Kinaumagahan. Nagmamadaling bumangon si Pancho sa kaniyang higaan. Agad na pinuntahan ang kaniyang inay na abala sa pagluluto ng kanilang almusal.
"Nay, kamusta po 'yung tinatahi niyong kasuutan ni Claire?" nakangiting tanong ni Pancho habang naghihikab pa.
Biglang napalingon si aling Gina kay Pancho. "Wow! Gising na ang pogi kong anak!" nangingiting sabi ni aling Gina. "Ayun anak! Nakasabit sa may bintana!" sabi aling Gina.
Nagmamadaling pinuntahan ni Pancho ang kasuutan ni Claire na nakasabit sa may bintana. Bigla siyang nagtaka dahil naiba ang disenyo ng kasuutan ni Claire.
"Inay! Inay! Nako po! Ano po ang nangyari sa kasuutan ni Claire?" natutulirong sabi ni Pancho.
Nagmamadali namang pinuntahan ni aling Gina si Pancho. "Anak! Bakit anong nangyari? Ayan ka na naman! Kung makasigaw ka akala ko kung ano na!" nag-aalalang tanong ni aling Gina at sabay himas sa kaniyang dibdib na ninenerbiyos.
"Inay, bakit po naiba ang disenyo ng kasuutan ni Claire? Pinapaayos ko lang po sa inyo 'yung siper sa likuran. Bakit po pati 'yung disenyo ay iniba niyo na rin po? Nako po, baka po magalit sa akin si Claire niyan?" nag-aalalang sabi ni Pancho habang kinikilatis ang nasabing kasuutan.
"Ganito 'yan Pancho. Habang inaayos ko 'yung siper ng kasuutan. Unti-unting kumakalas ang mga batong nakakabit sa tela nito. Kaya naisipan kong ibahin na lang ang disenyo nito. Matibay na ngayon, eh! Mas maganda pa kaysa sa dati! O, 'di ba?" nagmamayabang na paliwanag ni aling Gina habang akmang isinasayaw-sayaw pa ang hawak na kasuutan.
* * * *
Sa Marikit Produksyon. Habang papasok na sina Pancho at Baste sa loob ng gusali.
"Nako po, sana hindi magalit sa akin sina Yda at Claire. Bakit pa kasi binago pa inay 'yung disenyo ng kasuutan?" nag-aalalang sabi ni Pancho sa kaniyang sarili.
Napansin ni Baste na parang balisa si Pancho simula pa kanina habang nakasakay sila sa dyip.
"Uy 'tol. Bakit wala kang imik diyan? Hindi ako sanay ng ganiyan ka, ha! Bakit? Anong problema mo?" nagtatakang tanong ni Baste.
"Tol kasi si inay. Iniba niya 'yung disenyo ng kasuutan ni Claire. Nag-aalala tuloy ako baka magalit sa akin si Claire!" natutulirong sagot ni Pancho.
"Nako 'tol! Bakit wala ka bang bilib sa inay mo?" nangingiting sabi ni Baste.
"Hindi naman sa ganun pero kasi--" nag-aalalang sabi ni Pancho.
"Hay! Nako 'tol! Kumalma ka lang! 'Di ba? Iyan parati ang sinasabi mo sa akin. Magtiwala ka lang, 'tol! Sigurado ako bibilib si Claire sa inay mo!" sabi ni Baste.
* * * *
Sa kuwartong bihisan ni Claire. Masayang nag-uusap sina Yda at Claire nang biglang kumatok si Pancho sa Pinto. Biglang napalingon si Claire sa pinto.
"Yda, may inaasahan ba tayong bisita ngayong umaga?" nagtatakang tanong ni Claire.
"Ah eh, Claire. Baka may mga dumating na sulat at bulaklak galing sa mga tagahanga mo?" natutuwang sabi ni Yda.
"Ah ganun ba? Dali! Buksan mo na ang pinto!" nagagalak sabi ni Claire.
Nagmamadaling binuksan ni Yda ang pinto at nagulat siya nang makita niya si Pancho sa kaniyang harapan.
"O, bakit para kang nakakita ng multo diyan?" nagtatakang tanong ni Pancho kay Yda.
"Ah eh, Pancho. Hindi pa kasi alam ni Claire na sa inay mo ako nagpaayos ng kasuutan niya? Sasabihin ko palang!" nag-aalalang sabi ni Yda sabay lunok ng laway sa kaniyang lalamunan.
"Ha?! Nako po! Akala ko pa naman alam niya! Lagot tayo niyan! Iniba pa naman ni inay 'yung disenyo ng kaniyang kasuutan. Mas lalo pang magagalit sigurado si Claire niyan!" nababalisang sabi ni Pancho.
"Ano Pancho? Iniba ng inay mo ang disenyo ng kaniyang kasuutan? Nako po, Pancho! Hala ka! lagot nga tayo niyan!" nag-aalalang sabi ni Yda at sabay niyang malakas na natapik ang braso ni Pancho. Biglang nahulog ang hawak na kahon ni Pancho at tumambad ang kasuutan ni Claire sa sahig. Napansin ni Claire ang kasuutan niyang nalaglag sa sahig. Agad siyang lumapit at nagulat.
"OMG! Yda, kasuutan ko ba iyan?" nagtatakang tanong ni Claire.
"Oo, Claire, I-iyan nga 'yung k-kasuutan mong i-ipinaayos ko! " nauutal na sabi ni Yda.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Claire. Agad niyang dinampot ang kaniyang kasuutan at napansin na may kakaiba sa disenyo nito.
"Ano ito?" gulat na gulat na tanong ni Claire.
Biglang napaluhod si Pancho sa sahig. "Nako po, Claire! Huwag kang magalit kay Yda. Ako ang may kasalanan kaya nabago ang disenyo ng kasuutan mo. Pinaayos ni Yda sa inay ko iyang kasuutan mo. Patawad Claire!" nagmamakaawang sabi ni Pancho.
Nagulat si Claire kay Pancho. "Ano? Ang inay mo nag-ayos nito? Kamangha-mangha! Gusto ko ang ginawang disenyo ng inay mo sa aking kasuutan!" natutuwang sabi ni Claire habang niyayakap niya ang kaniyang kasuutan.
Biglang nagtaka si Pancho sa naging reaksyon ni Claire. "T-tama ba ang aking narinig? Nagustuhan mo ang bagong disenyo ng iyong kasuutan?" nagtatakang tanong ni Pancho.
"Oo, Pancho! Nagustuhan ko! Ang galing pala ng inay mo! Dapat na makilala ko siya!" natutuwang sabi ni Claire habang patuloy na isinasayaw ang kaniyang kasuutan.
"Claire! patawad, ha? At sinikreto ko ang pagpapaayos ng kasuutan mo sa inay ni Pancho. Pasenya na talaga!" napapahiyang sabi ni Yda.
"Yda, hindi mo kailangang humingi na tawad sa akin. Natuwa nga ako sa iyong ginawa. Buti na lang at nilapitan mo si Pancho. Hindi ko alam na mananahi pala ang inay niya," nangingiting sabi ni Claire.
"Yda, pakikuha naman yung bag ko sa ibabaw ng lamesa. Kailangan kong bayaran ang inay ni Pancho, dali!" nagagalak na sabi ni Claire.
Agad namang kinuha ni Yda ang bag. Binuklat ni Claire ang loob ng kaniyang bag at may kinuhang sobre. "Pancho, pakibigay sa inay mo itong apat na libong piso. Pakisabi na nagustuhan ko 'yung disenyo ng kasuutan ko," nagagalak na sabi ni Claire habang inaabot ang kaniyang hawak na sobreng may lamang pera.
Gulat na gulat si Pancho. "Nako po, Claire. Huwag na. Hindi naman kita sinisingil. Makita ko lang na natuwa ka sapat na iyon sa akin," napapahiyang sabi ni Pancho habang napapakamot pa ng ulo.
"Huwag ka ng mahiya Pancho. Sa galing at husay ng inay mo sa pananahi, eh! Dapat lang na bayaran ko ito ng tamang halaga," nakangiting sabi Claire at pilit niyang inaabot ang hawak na sobreng may lamang pera kay Pancho.
Hiyang-hiya naman si Pancho kay Claire. "Nako, Claire! Hindi ko matatanggap iyan. Masyadong malaki iyan!" napapahiyang sabi ni Pancho.
Biglang siyang tinapik ni Yda. "Uy, Pancho! Tanggapin mo na iyang pera. Sige ka! Baka magbago pa isip ni Claire, hala ka! At saka makakatulong iyan sa iyong pamilya! Ayaw mo ba 'nun?!" pamimilit ni Yda. Bigla tuloy naalala ni Pancho ang pangako niya sa kaniyang bunsong kapatid na si Jessa.
"Jessa, promise next time pagnakaipon na ako ng pera. Bibilhan kita ng wheel chair---"
Biglang tinapik ni Yda si Pancho. "Hoy Pancho! Natulala ka na diyan!" sabi ni Yda.
"Ah eh, paseniya ka na. Bigla lang akong may naalala," nangingiting sabi ni Pancho. Kinuha na rin ni Pancho ang ibinibigay ni Claire na sobre para sa kaniyang inay. Masayang-masaya si Pancho na umalis ng kuwarto ni Claire.
End of Chapter 28
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...