Red light pa rin. Late na ako sa unang subject ko. Walking distance na lang nga ang school—late pa ako minsan. Sana ay hindi ako mapagalitan ni Ma’am.
“Ay kalabaw na mukhang kabayo!” nasabi ko na lang dahil sa gulat.
Bigla kasing may humawak sa kamay ko nang patawid na sana ako. Naggreen light na kasi. Pwede nang tumawid sa kabilang kalsada. Napahinto naman ako dahil sa lintek na humawak sa kamay ko.
Nang balingan ko ay nakangising mukha ni Elvis ang nakita ko. Kumislap pa ang suot niyang silver piercing dahil natapatan ng araw. Feeling gwapo ang kingina.
“Ano ba?! Patawid na ’yung tao pinigilan mo pa!” bulyaw ko sa kaniya.
Hawak niya pa rin ang kamay ko. Walang sabi-sabing hinatak niya ako patawid sa kabilang kalsada. Siraulo talaga!
Nang tuluyang makatawid ay saka ko binawi ang kamay kong hawak niya. Hinampas ko rin siya sa braso dahil sa inis ko. Kahit wala siyang gawin ay nakakabwisit pa rin talaga siya.
“Ang aga mong bad mood sa akin. Wala naman akong ginagawa sa ’yo,” aniya.
Masamang tingin ang pinukol ko sa kaniya. Kahit nga wala siyang gawin ay naiirita ako sa kaniya. Makita ko lang ang pagmumukha niya ay naiinis na ako.
Kulang na lang ay huwag na siyang huminga kapag kasama ko siya. Dahil pati paghinga niya kinabubwisitan ko. Lahat ng tungkol sa kaniya ay kinaiinisan ko. Anong rason—hindi ko alam. Hindi ko rin alam kung bakit ba ganito ako kainis sa kaniya.
“Pangit mo!” nasabi ko na lang.
Nagmadali akong maglakad para makahabol pa sa unang klase. Pero kahit na anong pagmamadali ko ay hindi pa rin talaga ako umabot.
Naabutan kong palabas na si Ma’am Corpuz. Mapapagalitan niya ako sigurado. Sa tingin pa lang niya nang makasalubong ko siya ay alam ko na agad na mapapagalitan ako.
“Late ka na naman, Elianna. Pati ikaw, Elvis. Baka gusto ninyong ibagsak ko na lang kayo sa subject ko?” sabi ni Ma’am.
Nakita ko ang kaibigan ko na natatawa dahil sa sitwasyon ko. Pinanlakihan ko siya ng mata bago sinagot ang sinabi ni Ma’am.
“Traffic lang po, Ma’am. Aagahan ko na po bukas,” sagot ko.
Hindi naman sumagot si Elvis. Nilampasan na kami ni Ma’am pero may binubulong pa—hindi ko na narinig at wala na akong pakielam doon. Basta hindi ako late sa second subject.
Kung makasabing ibabagsak sa subject niya akala mo naman nagtuturo nang maayos. Mas marami pa ang kwento kaysa sa turo. Kakainis na rin minsan.
“Scam sa aagahan daw bukas,” sabi ni Elvis at hinawakan na naman ang kamay ko.
Hinatak niya naman ako ngayon papasok. Inis kong binawi ang kamay ko sa kaniya. Lintek na lalaking ’to. Akala yata niya lahat ng babae magkakandarapa sa kaniya. Hindi ako kasali sa mga babaeng may gusto sa kaniya. Asa siya!
Tumingin siya sa gawi ko. “Sungit!” pang-asar niya pang sabi.
“Bakit ba kasi hawak ka nang hawak sa kamay ko?” iritadong tanong ko.
Nagkibit balikat lang siya at hindi ako sinagot. Dumiretso siya sa upuan niya sa bandang likod. Kasama niya ro’n ang mga kaibigan niya. Nagsimula na silang magkagulo ro’n dahil kumpleto na sila.
Ako naman ay dumiretso sa upuan ko. Katabi ko ang kaibigan kong tinawanan pa ako kanina. Pati ngayon, tinatawanan niya ako at inaasar. Inaasar na naman niya ako kay Elvis. Hindi ko nga gusto ang lalaking ’yon. Naiirita ako sa kaniya.
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Short Story©All Rights Reserved COLLECTION Collection of my one shot stories. Read the Disclaimer. Romance ✓ Tragic ✓ Horror ✓ Open ending story ✓ Teen Fiction ✓ Mystery Thriller ✓ Poem ✓
