Samantala, sa kuwartong bihisan ni Claire. Abalang-abala si Claire sa paghahanda sa pakikipanayam sa mga taga-midya para sa kaniyang bagong pelikula na ipapalabas sa mga sinehan.
Nagagalak na inaayos ni Claire ang suot niyang bestida na nababalot ng mga mamahaling diamante. "Yda, sa tingin mo ba maganda ba itong suot ko?" tanong ni Claire kay Yda.
"Oo naman, Claire! Maganda at bagay na bagay sa iyo," nakangiting sabi ni Yda habang inuunat ang laylayan ng bestida ni Claire. Nang Biglang may kumatok sa pinto. Nagmamadaling lumapit si Yda para buksan ito.
"Kamusta na kayo diyan? Handa na ba kayo?" bungad na tanong ni Mam Olivia habang papungay-pungay pa ng kaniyang mga mata at sabay pilantik ng kaniyang mga pekeng pilik mata.
"Opo, Mam Olivia! Handa na po kami!" nakangiting magalang na sagot ni Yda.
Napalingon si Claire. "Mam Olivia! Tuloy po kayo!" nakangiting sabi ni Claire. Agad na lumapit si Mam Olivia kay Claire at sabay nagbeso-beso pa ang dalawa.
"Wow, Claire! Bagay na bagay sa iyo iyang suot mong bestida!" namamanghang sabi ni Mam Olivia.
"Nako, salamat po, Mam Olivia!" nakangiting sabi ni Claire.
"Claire, Ayos na pala kayo, eh! Sige, aabangan ko na lang kayo sa labas ni Yda at aasikasuhin ko pa 'yung mga showbiz reporter na bisita natin, paalam!" sabi ni mam Olivia.
Agad namang sumagot si Claire. "Sige po, susunod na kami ni Yda!" sagot ni Claire kay Mam Olivia.
Sa pasilyo habang naglalakad si Mam Olivia nakita niya sina Pancho at Baste na nagpupunas ng dingding.
"Pancho, nalinis niyo na ba ang bulwagan?" masungit na tanong ni Mam Olivia.
"Opo mam! Malinis na malinis na po, 'di ba Baste?" pagmamalaking sagot ni Pancho sabay tapik sa balikat ni Baste.
"Aba, oo naman po Mam Olivia. Kami pa po ni Pancho, eh! Pagdating sa paglilinis, kami po ang pinakamagaling," nakangiting pagmamayabang na sabi ni Baste.
"Ah eh, mam. Ano pong kaganapan ngayon sa bulwagan?" nagtatakang tanong ni Pancho habang napapakamot pa ng ulo.
"Hmmm...mayroon pakikipanayam si Claire ngayon sa mga taga-midya para sa kaniyang bagong pelikula!" sagot ni Mam Olivia habang nakataas ang kaniyang kaliwang kilay.
"Wow! talaga po, mam?!" nakangiting sabi ni Pancho habang biglang napatalon pa.
"Ehem! Hindi kayo puwedeng manuod sa bulwagan. At saka marami pa kayong dapat linisin dito sa gusali!" masungit na sabi ni Mam Olivia.
"Ah eh, alam naman po namin 'yan, mam," magalang na sagot ni Pancho habang napakamot muli sa kaniyang ulo habang nakaramdam ng pagkabigo.
"Hmmm, mabuti naman kung ganun! Tse!" sabi ni Mam Olivia sa dalawa. Biglang tinalikuran ni Mam Olivia ang magkaibigan at sabay na lumakad papalayo.
"Uy 'tol! Sayang hindi natin puwedeng panuorin si Claire sa bulwagan!" nanghihinayang na sabi ni Baste kay Pancho habang ipinagpatuloy nila ang pagpupunas ng dingding.
"Hayaan mo na, 'tol. Ganyan talaga ang buhay!" sabi ni Pancho kay Baste.
Mga ilang minuto pang nakalipas. Napansin nina Pancho at Baste na papalapit na naglalakad sina Claire at Yda kasama ang sangkatutak na mga showbiz reporter. Hanggang sa mapadaan sa harapan nila si Claire. Tinawag ni Pancho si Claire ngunit hindi siya narinig nito. Napalingon si Yda at sabay na kinawayan si Pancho. Nagtaka naman si Baste sapagkat hindi siya pinansin ni Yda.
Sinalubong ni Mam Olivia si Claire at ang piling kasamahan sa pasilyo. At lahat sila ay sabay na tumungo sa bulwagan. Habang naglalakad, hindi magkamayaw ang mga showbiz reporter sa pagkuha ng litrato kay Claire. Halos umalingaw-ngaw sa pasilyo ang mga tunog ng, "Click! Click! Click!" ang tunog na nanggagaling sa kamera.
Nang makarating ang lahat sa harapan ng pinto ng bulwagan. Nagsalita muna si Mam Olivia bago buksan ang pinto. "Maligayang pagdating sa inyong lahat dito sa bulwagan ng Marikit Produksyon!" palakpakan ang mga showbiz reporter at mga piling importanteng bisita. Nang buksan ni Mam Olivia ang pinto ng bulwagan, biglang tumambad sa kaniyang harapan ang kagimbal-gimbal na tanawin.
"Ano ang mga ito?!" gulat na gulat na tanong ni Mam Olivia habang nanlalaki ang kaniyang mga mata at napanganga pa na halos lumaylaylay na ang kaniyang panga sa sahig.
Biglang napaatras si Mam Olivia sa kaniyang pagkakatayo. Nagulat din ang lahat sa kanilang nakita. Muling umalingaw-ngaw ang tunog ng kamera. "Click! Click! Click!" Punong-puno ng mga pintura ang mga larawan ng mga artista na nakasabit sa dingding. Nagkalat ang mga basura sa buong paligid at umaalingasaw ang mabahong amoy sa bulwagan. Nanlilisik ang mga mata ni Mam Oliva at halos matanggal na ang kaniyang mga nakakabit na pekeng pilik mata sa sobrang galit niya. At saka siya biglang sumigaw ng, "Pancho! Baste!"
Nagkatinginan sina Claire at Yda. Bigla silang sabay na napasabi ng,"Nako po! Lagot na naman kayo Pancho at Baste!" at saka napailing ang kanilang mga ulo.
End of Chapter 16
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...