KABANATA 1

2.1K 62 22
                                    

"Tiktilaok! Tiktilaok!" Tumilaok na naman ang tandang. Hudyat ng isang panibagong araw ng pagsubok at pag-asa sa buhay ni Pancho. "Anak gising na! Ngayon ang unang araw mo sa trabaho!" sigaw ni aling Gina, inay ni Pancho.

Si aling Gina ay balo na sa asawa. Siya ay mananahi ng mga retasong basahan. Mahirap ang buhay ni aling Gina ngunit naitaguyod niya si Pancho upang makapagtapos sa mataas na paaralan sa edad na labing walong taong gulang. Dahilan upang makapagtrabaho si Pancho bilang tagalinis sa isang sikat na kumpanya ng pelikula, ang Marikit Produksyon na kilala sa mga magagandang pelikula.

"Anak, hoy gumising ka na!" sabi ni aling Gina. Si Pancho ay tila ba nahuhumaling pa sa kaniyang panaginip. Yakap-yakap ang unan at sabay nagsasalita habang nakapikit. " O, Claire aking mahal. Kailan mo ako sasagutin? Pangako ko sa iyo, ibibigay ko ang lahat ng mga isla na iyong natatanaw pati na rin ang mga perlas ng karagatan!" sabi ni Pancho habang hinahalikan ang unan niyang yakap-yakap. "Mwah! Mwah!Tsup! Tsup!" paulit–ulit na bigkas ni Pancho sa kaniyang panaginip.

"Pancho, hoy gising na! Ayaw mo talagang gumising ha?" sabi ni aling Gina na nanggigigil sa inis. Habang hinahalikan ni Pancho ang unan, inilagay ni aling Gina ang isang pares ng kaniyang bakya sa bibig ni Pancho. "Mwah! Mwah! Tsup! Tsup! Pala ha?! O, heto na si Claire. Halikan mo na!"

Si Pancho ay patuloy pa rin na nahuhumaling sa kaniyang panaginip. "Claire! Aking mahal! T-teka bakit parang biglang naging kasing gaspang ng papel de liha yata ang iyong malambot na labi?" nagtatakang tanong ni Pancho habang kinikilatis ang bakya at biglang siyang nagising sa kaniyang panaginip.

"O, ano? Nagising ka rin?" natatawang sabi ni aling Gina. "Inay naman po! Sasagutin na nga po sana ako ni Claire biglang naudlot pa!" naiinis na sabi ni Pancho habang napapakamot pa ng kaniyang ulo.

Si Claire ay isang sikat na artista sa pelikula. Sa edad niya ngayong labing walong taong gulang, marami na siyang nakolektang mga tropeo dahil sa kaniyang angking galing sa pag-arte. Malaki ang paghanga ni Pancho kay Claire. Nagbighani si Pancho kay Claire dahil sa kagandahan at husay sa pag-arte. "Halika na sa kusina anak at tayo nang mag-almusal. Nag-aantay na rin doon si bunso. Alalahanin mo rin anak. Ngayon ang unang araw mo sa trabaho!" pagmamadaling sabi ni aling Gina. "Ay! Oo nga po 'nay! Nagagalak na nga po akong pumasok, eh!" agad na bumangon si Pancho sa pagkakahiga mula sa banig. Tumingin muna siya sa salamin at saka kinausap ang kaniyang sarili. "Pancho! Kaya mo 'yan! Sa pogi at sipag mo ba naman, eh! 'di wow! Ikaw na!"

Pinagkaitan man si Pancho ng kayamanan at karangyaan sa buhay. Siya naman ay biniyayaan ng kagwapuhan at mabuting kalooban. Makinis ang kaniyang mamula-mulang kutis. Sa edad niya ngayong labing walong taong gulang, siya ay matangkad na at mayroon ng matipunong pangangatawan. Madalas siyang nakukuhang konsorte sa mga santacruzan dahil sa taglay niyang angking kagwapuhan.

Nagdasal muna si Pancho bago kumain ng almusal. "Panginoon, pagpalain niyo po kami sa araw na ito at maraming salamat po sa pagkaing nakahain sa aming hapag kainan. Amen!" panalagin ni Pancho. Pagkatapos nilang magpasalamat sa Panginoon, masayang nagsalo-salo sina Pancho at ang kaniyang pamilya sa munting almusal. Pandesal, pritong itlog, sinangag na kanin at kapeng walang asukal ang kadalasang almusal nila. "Magandang umaga! Kuya kong pogi!" bungad na pagbati ni Jessa, ang bunsong kapatid ni Pancho na may kapansanan.

