Bahay Na Pula

21 2 0
                                        

“BAHAY NA PULA!”

Malakas kong sabi. Bakit ako narito? Anong ginagawa ko rito?

“What the hell is happening?” mahinang tanong ko sa aking sarili.

Nilibot ko sa paligid ang paningin ko.
Buo pa ng bahay na pula ngayon sa harapan ko. Maraming mga armas at mga taong nakapalibot dito. Nakakapagtakang hindi man lang nila ako nakikita.

“Matagal nang sinira ang bahay na pula,” muling sabi ko sa sarili ko at naglakad palapit doon.

Teka... Mga Hapon ba ito? Mga nakasuot na pangsundalo.

“Bakit ako nandito?” tanong ko pero walang pumansin sa akin.

Walang nakakakita ngayon sa akin kahit nasa harapan na nila ako. Ano ’to? Bakit ganito? Patay na ba ako or what?

“Bitawan ninyo ako!” malakas na sigaw mula sa babae.

Mabilis akong napalingon doon. Hawak siya ng isang naka-uniporme ring Hapon. Nagwawala ang babae kaya nakatanggap siya ng isang malakas na sampal sa lalaki.

Napatakip ako sa bibig ko dahil sa gulat. Gusto ko siyang tulungan pero hindi ko alam kung paano iyon gagawin. Hindi nila ako nakikita. Pero sila ay kitang-kita ko naman ngayon.

“Tachidomatte naka ni haitte,” malakas ding sabi nung lalaki.

Wala akong naintindihan pero base sa nakikita ko ay parang pilit niyang pinapapasok ang babae. Sa loob ng bahay na pula na buo pa rin talaga hanggang ngayon.

Nadadaanan ko ito madalas. Sira na talaga ang bahay na ito. Matagal nang giniba at ilang dekada na simula nang may manirahan dito.

“Maawa kayo, may pamilya pa ako, parang awa na ninyo,” pagmamakaawa ng babae pero hindi siya pinansin ng lalaki at kinaladkad siya papasok.

Naging daan iyon para makapasok din ako. Sumabay ako sa kanila. Wala talagang nakakakita sa akin. Anong kababalaghan ito?

“Fuku o nuide,” nag-uutos ang tonong sabi nung lalaki.

Tinuro pa nito ang babae. If I’m not mistaken, parang inuutusan niyang maghubad ang babae. Kinilabutan ako bigla.

Nanatili lang akong nakatayo at nakatingin sa mga nangyayari. Maluwang ang loob ng bahay na pulang ito. Nakakagulat na ang daming dugo sa napakakinis nitong sahig.

Biglang bumukas ang pinto at sunud-sunod na pumasok ang mga militar na Hapon habang dala ang mga Pilipina.

Ngayon napagtanto ko na kung bakit nangyayari ito. Nasa panahon ako ng mga Hapon. Panahon kung kailan naganap ang world war II.

Napag-aralan at narinig ko na rin noon ang tungkol sa bahay na pulang ito. Dati itong hacienda rito sa San Ildefonso, Bulacan.

“Pinatay ninyo ang asawa ko,” sigaw ng babaeng kararating lang bitbit ng isang Hapon. Duguan ang kasuotan n’ya.

Kinikilabutan ako. Nasasaksihan ko ngayon ang mga naganap noon. Nakikita ng sarili kong mga mata ang mga ito.

Sa Mapaniqui, Pampanga. Doon naganap ang pagpatay sa mga kalalakihan at maging sa mga batang lalaki. Walang tinira ang mga Hapon. Kinuha nila ang mga kababaihan at dinala sa bahay na pula.

Nangyayari ngayon ito. Mukhang naganap na nga ang pagpatay sa mga lalaki base sa sinabi ng babaeng ’to.
Gusto ko na umalis dito pero hindi ko alam kung paano. Hindi ko rin alam kung paanong napunta ako rito.

Higit isang daan ang mga babaeng narito ngayon. Hindi ko kayang makita ang mangyayaring ’to. Alam kong ma-re-r@pe sila rito. Alam kong pahihirapan sila at papatayin ng mga Hapon na ito.

Hindi ko kayang makita ito. Ayaw ko na rito. Gusto ko nang umalis.

“Ayokong makita ’to,” mahinang sabi ko at pinikit ang mga mata ko.

Ngunit kahit anong gawin ko ay parang nakikita ko pa rin sila. Mga hubad na katawan at nagmamakaawa nilang mga mukha. Masakit makita na ganito ang dinaranas ng mga kababaihang ito sa kamay ng mga Hapon.

“Tama na!” sigaw ko.

Umiiyak na ako ngayon. Nagsisigaw ako para patigilin sila ngunit wala silang napapansin o naririnig. Para akong hangin dito. Hindi nila ako nakikita at patuloy sila sa ginagawa nilang pambababoy sa mga babaeng ito.

“Tigilan ninyo ’yan, parang awa na ninyo!” muling sigaw ko.

“Solemn,” rinig kong tawag sa pangalan ko.

“Gumising ka nga, nananaginip ka, Solemn.”

Naramdaman ko ang sakit sa pisngi ko. Napadilat ako at mabilis bumangon. Hinihingal ako. Para akong kakapusin ng hininga.

“Tubig,” sabi ko na agad namang sinunod ng pinsan ko. Kinuha niya ang tubig na nasa table ko.

“Sumisigaw ka kanina kaya ako nagising. Binabangungot ka. Anong napanaginipan mo?” nag-aalala niyang tanong.

Matapos uminom ay binalik ko na ang tubig at huminga ng malalim. Kinakalma ko ang sarili ko.

“Bahay na pula. Mga nangyari noon. Kitang-kita ko sa panaginip ko at sobrang linaw ng lahat ng ’yon,” sabi ko sa pinsan ko.

“I think that’s not a dream, Solemn.”
Taka akong tumingin sa kaniya. “Siguro isa ka sa babaeng nasama ro’n, pinakita sa iyo ang naranasan mo noon, dinaan lang sa panaginip para ibalik ka sa nakaraan.”

Napatulala lang ako dahil doon. Reincarnation. Yes, naniniwala ako ro’n—maging sa déjà vu. Napahawak ako sa bewang ko kung saan naroon ang napakahaba kong balat. Para itong hiniwa mula sa tiyan hanggang sa likurang bahagi ng katawan ko.

Ang sabi ng matatanda, kung saang parte ng katawan mo may birthmarks, iyon daw ang naging dahilan ng pagkamatay. Maaaring nabaril o nasaksak.

Kung wala namang kahit anong balat ay baka dahil sa malalang sakit ang naging dahilan ng pagkamatay sa dati mong buhay.

Muli kong naalala ang napanaginipan ko. Para talagang totoo. Ang mga iyak ng mga babaeng binababoy ng mga Hapon. Ang sakit sakit makita at marinig. Sumasakit ang puso ko ngayon.

Isa nga ba ako sa mga babae na naroon? Isa rin ba ako sa nakaranas ng malagim na pangyayaring iyon?

One Shot StoriesMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon