawang multo agad ang nagpakita sa akin.

Kailan masasara ang third eye ko? Hindi lang iyon ang mga naranasan ko. Marami pa akong nararamdamang kakaiba. Mga bagay na hindi  maipaliwanag. Hindi ko malaman kung nagkataon lang o sadyang may nagpaparamdam. Pero sa lahat ng naranasan ko—ito ang tumatak sa isipan ko. Mga matang puno ng galit at poot na nakatingin sa akin habang naglalakad ako.

One Shot StoriesMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon