Sa opisina ng Marikit Produksyon. Ipinatawag ni Mam Olivia sina Robert, Rene, Baste at Pancho. Habang inaayos ni Mam Olivia ang kanilang kredensyal sa ibabaw ng lamesa. Nangingiti si Mam Olivia habang binabasa ang isang polder at saka napatingin kay Pancho. Biglang kumindat si Robert kay Mam Olivia sa akalang siya ang nginingitian nito.
"Ehem! Magandang umaga sa inyo. Kaya ko kayo ipinatawag dito sa aking opisina ngayon dahil mayroon lang akong magandang ibabalita sa inyo!" nakangiting bati ni Mam Olivia.
"Magandang umaga rin po, Mam Olivia," bati ng apat na tagalinis.
"Ngayong darating na Linggo ng gabi ay gaganapin ang taunang gabi ng parangal ng Marikit Produksyon. At ikinagagalak kong sabihin sa inyo na kayong apat ay nominado para sa kategoryang, Ang Pinakamasipag na Tagalinis ng Marikit Produksyon. Lahat kayo ay karapat-dapat sa kategoryang ito, pagkatapos ninyong sumailalaim sa aming matinding deliberasyon. Kaya ngayon pa lang ay binabati ko na kayong apat!" nakangiting sabi ni Mam Olivia habang ipinapakita ang listahan ng mga nominado.
"Wow! Talaga po? Maraming salamat po!" nagagalak na sabi ni Pancho. "Mam, salamat po at napasama po ako sa nominado," natutuwang sabi ni Baste habang pumapalakpak pa.
"Ehem! Mam Olivia, hindi na po kailangang ipatawag sina Pancho at Baste. Alam niyo naman na walang makakatalo sa akin. Ako lang naman ang hindi mapag-aalinglangan na pinakamasipag na tagalinis ng Marikit Produksyon! Kaya kung ako po sa inyo Mam Olivia, tatangalin ko na po sila sa listahan ng mga nominado," pagmamayabang na sabi ni Robert habang nangingising nakatingin kina Pancho at Baste.
"Opo, Mam Olivia. Tiyak si bossing 'Bert po ang mananalo na naman!" nagagalak na pahayag ng sipsip na alalay na si Rene habang minamasahe ang likod ni Robert.
Biglang sumimangot si Mam Olivia. "Hmmm...Robert! Puwede ba, walang forever! Tse!" naiinis na sabi ni Mam Olivia habang nakataas pa ang kaniyang kaliwang kilay. "Salamat sa inyong apat at makakaalis na kayo. Puwede na kayong bumalik sa inyong mga trabaho!" dagdag pa ni Mam Olivia.
"Sige po, mam Olivia! Aalis na po kami," sabi nina Pancho at Baste habang si Robert naman ay panay ang pagpapapansin kay Mam Olivia.
"Mam Olivia, heto po pala ang isang kahon ng tsokolate. Panghimagas niyo po mamayang tanghalian," nakangiting inabot ni Robert ang nasabing tsokolate kay Mam Olivia.
"Ano 'to suhol? Hoy Robert! Nililigawan mo ba ako? Dati! Isang palumpon ng mga rosas ang ibinigay mo sa akin tapos ngayon naman, tsokolate? Aba! Robert hindi na ako natutuwa sa iyo, ha?" pasigaw na tanong ni Mam Olivia kay Robert habang nandudulak pa ang kaniyang mga mata.
"Ah eh, hindi po. Regalo ko lang po sa inyo iyan!" nangingising sabi ni Robert at sabay na kinindatan si Mam Olivia.
"Hoy Robert! Hindi mo ako makukuha sa suhol! Puwede ba! Bumalik ka na sa iyong trabaho! Tse!" galit na sabi ni Mam Olivia kay Robert.
Nang makalabas na ang apat sa opisina ng Marikit Produksyon.
Masayang nag-uusap sina Pancho at Baste habang naglalakad sa pasilyo. "'Tol, good luck sa ating dalawa. Okay lang sa akin kung ikaw ang manalong pinakamasipag na tagaliis, huwag lang si Robert!" nakangiting sabi ni Baste.
"Salamat 'tol, pero matuwa na lang tayo sa magiging desisyon ng mga hurado. Kung si Robert pa rin talaga ang tatanghaling pinakamasipag na tagalinis ngayong taon, galangin natin ang naging resulta at maging masaya tayo sa kaniyang tagumpay," mahinahon na pahayag ni Pancho kay Baste. "At saka ang bilin ni inay sa akin ay huwag daw akong maiinggit sa aking kapwa," dagdag pa ni Pancho.
