Sa kuwarto ng mga tagalinis nagpapahinga sina Pancho at Baste.
"'Tol! Hindi pa rin ako makapaniwala kung paano mo nilinis yung bulwagan ng isang saglit lang?" nagtatakang tanong pa rin ni Baste.
"Ay naku 'tol! Pasensya na pero sa ngayon hindi ko muna sasabihin sa iyo kung paano ko ginawa 'yun! Basta! Magpahinga na lang muna tayo!" nakangiting sabi ni Pancho.
"Sige na nga! Hay! Hayahay ang buhay!" sabi ni Baste sabay higa sa lamesa upang umidlip.
Nang makahiga si Baste sa lamesa agad siyang nakaramdam ng antok. Samantalang hindi naman mapakali si Pancho dahil siya ay naiinitan sa loob ng kuwarto ng mga tagalinis. Bigla siyang may naisip at agad niyang kinuha ang mahiwagang lampaso na nakasabit sa banyo.
Pumunta si Pancho dala ang mahiwagang lampaso sa tuktok ng gusali na hindi namamalayan ni Baste na sarap na sarap pa rin sa pagkaka-idlip. Sa tuktok ng gusali ay malamig, mahangin at matatanaw mo ang buong paligid ng siyudad. Nakita ni Pancho ang isang mataas na antena na nakapatong sa ibabaw ng gusali. Namangha si Pancho sa kaniyang nakita at agad na inakyat ang kalahating bahagi ng antena. Dito niya piniling magpahinga kasama ang kaniyang mahiwagang lampaso.
"Ano ba ang puwede kong itawag sa iyo?" nakangiting tanong ni Pancho habang yakap ang mahiwagang lampaso. "Puwede ba kitang tawaging Tsong?" Bigla itong pumiglas sa pagkakayakap ni Pancho at agad na lumipad sa hangin.
"Naku! Huwag kang pumiglas at baka mahulog ka!" sigaw ni Pancho sa mahiwagang lampaso. Ngunit bigla niyang binawi ang kaniyang sinabi. "Ay, ano ba 'yan? Oo nga pala, nakakalipad ka pala!" nangingiting sabi ni Pancho habang nakaupo sa bakal ng antena.
Wumagayway ang mahiwagang lampaso na ibig sabihin ay pumapayag ito na tawagin siyang Tsong. Nagpaikot-ikot sa hangin ang mahiwagang lampaso na tila ba nagpapakitang gilas kay Pancho.
"Magaling kung gayun!" nangingiting sabi ni Pancho, "Simula ngayon, Tsong na ang itatawag ko sa iyo at simula rin ngayong araw na ito ay magkaibigan na tayong dalawa!" Patuloy pa rin wumagayway ang mahiwagang lampaso na animoy naiitindihan ang bawat na sinasabi ni Pancho.
"Tsong! Ano pa ba ang puwede mong gawin?" nangingiting tanong ni Pancho ngunit biglang may isang ibong pipit na dumapo sa kaniyang ulo at paulit-ulit siyang tinutuka nito. Napansin ni Pancho sa bandang dulo ng kaniyang inuupuang bakal ay may isang pugad ng ibon na mayroong mga inakay.
"Ay! Nako po! Ibong pipit! Hindi ko naman kukunin ang mga inakay mo, eh! Aray ko po! Tsupi!" panay ang pagtaboy ni Pancho sa ibong pipit na galit na galit hanggang sa makabitaw siya sa hinahawakang bakal at tuluyang nahulog sa kaniyang pagkakaupo sa mataas na antena.
"Ay! Inay ko po! Saklolo!" takot na takot na napasigaw si Pancho habang nahuhulog. Bigla siyang sinalo sa ere ng mahiwagang lampaso at napaupo si Pancho sa tangkay nito.
"Wow! Tsong! Iniligtas mo ako! Salamat kaibigan!" laking gulat ni Pancho nang saluhin siya ng mahiwagang lampaso.
Tuwang-tuwa si Pancho. "Woohoo! Yes! Nakakalipad na ako!" nanlalaki ang mga mata ni Pancho at hindi maipaliwanag ang kaniyang sobrang tuwang nararamdaman. "Woohoo! Ang sarap palang lumipad! Ang sarap ng nasa itaas! Woohoo!" tuwang-tuwa na sabi ni Pancho.