Si Jessa ay nalumpo nang minsang umakyat sa puno ng duhat at aksidenteng nahulog. Dahil sa kahirapan ng buhay nila hindi na naipagamot si Jessa sa duktor. May kapansanan man siya, masayahin at masipag na bata si Jessa. Katuwang siya ni aling Gina sa paggawa ng mga retasong basahan.

"Magandang umaga rin! Mahal kong bunso!" nakangiting sagot ni Pancho. Habang nag-aalmusal ang mag-anak, ito ang oras ng kanilang kuwentuhan, kamustahan at kulitan. "Inay, huwag po kayong mag-alala. Pangako ko po, kapag natanggap ko na po ang aking unang suweldo, ibibili ko po kayo ng bagong makinang panahi," masayang sabi ni Pancho. "Hay, nako anak. Huwag na! Mapagtiyatiyagaan ko pa naman yung makinang panahi na minana ko pa sa lola mo. Ang mahalaga sa akin anak ay pagbutihin mo ang iyong pagtratrabaho at mahalin mo ito dahil napakasuwerte mo, sa dami-dami ba namang aplikante, isa ka sa mga napili. Basta magsikap ka at laging magpasalamat sa ating Panginoon, sa lahat ng biyaya na iyong natatatanggap," paalala ni aling Gina.

"Uy! Kuya Pancho. Kapag may pera ka na, ha?! Ibili mo ako ng wheelchair, ha?" nakangiting sabi ni Jessa. "Oo naman! Pangako bunso!" masayang sagot ni Pancho.

"Tao po! Pancho!" sigaw ni Baste sa harapan ng barong-barong na bahay ni Pancho. Si Baste ay matalik na kaibigan at kababata ni Pancho. Ulila na siya sa ama't ina. lumaki si Baste sa aruga ng kaniyang lola. Parang magkapatid na rin ang turingan nila ni Pancho sa isa't-isa. Sabay silang nag-aplay ng trabaho bilang tagalinis sa Marikit Produksyon. Sa kabutihang palad pareho rin silang natanggap sa kanilang inaaplayan.

"Tol! Ang aga mo naman! Ang usapan natin 'di ba, eh? Dadaanan mo ako dito sa bahay ng ala-siyete ng umaga. Ala-sais pa lang, o! Hindi ka naman siguro nasasabik pumasok niyan?" natatawang biro ni Pancho. "Uy, Pancho! Dapat nga mas maaga tayong magpunta doon. Kailangan dapat magpakitang gilas tayo doon!" nagmamalaking sagot ni Baste.

"Oo nga, tama ka! May punto ka 'dun! Sige 'tol! Antayin mo lang ako at mabilis na ligo lang ako!" nagagalak na sabi ni Pancho. Nagmamadaling naligo at nagbihis ng pang-alis si Pancho. Pakanta-kanta pa siya habang naghahanda sa kaniyang pagpasok sa trabaho.

"Inay, aalis na po kami ni Baste!" nagmamadaling sabi ni Pancho. "Sige! Ingat kayo ni Baste! Basta tandaan mo Pancho 'yung mga bilin ko sa iyo, ha?!" nakangiting paalala ni aling Gina. "Opo inay! Tatandaan ko po lahat ng inyong bilin," nakangiting sagot ni Pancho. "Teka anak. Wala ka bang nakakalimutan?" nakangiting tanong ni aling Gina kay Pancho. "Inay, wala na po. Nasa bag pack ko na po 'yung pinabaon niyong kanin at ulam," nagtatakang sagot ni Pancho sa kaniyang inay habang sinisilip ang loob ng kaniyang bag pack. "Meron kang nakalimutan anak! 'Yung baon mong pera. Mabuti na lang at naalala ko kaagad!" paalala ni aling Gina. "Ay! Oo nga po pala, inay! Salamat po at pinaalala niyo po sa akin," natutuwang sabi ni Pancho.

End of Chapter 1

© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay

All rights reserved 2017

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.  

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

No to Plagiarism!

Everybody have their own imagination. That's why there is no room for plagiarism.

Plagiarism is a CRIME!

Si Pancho at ang Mahiwagang  LampasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon