Ilang gabi na akong nagigising dahil sa hindi malamang dahilan. May lagnat ako at ilang beses pabalik-balik iyon. Baka dahil sa lagnat kaya ako nagigising tuwing madaling araw.
Kagaya ngayon, nagising na naman ako dahil pakiramdam ko ay may nakatingin sa akin. Mataas ang lagnat ko kaya kung anu-ano na lang ang nakikita o nararamdaman ko. Pagdilat ng mga mata ko ay bumungad nga sa akin ang babaeng itim. Nakatingin ito sa akin at nakangiti.
Hindi ko na lang pinansin. Hindi rin ako nakaramdam ng takot dahil sanay naman akong laging nakikita siya. Dala ng matinding lagnat kaya ganito ang nararanasan ko.
“Ning, inom ka nang gamot,” sabi ni Mama sa akin kinabukasan nang maabutan niya akong gising.
Isang linggo na akong may sakit. Minsan nawawala ang lagnat ko, minsan naman ay sobrang taas nito. Nagpacheck up na nga ako nung nakaraang araw at niresetahan na ako ng gamot.
Pinilit kong kumain kahit wala akong gana. Kailangan kong uminom ng gamot dahil nagsisimula na namang sumakit ang ulo ko.
“Ito nga at hindi pa rin gumagaling. Dinala ko na sa Ospital nung nakaraang araw. May gamot na iniinom naman,” sabi ni Mama.
May kausap siya sa phone. Tahimik naman akong nakaupo lang dahil tapos na akong kumain at uminom ng gamot. Ang bigat ng ulo ko. Gusto kong matulog.
Nararamdaman ko rin ang init ng hininga ko. Sobrang taas na naman ng lagnat ko. Ramdam ko ang init sa loob ng katawan ko. Nakakapanghina pa naman kapag ganitong may sakit.
[“Pagupitan mo ng buhok si Ning,”] rinig kong sabi ng tita ko dahil nakaloud speaker iyon.
Napatingin tuloy ako sa buhok ko na hindi pa nasusuklayan. Hanggang baywang ko ang haba no’n. Pinapahaba ko talaga dahil mas gusto ko iyon. Iyon nga lang, medyo mahirap alagaan kapag mahaba ang buhok.
“Ano namang kinalaman ng buhok sa pagkakaroon niya ng sakit?” tanong ni Mama.
May kasabihan ang matatanda na kapag daw sobrang haba ng buhok ay doon na napupunta ang sustansya ng mga kinakain. Kaya siguro nagkakasakit ako dahil nakukuha ng buhok ko ang sustansya na para sa katawan ko dapat.
Hindi naman ako naniniwala sa gano’n. Baka natapat lang talaga na nagkasakit ako ngayon. Mawawala rin ito.
[“Basta pagupitan mo ng buhok. May nagkakagusto kay Ning kaya ganiyan. Hindi gagaling ang anak mo kung hindi mo pagugupitan ang buhok niya,”] sambit pa ni Tita.
Nangunot ang noo ko sa narinig. May nagkakagusto sa akin? Ano namang kinalaman no’n sa sakit ko?
Wala naman akong kilalang nagkakagusto sa akin sa school. Kung meron man, bakit naman ako magkakasakit kung gano’n?
[“Hindi tao ang nagkakagusto kay Ning. Sa likod ng bahay nila Nanay, may malaking puno. May nakatirang kapre at nagkakagusto kay Ning. Kaya pagupitan mo ang buhok niya para maalis ang sakit niya,”] dagdag pa ni Tita.
Kinilabutan naman ako dahil sa narinig. Napatingin sa akin si Mama. Parehas naming alam na hindi pa nakakapunta si Tita rito at hindi niya alam ang puno na tinutukoy niya. Kaya nakakakilabot dahil nalaman niya iyon.
Ang alam ko ay bukas ang third eye ni Tita. Hindi ako naniniwala sa gano’n pero nang maranasan ko iyon kay Tita ay naniwala na ako. Dahil imposibleng alam niya ang mga bagay na iyon kung kahit kailan ay hindi pa naman siya napunta rito.
Kinabukasan ay sinama ako ni Mama sa Parlor. Pinagupitan niya ang mahaba kong buhok. Nanghinayang ako nang magupitan iyon hanggang sa balikat. Ang haba ng nabawas at pakiramdam ko ay gumaan ang ulo ko.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Storie brevi©All Rights Reserved COLLECTION Collection of my one shot stories. Read the Disclaimer. Romance ✓ Tragic ✓ Horror ✓ Open ending story ✓ Teen Fiction ✓ Mystery Thriller ✓ Poem ✓
