KABANATA 6

725 38 2
                                    


Masayang naglalakad si aling Gina sa isang kahabaan ng kalsada habang tulak-tulak ang karitong may gulong kung saan nakasakay si Jessa patungo sa telahan. Hindi alintana ng mag-ina ang layo ng kanilang nilalakbay. Araw-araw namumulot at nanghihingi ng mga retasong tela si aling Gina. Ito'y kaniyang tinatahi upang gawing basahan para maibenta. Biglang nasira ang gulong ng kariton ni Jessa nang ito ay mapadaan sa mabatong gilid ng kalsada. Binuhat ni aling Gina si Jessa at ito'y pinaupo sa gilid ng kalsada upang ikabit ang natanggal na gulong ng kariton.

"Nay, sana po maibili na ako ni kuya Pancho ng wheelchair," nakangiting sabi ni Jessa.

"Oo anak, hayaan mong makapag-ipon muna ang kuya mo," sabi ni aling Gina habang patuloy na ikinakakabit ang gulong ng kariton.

"Oh ayan anak. Maayos na muli ang iyong kariton," masayang sabi ni aling Gina at agad na ibuhat si Jessa upang isakay muli sa kariton.

"Nay, puwede po bang magmerienda po muna tayo bago po tayo magpatuloy sa ating pupuntahan?" tanong ni Jessa habang hawak-hawak ang kamay niya sa kaniyang tiyan.

"Oo anak. Kaya pala naririnig kong kumakalam na ang sikmura mo," nangingiting biro ni aling Gina.

Agad na kinuha ni aling Gina ang buslo sa loob ng kariton. At nagmamadaling binuksan ang laman na nakabalot pa sa dahon ng saging.

"Wow! 'Nay! Mukhang masarap po 'yang dala niyong pagkain!" nakangiting sabi ni Jessa habang naglalaway nang makita ang ginataang talangka sa ibabaw ng kanin.

"Oo naman, anak. Siyempre basta't si inay mo ang nagluto. Ang simpleng pagkain ay nagiging espesyal," nangingiting sabi ni aling Gina habang inaamoy pa ang hawak niyang pagkain.

Masayang kumakain ang mag-ina sa gilid ng kalsada. Hanggang sa mapansin ng mag-ina ang matandang babae na namamalimos ng pagkain sa karinderya habang itinataboy ng mga parokyanong kumakain doon. Agad na nilapitan ni aling Gina ang matandang babae.

"Inang, mukhang nagugutom po kayo?" nag-alalang tanong ni aling Gina.

Napalingon ang matandang babae. "Ah eh....oo, kagabi pa ako hindi kumakain," mahinahong sagot ng matandang babae na mukhang nanghihina na dahil sa gutom.

"Ah, ganun po ba? Kawawa naman po pala kayo. Hali na po kayo inang. Doon po tayo sa kabilang kalsada," sabi ni aling Gina sabay turo kay Jessa na nakasakay sa kariton. Inalalayan ni aling Gina ang matandang babae patungo sa kabilang kalsada. Napansin ni aling Gina na may dalang bayong ang matandang babae.

"Inang, ako na po ang magdadala ng inyong bayong," sabi ni aling Gina.

Ngumiti lang ang matandang babae at saka inabot kay aling Gina ang hawak nitong bayong.

Nang makarating sa kabilang kalsada. Agad na inalok ni aling Gina ng pagkain ang matandang babae. Nag-uunahan pa ang mag-ina sa pag-alok ng pagkain sa kawawang matanda babae.

"Lola, tanggapin niyo po itong pagkain ko. Sa inyo na lang po," nakangiting alok ni Jessa.

"Anak! Itong sa akin na lang ang ibibigay ko," sabi ni aling Gina habang inaabot sa matandang babae ang pagkaing hawak niya.

Malugod na tinanggap ng matandang babae ang pagkaing binigay sa kaniya ni aling Gina at sabay ngumiti sa mag-ina.

"Maraming salamat mga anak. Napakabusilak ng inyong mga puso. Mayroon pa palang mga taong katulad ninyo na mapagmahal, may malasakit at matulungin sa kapwa. Hindi ko inaasahan na mayroong tutulong sa akin," nakangiting sabi ng matandang babae.

Nang makakain ang matandang babae, agad na niyang kinuha ang bayong at inilabas ang mga makukulay na retasong tela na animo'y nababalot ng makukulay na alikabok ng mga bituin dahil sa angking kinang nito. Inabot ng matandang babae kay aling Gina ang hawak nitong makukulay na retasong tela.

"Dahil nakabusilak ng iyong puso. Hayaan mong suklian kita nitong mahiwagang retasong tela," malumanay na sabi ng matandang babae.

Namangha si aling Gina nang makita at mahawakan ang mga retaso na tila nagniningning pa. Kakaiba ang kaniyang naramdaman.

"Ingatan mo itong mga makukulay na retasong tela. Ito'y nagtataglay ng kakaibang katangian. Ingatan at gamitin sa kabutihan," nakangiting sabi ng matandang babae.

Nagpasalamat si aling Gina sa natanggap na regalo. Nagpaalam na ang matandang babae sa mag-ina. Hahabulin sana ni aling Gina ang matandang babae para ibigay ang naiwang bayong ngunit biglang nawala ang matandang babae na parang bula.

End of Chapter 6

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay

All rights reserved 2017

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.    

Si Pancho at ang Mahiwagang  LampasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon