Dumating na si Pancho sa harapan ng kuwarto ni Claire at agad na kumatok sa pinto.
Binuksan ito ni Yda. "Pancho, nandito ka na pala. Pasok ka," sabi ni Yda.
Nakita ni Pancho si Claire na inaayusan ng buhok ng taga-ayos ng buhok na si Cherry at masayang silang nag-uusap kaya hindi napansin ni Claire na dumating na siya. Hindi maipaliwanag ni Pancho ang labis na tuwa na kaniyang nararamdaman. Nabighani siya sa angking ganda ni Claire. Halos hindi siya makakilos at makapagsalita. Nakatulala na lang siya sa harap ni Claire nang biglang tapikin siya ni Yda.
"Hoy! Pancho. Natulala ka na diyan!" nagtatakang sabi ni Yda habang nangingiti.
"Ah eh, whew! Nako Yda! Pasensya na para kasing bigla akong natulala sa mala-diyosang kagandahan ni Claire, eh!" sabi ni Pancho na animoy nakakakita ng mga bituin sa kaniyang harapan.
"Ayos lang 'yan, Pancho. Masasanay ka rin. Marami ka pang magagandang artistang makikita dito sa Marikit Produksyon," natatawang sabi ni Yda sabay hampas sa matitipunong balikat ni Pancho.
"Ay! Oo nga pala, Yda. Nasaan 'yung ilalampaso ko?" nakangiting tanong ni Pancho.
"Ayun! Doon sa ilalim ng lamesa!" sabi ni Yda habang itinuturo kay Pancho ang lugar na kaniyang lalampasuhin.
Nagsimula nang maglampaso si Pancho ng sahig. Abala pa rin si Claire na nakikipag usap sa taga-ayos ng kaniyang buhok na si Cherry nang biglang may napansin kakaibang amoy si Claire. Nagmamadali namang lumabas ng kuwarto si Cherry at hindi natiis ang mabantot na amoy. At agad na nagpaalam si Cherry kay Claire at saka nagmamadaling umalis ng kuwarto.
"Ay! Anong amoy iyon? Ew! Ang bantot!" pasigaw na sabi ni Claire kay Yda habang tinatakpan ng kamay niya ang kaniyang ilong.
"Claire! Oo nga, anong amoy 'yun? Mabantot nga!" sabi ni Yda habang lumilingon sa paligid at hinahanap kung saan nanggagaling 'yung mabantot na amoy.
Samantala nagkatinginan naman sina Claire at Yda. Sabay na napatinging kay Pancho na nakatalikod sa kanila at abala sa paglalampaso habang pasipol-sipol pa.
Kinalabit ni Claire si Yda. "Yda, alam ko na kung saan nanggagaling 'yung mabantot na amoy," sabi ni Claire habang patuloy na tinatakpan niya ang kaniyang ang ilong.
"Oo, Claire alam ko na rin," sabi ni Yda na para bang nakakain ng hilaw na mangga sa sobrang pangangasim ng kaniyang mukha. Sabay silang na pasigaw ng, "Sa kaniya!"
Nagulat si Pancho. Nabitawan niya ang hawak niyang lampaso at biglang napalingon kina Claire at Yda.
Habang nakapamewang pa, inutusan ni Claire si Yda na palabasin agad si Pancho. "Yda, pakisabi sa tagalinis na umalis na siya dito sa kuwarto ko! Bilis!" biglang tumaas ang boses ni Claire, "At Yda! Sino siya?" tanong pa ni Claire habang nakataas ang kanang kilay nito.
"Ah eh, Claire. Siya pala si Pancho. Ang bagong tagalinis na umeksena sa shooting mo noong isang araw! Naaalala mo na?" natatarantang sagot ni Yda.
Biglang tumayo si Claire sa pagkakaupo at agad na may tinawagan sa telepono. Sinigawan ni Claire si Pancho. "Puwede ba? Nakikiusap ako! Umalis ka na!"
Natuliro si Pancho sa biglang pagtataray ni Claire. "Opo, mam!" sabi ni Pancho. Nang dadamputin na sana ni Pancho ang lampaso ay bigla namang nasagi ng kaniyang paa ang timba dahil sa sobrang pagkataranta. Tuluyang naglusak sa sahig nang matapon ang laman ng timba dahilan upang lalong umalingasaw ang mabantot at maasim na amoy ng sukang puti sa buong kuwarto.
Tinutulak ni Yda si Pancho papalabas ng pinto. "Ay! Nako, Yda. Pasensya na!" napapahiyang sabi ni Pancho kay Yda.
"Pancho, wala ka bang naaamoy na mabantot?" masungit na tanong ni Yda kay Pancho.
"Ah eh, w-wala...eh! Hatsing! Hatsing! Hatsing!" nagtatakang sagot ni Pancho sabay punas ng kaniyang panyo sa kaniyang ilong na sisinghot-singhot pa.
Napapailing si Yda nang marining niyang bumahing si Pancho at sabay na sinabi na, "Kaya naman pala wala kang maamoy na mabantot, eh!" aniya. Habang tinutulak ni Yda si Pancho papalabas ng pinto bigla naman itong bumukas. Nagulat si Pancho nang makasalubong niya si Robert na may dalang lampaso at timba. Nakangisi na parang aso si Robert habang tinitingnan niya si Pancho na balisa pa rin sa mga pangyayari.
End of Chapter 11
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...