Sa pasilyo. Masayang kinakausap ni Robert si Rene habang naglilinis.
"Ah eh, bossing! Ano na? Kailan ang celebration natin? Sigurado ako hindi nila nagawa ang kondisyon ni Mam Olivia!" nakangising sabi ni Rene na pasayaw-sayaw pa habang nagwawalis ng sahig.
"Rene, huwag kang masyadong atat diyan! Hayaan mo muna na lumapit sa atin si Mam Olivia upang ihatid ang magandang balita. At 'yan ang pagkabigo ng dalawang kolokoy sa kondisyon ni Mam Olivia!" nangingiting sabi ni Robert habang ngumungungaya pa ng babol gam.
Mga ilang sandali pa. Napansin nina Robert at Rene na papalapit sa kanila si Mam Olivia at kasama niya sina Pancho at Baste. Biglang napahinto ang masarap na pag-uusap ng mag-amo.
"Magandang hapon po, Mam Olivia! Ah eh, sasamahan ko na po ba silang dalawa papalabas ng gusali ng Marikit Produksyon?" nangingising sabi ni Robert kay Mam Olivia habang hinihimas ang kaniyang balbas.
Biglang nagtaka si Mam Olivia sa sinabi ni Robert. "Ehem! Robert, ano ba 'yang pinagsasabi mo?" nakangiting sabi ni Mam Olivia. "Kaya ko sila dinala sa iyo, eh. Bilang ikaw ang pinuno ng lahat ng tagalinis dito sa kumpanyang ito. Dapat mo silang i-congratulate. Nagawa nila ang kondisyon na ipinagagawa ko sa kanila! Magaling! Magaling! Magaling! Natutuwa ako!" dagdag pa ni Mam Olivia habang pinapalakpakan sina Pancho at Baste.
Tila naman parang naiilang ang magkaibigan sa papuri na ibinibigay ni Mam Olivia sa kanila. Marahil nasanay na ang dalawa na palaging sinesermonan ni Mam Olivia.
"Ah, ganun po ba? Paano po nila nagawa 'yun?" nagtatakang tanong ni Robert. Nanlaki ang mga mata niya at biglang nalunok ang babol gam na nginunguya sa sobrang pagkabigla.
"Hindi na mahalaga iyan sa akin! Nagawa nila 'yung kondisyon ko! Pwes! Hindi ko na sila patatalsikin pa sa kanilang trabaho!" nakangiting sabi ni Mam Olivia. "Robert at Rene. Hindi ninyo ba sila kakamayan? Hmmm!" sabi pa ni Mam Olivia.
"Congrats sa inyong dalawa! Mga bro!" sabi ni Robert habang kinakamayan sina Pancho at Baste.
"Salamat po, bossing Robert!" nakangiting sabi nina Pancho at Baste.
"Ay! Oo nga. Congrats! Mga kolokoy este mga parekoy!" nangingising sabi naman ni Rene.
Biglang sumingit si Mam Olivia sa kanilang usapan. "Sige, aalis na ako. Pancho at Baste. Puwede na muna kayong magpahinga kahit mga labinglimang minuto. Sigurado ako na napagod kayo sa pinagawa ko sa inyo!" nakaismid na sabi ni Mam Olivia.
"Mam Olivia, maraming salamat po ulit!" sabi naman ni Baste habang nangingiti. "Sige na! Magpahinga muna kayo!" sabi ni Mam Olivia at nagmamadaling umalis pabalik sa kaniyang opisina.
"Ah eh, bossing Robert. Tuloy na rin po kami," masayang sabi nina Pancho at Baste.
"Oo ba?! Eh, sino ba naman ako para tumutol sa utos ni Mam Olivia. Sige lang. Magpahinga muna kayong dalawa!" nakangising sabi Robert habang nagpipigil ng inis sa dalawang magkaibigan.
Tuluyan na ngang umalis sina Pancho at Baste upang magpahinga sa utos na rin ni Mam Olivia, bilang gantimpala sa kanila.
"Pwe!" naiinis na sabi ni Robert sabay dura sa kaniyang laway.
"Bossing, akala ko ba tuwang-tuwa kayo sa dalawang kolokoy na 'yun? Kung maka-congrats pa naman kayo, wagas!" nagingising sabi ni Rene habang nagwawalis.
"Siyempre naman hindi natin puwedeng ipakita na naiinis tayo sa dalawang 'yon. Mahirap na maghinala pa sila sa atin!" naiinis na sabi ni Robert at sabay pahid ng bibig niya sa kwelyo ng kaniyang polo.
"Eh, paano nila kaya nagawa iyon? Sa pagtatanggal pa lang ng mga pintura sa dingding doon, eh! Aabutin na sila ng ilang oras doon, bossing!" nagtatakang sabi ni Rene habang nagkakamot ng ulo.
Malalim namang nag-iisip ni Robert habang panay ang himas sa kaniyang balbas.
"Rene, nakakapagtaka talaga! Hindi ko alam kung papaano nila nagawa 'yun? Pero sige lang, tamasahin lang nila ang tagumpay nila ngayon pero sa susunod, sisiguraduhin ko na hindi na sila makakaporma pa sa akin!" naiinis na sabi ni Robert habang nanginginig pa ang kaniyang mga kamay dahil sa inis hanggang sa mabali na ang tangkay ng hawak niyang walis.
End of Chapter 20
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...