"Uy 'tol! Naks na naman. Napakamapagpakumbaba mo naman. Iyan ang gusto ko sa iyo, eh! Napakabait mong kaibigan," nakangiting sabi ni Baste kay Pancho at saka niya ito inakbayan.
Patuloy sa paglalakad sina Pancho at Baste nang bigla silang walang pasingtabing sagiin ni Rene. "Tabi kayo diyan! Dadaan ang hari ng tagalinis!" nakatutuyang sigaw ni Rene. Biglang napatabi sa gilid ng pasilyo sina Pancho at Baste. Akmang sasapakin na sana ni Baste si Rene nang bigla siyang inawat ni Pancho.
"'Tol! Kalma lang! Hayaan mo na sila!" sabi ni Pacho kay Baste.
"Nakakapikon na kasi 'yang dalawang kolokoy na iyan!" naiinis na sabi ni Baste habang gigil na gigil na pagsapak kina Robert at Rene.
Nang makadaan si Robert sa harapan nina Pancho at Baste.
"Bakit hindi kayo nagsisiyuko diyan! Dumadaan na ang inyong hari. Magbigay ga lang kayo sa akin! Hmmm...hindi ninyo ba ako agad babatiin ng congratulations?" pang-iinis na pahayag ni Robert at saka nginisian sina Pancho at Baste habang naglalakad papalayo sa kanila.
"'Tol! Bitiwan mo ako! Sasapakin ko na talaga iyan!" gigil na gigil na sabi ni Baste kay Pancho.
"Huwag na 'tol! Gusto mo ba madisqualify tayong dalawa? At saka kahit ganun si bossing Robert, siya pa rin ang pinuno nating mga tagalinis! Kaya galangin pa rin natin siya," mahinahong sabi ni Pancho kay Baste.
"Ah eh, sige na nga! Hayaan na lang natin sila!" biglang sagot ni Baste.
"Ayun naman pala, eh! Kaya nga kalma lang tayong dalawa. Kapag kasi pinatulan natin si bossing Robert, hindi lang tayo madi-disqualified! Matatatanggal pa tayo sa ating trabaho! Gusto mo ba iyon? Kung ganun ang mangyayari, eh! 'Di mas lalo pa tayong pinagtawanan ng mga iyon!" paliwanag ni Pancho habang hinahagod niya ang likod ni Baste upang kumalma.
* * * *
Sa kuwartong bihisan ni Claire.
Masayang-masaya na naman si Claire sapagkat nalalapit na ang taunang gabi ng parangal ng Marikit Produksyon. Isang gabi ng parangal na ibinabahagi para sa mga artista at pati na rin sa mga empleyadong nagkamit ng kapansin-pansin at kamanghang-manghang pagganap sa kanilang kaukulang trabaho.
"Yda, nasasabik na ako sa gabi ng parangal! Ikaw, Yda nasasabik ka rin ba? Pangtatlong taon mo nang nominado bilang pinakamagling na alalay 'di ba?" nagagalak na tanong ni Claire kay Yda.
"Siyempre naman! Nasasabik rin ako, lalo na't kukunin kong konsorte si Baste sa gabi ng parangal!" nangingiting sagot ni Yda.
"Oo! Ako rin Yda! Balak ko ring sabihan si Pancho para maging konsorte ko para sa ating gabi ng parangal!" natutuwang sabi ni Claire.
"Yda, bakit kaya hindi natin sabay tawagan sina Pancho at Baste. Ano? Payag ka?" Biglang napatayo si Claire sa kaniyang pagkakaupo dahil na rin sa sobrang kasabikan niya.
"Tara! Sabay nating tawagan sila!" nagagalak na sabi ni Yda at saka nagmamadaling pumunta sa lamesa at agad niyang kinuha ang cellphone niya. "Claire, sa bilang ko ng tatlo, sabay nating tatawagan sina Pancho at Baste!" nagagalak na sabi ni Yda habang kinikilig pa.
"Yda, bakit sa bilang ng tatlo?" nagtatakang sabi ni Claire.
Biglang kumurap-kurap ang mapupungay na mga mata ni Yda. "Claire, sa bilang ng tatlo, kasi nga I-- Love --You! natin sa kanila!" kinikilig na pahayag ni Yda.
"Oo! Sige! Gusto ko iyan! Hihihi!" kinikilig na sabi ni Claire.
Sabay na binigkas ng dalawa ang, "isa...dalawa...tatlo!" At saka kinikilig na sabay nilang tinawagan sina Pancho at Baste. Agad na tumunog ang kanilang mga cellphone at sa hindi inaasahang pagkakataon sabay na sinagot nina Pancho at Baste ang tawag nina Claire at Yda sa ikatlong tunog ng cellphone.
End of Chapter 36
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...