Sa pasilyo ng Marikit Produksyon. Masayang naglilinis sina Pancho at Baste habang sila ay binabantayan ni Robert. "Mga bro! Maayos naman pala ang inyong paglilinis at mukhang batak na batak ang inyong mga katawan sa trabaho, ha?" nakangiting sabi ni Robert sa magkaibigan. "Maaring bukas ay puwede na kayong magtrabaho ng walang bantay," dagdag pa ni Robert.
"Salamat po! Bossing Robert," sabay na nagpasalamat ang magkaibigan.
Dumating ang alas-dose ng tanghali. Inalok ni Robert ang dalawa na tigilan muna ang paglilinis at magtanghalian na muna.
"Uy, mga bro! Itigil ninyo munang dalawa ang paglilinis. Halika na kayo at sabayan ninyo akong kumain," masayang alok ni Robert.
"Sige lang po. Busog pa naman po kami ni Baste," nakangiting sagot ni Pancho.
"Sige na, huwag na kayong mahiya, para naman kayong others niyan, eh. Sumabay na kayo sa akin," pamimilit na sabi ni Robert.
"Ayos lang po, susunod na lang po kami. Tatapusin lang po namin itong paglilinis" nakangiting sagot ni Pancho.
Pagkalipas ng ilang saglit, tumungo na rin ang magkaibigan sa kuwarto ng mga tagalinis upang doon kumain ng tanghalian. Nadatnan nina Pancho at Baste na kumakain na si Robert at ang iba pang tagalinis. Kinuha ng dalawa ang kanilang baong pagkain sa kanilang bag pack at sila'y umupo. Ipinatong sa lamesa ni Pancho ang dala niyang pagkain pati na rin ang botelya ng sukang puti at sabay na binuklat ang kaniyang pagkain. Ito ay nakabalot pa sa dahon ng saging. Biglang napalingon si Robert kay Pancho.
"Pancho, mukhang masarap 'yang baon mong pagkain, ah? Ano ba 'yan?" nakangiting tanong ni Robert at natatakam pa sa nakitang pagkain.
"Ah eh, ginataang talangka po ito na binudburan ng maraming siling labuyo. Si inay ko po kasi gigil na gigil sa mga sili tuwing magluluto ng ginataang talangka," sagot ni Pancho kay Robert.
"Pahingi naman. Mukhang masarap magluto ang inay mo, ha?!" nakangiting sabi ni Robert habang naglalaway sa ginataang talangka.
Inabot ni Pancho ang ulam kay Robert. "Heto po, tikman niyo po," pagmamalaking sabi ni Pancho. Nagmamadaling kinuha ni Robert ang pagkain at kaniyang hinimay ang taba ng talangka. Inabot din ni Pancho ang botelya ng sukang puti.
"Heto po, bossing Robert! Subukan niyo pong lagyan ng sukang puti iyang ginataang talangka, siguradong mapapapikit po kayo sa sobrang sarap," pagmamalaking sabi ni Pancho habang ngumunguya pa.
"Sige nga, akin na 'yang sukang puti. Masubukan nga kung tutoo 'yang sinasabi mo," nakangiting sabi ni Robert. At pagkatapos lagyan ni Robert ng sukang puti ang ginataang talangka agad nitong palihim na inilagay ang nasabing botelya sa kaniyang bulsa na hindi man lang napansin ni Pancho. "Wow! Pancho mas lalo ngang sumarap ang ginatang talangka nang malagyan ng sukang puti, panalo!" nakangiting sabi ni Robert na napapapikit pa ang mga mata nito sa sarap.
Habang kumakain ang lahat biglang may kumakatok sa pinto. Napalingon si Robert sa pinto at agad niyang inutusan ang kaniyang alalay na si Rene upang buksan ang pinto.
"Rene may kumakatok!" akmang tatayo na sana si Rene sa kaniyang pagkakaupo nang biglang nagsalita si Pancho.
"Rene, ituloy mo na lang 'yang pagkain mo. Ako na ang magbubukas ng pinto," sabi ni Pancho.
"Sige ba, sabi mo, eh!" sagot ni Rene habang kinakain niya ang tinapang bangus na isinasawsaw pa sa nilamutak na kamatis.
Tumayo si Pancho sa pagkaka-upo at naglakad patungo sa pinto habang dumidighay-dighay pa.
"Yda, ikaw pala. Bakit bigla ka yatang napapunta dito?" nagtatakang tanong ni Pancho.
"Pancho, pasensya na kung naistorbo kita. Puwede mo bang ilampaso yung kuwartong bihisan ni Claire?" nag-aalalang tanong ni Yda.
"Oo ba, sige! Basta ikaw! Teka, ano pala ang nangyari sa kuwarto niya?" nagtatakang tanong ni Pancho.
"Kasi 'yung pasaway na taga-ayos ng buhok ni Claire na si Cherry, eh! Nasagi yung bote ng langis sa lamesa. Ayun nahulog at nabasag yung bote. Nagkalat tuloy ang langis sa sahig," paliwanag ni Yda.
"Ah, ganun ba?! Buti na lang!" pabirong sabi ni Pancho.
Biglang nanlaki ang mapupungay na mga mata ni Yda nang marinig ang biro ni Pancho. "Anong sabi mo?" nagtatakang tanong ni Yda habang nakapamewang pa.
"Ah eh! Este, buti na lang nagpunta ka agad dito, Yda." biglang binawi ni Pancho ang birong sinabi niya.
Sa sobrang saya na nararamdaman ni Pancho hindi niya napigilang bumulong sa sarili. "Hay, sa wakas makikita kong muli si Claire," kinikilig na bulong ni Pancho sa sarili na para bang kinikiliti sa kilikili.
"Teka, kamusta na pala kayo ni Baste? Nakabawi na ba kayo sa nangyari sa inyo noong nakaraang araw?" natatawang tanong ni Yda.
"Wala iyon. Ganun talaga ang buhay minsan mapagbiro dapat na lang na sakyan at huwag nang damdamin pa. Dapat mag-move on din pag may time. Pero pwera biro, ang galing talagang umarte ni Claire 'no? Biruin mo? Napaniwala niya ako. Akala ko talaga, tutoong-tutoo 'yung eksenang iyon, eh!" nangigiting sagot ni Pancho.
"Oo naman! Magaling talagang umarte si Claire, mananalo ba naman siyang pinakamagaling na aktres nung isang taon kung 'di siya magaling umarte? Pero nakakatawa talaga ang hitsura mo nang sigawan ka ni direk 'no? Bigla kang namutla na parang ibinabad sa sukang puti sa kahihiyan!" sabi ni Yda na biglang napatawa ng malakas.
Napakamot naman ng ulo si Pancho na tila napapahiya. "Yda, ikaw talaga! Sige na. Pupuntahan ko na si Claire. Kukunin ko lang yung mga gamit panglinis," napapahiyang sabi ni Pancho.
"Sige Pancho! Sumunod ka na lang doon sa kuwarto, ha? Paalam na!" sabi pa ni Yda. Naglakad na si Yda papalayo ngunit hindi pa rin mapigilan ang kaniyang sarili sa kakatawa.
End of Chapter 9
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...