Samantala, nagising na si Baste sa kaniyang pagkakaidlip sa ibabaw ng lamesa. Bigla niyang nilingon ang paligid at laking gulat niya na wala si Pancho.
"Pancho! Nasaan ka?!" napapakamot ng ulo si Baste. "Saan kaya nagpunta 'yun?" tanong niya sa kaniyang sarili. Tiningnan ni Baste ang loob ng banyo ngunit wala rin ang makukulay na lampaso ni Pancho.
"Hindi kaya bumalik na siya sa paglilinis?" nagtatakang tanong ni Baste sa kaniyang sarili.
Lumabas ng kuwarto si Baste at patuloy na hinahanap si Pancho. Nang mapaadaan si Baste sa hagdanan patungo sa tuktok ng gusali parang mayroon siyang naririnig na nagsasalita. Agad siyang umakyat sa hagdanan upang tingnan kung sino ang taong nagsasalita. Nang makarating siya sa tuktok ng gusali, muli niyang hinanap si Pancho.
"Pancho! Ikaw ba 'yan?! Nasaan ka?" panay ang lingon ni Baste sa paligid ngunit wala siyang nakikitang tao.
Habang masayang inililipad sa ere si Pancho ng mahiwagang lampaso bigla itong napatingin sa kaniyang ibaba. Nakita niya si Baste na tila mayroong hinahanap.
"Nako po! Tsong! Nandiyan na ang kaibigan kong si Baste, dali! Pakilapag na lang ako sa bakal ng antena!" nagmamadaling pakiusap ni Pancho sabay tapik sa tangkay ng mahiwagang lampaso.
Nang makatuntong muli sa bakal ng antena si Pancho, nagmamadali niyang hinawakan ang mahiwagang lampaso at agad niyang nilinis ang mga bakal ng antena. Tumingin sa ibaba si Pancho at agad na binati si Baste.
"Hoy Baste! Sinong hinahanap mo diyan?!" sigaw ni Pancho.
Biglang nagulat si Baste at napatingala sa itaas ng antena. "Ay nako po, Pancho! Nandiyan ka lang pala, eh! Sino ang hinahanap ko? Eh! 'Di ikaw!" sabi ni Baste habang napapakamot ng ulo at napapailingiling pa.
Muling sumigaw si Pancho kay Baste. "Anong ginagawa mo diyan?!" sigaw pa ni Pancho.
Biglang natawa si Baste kay Pancho. "Ayos ka lang? Ako nga dapat ang magtanong niyan, eh! Anong ginagawa mo diyan sa itaas ng antena?" nagtatakang tanong ni Baste.
"Halata ba? Eh, 'di naglilinis dito!" pagmamayabang na sagot ni Pancho.
"'Tol, patawa ka talaga kahit kailan! Halika na! Bumaba ka na at baka mahulog ka pa diyan!" natatawang sabi ni Baste.
Nang makababa na si Pancho agad na kinantiyawan siya ni Baste. "Wow! Tol! Bigatin ka na! Hindi na kita maabot, ha?!" pabirong sabi ni Baste habang tinatapik ang balikat ni Pancho.
"Balak mo pa yatang talunin si bossing Robert bilang pinakamasipag na tagalinis ng buong gusaling ito?" sambit pa ni Baste.
"'Tol, hindi naman. Medyo naiinitan lang ako sa kuwarto ng mga tagalinis kanina kaya naisipan kong magpahangin dito sa itaas!" nakangiting paliwanag ni Pancho. "At saka nang makaakyat ako sa itaas ng antena, napansin ko na madumi pala ang mga bakal doon kaya nilinis ko na rin!" dagdag pa ni Pancho.
"Ah, ganun ba?" nagtatakang sabi ni Baste. "'Tol, baka sa sobrang sipag mo, eh! Baka ikaw na ang tanghaling pinakamasipag na tagalinis ngayong taon na 'to, ha?" nangingiting biro ni Baste.
Biglang kiniliti ni Pancho si Baste sa kilikili. "'Tol! Pwera biro, pwede!" natatawang sabi ni Pancho.
End of Chapter 21
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...