Habang nasa loob ng istudyo ang mag-among sina Robert at Rene sige pa rin sa kakahalakhak.
"Bossing 'Bert sa tingin mo ba tama ba itong ginagawa natin?" nangingising sabi ni Rene.
"Hoy Rene! Kanino ka ba talaga kampi? Doon sa dalawang kolokoy na iyon o sa akin?" galit na sabi ni Robert at saka biglang binatukan si Rene.
"Aguy ko po! Bossing, kayo naman hindi mabiro!" nangingising sabi ni Rene.
"Sige na, Rene! Ipasok mo na dito sa loob ang mga basura at kating-kati na ang aking mga kamay na dumihan itong istudyo!" nangingising sabi ni Robert habang hinihimas ang kaniyang dalawang magaspang na kamay na maraming kalyo.
"Opo bossing. Masusunod po!" nagkukumahog na kinuha ni Rene ang mga lagayan ng basura.
"Bwahahaha! Tingnan natin Pancho ang tibay mo!" gigil na gigil na sabi ni Robert. Nang biglang may bumatok sa kaniya. "Aray ko!" sigaw ni Robert. "Rene, galit ka ba sa akin?" nagtatakang tanong ni Robert kay Rene habang hinihimas ang kaniyang batok.
"Ah eh, hindi po bossing!" natatakot na sagot ni Rene habang kagat-kagat ng labi niya ang kaniyang mga daliri.
"Pambihira ka naman! Eh, bakit mo ako binatukan, ha?!" nanggigigil na sabi ni Robert.
"Eh, bossing! Hindi naman po kita binatukan, eh!" takot na takot na sagot ni Rene.
"Kung hindi ikaw! Eh, sino? Tayong dalawa lang naman ang nandito sa istudyo, ah!" nagtatakang sabi ni Robert habang tumitingin sa paligid.
"Eh, bossing! Baka imahinasyon niyo lang iyon?" nagtatakang sabi ni Rene habang napapakamot ng ulo.
"Siguro nga?!" sabi ni Robert habang tinitingnan ang paligid.
"Sige, Rene! Ituloy mo na ang pagbubukas ng mga lagayan ng basura!" sabi ni Robert habang patuloy na nagtataka pa rin.
Biglang may tumatawag sa cellphone ni Robert at agad naman niyang sinagot ang tawag, sabay talikod kay Rene. Habang abala sa pagbubukas ng mga lagayan ng basura si Rene. Pasipol-sipol pa ito na animoy nguso ng isang takore. Nang biglang may tumulak sa kaniyang likuran at napasubsob ang kaniyang mukha sa mga mababahong basura.
"Aguy ko po!" sigaw ni Rene at agad na tumayo sa pagkakasubsob.
Nagulat si Robert nang makita ang mukha ni Rene. "Ano 'yang nasa bibig mo, ha?!" gulat na gulat na tanong ni Robert.
"Uy, bossing! Bakit niyo po ako tinulak?" nagtatakang sabi ni Rene habang kagat-kagat pa ng kaniyang bibig ang tangkay ng kangkong na galing sa lagayan ng basura.
"Ano kamo?! Tinulak?! Paano naman kita itutulak? Nakita mo namang may kausap ako sa cellphone ko!" nagtatakang sabi ni Robert. " Ikaw talaga Rene! Kahit kailan lampayatot ka!" nangingising sabi ni Robert, "O, ayan kasi Rene. Ayaw mong kumain ng mga gulay! Mismong mga gulay na ang lumapit sa iyo!" natatatawang biro ni Robert.
"Si bossing naman, o! Sigurado po ba kayo na tayong dalawa lang ang tao dito sa loob?" nagtatakang tanong ni Rene sabay dura ng tangkay ng kangkong sa kaniyang bibig.
"Oo, naman!" sabi ni Robert sabay tingin sa paligid.
"O, ano pa ang inaantay mo diyan Rene? Isabog mo na iyang mga basura sa paligid! Bilis!" nagmamadaling sabi ni Robert.
Lingid sa kaalaman ng dalawang mag-amo hindi lang sila ang nandoon sa loob ng istudyo. Palihim na bumalik at wumagawaywaypa ang mahiwagang lampaso sa sulok na animoy alam nito na mayroong hindi magandang nangyayari. Akmang isasaboy na sana ni Rene ang mga basura nang biglang mabilis na lumipad ang mahiwagang lampaso sa pindutan ng ilaw at sabay na sinara ang ilaw. Biglang nagdilim ang paligid ng istudyo. Gulat na gulat ang mag-amo.
"Uy, Rene sinong nagsara ng ilaw?" nagtatakang sabi ni Robert.
"Eh, bossing baka biglang napundi ang ilaw?" natatakot na sabi ni Rene.
Agad na kinapa ni Robert ang kaniyang bulsa at saka kinuha ang kaniyang cellphone. Akmang bubuksan na niya ang ilaw ng kaniyang cellphone nang bigla namang nawalan ito ng baterya.
"Anak naman ng tipaklong, o! Kapag minamalas ka nga naman! Kung kailan mo kailangan ang ilaw ng cellphone tsaka pa nawalan ng baterya! Nakakainis na talaga!" galit na galit na sabi ni Robert.
Biglang pinalo ng mahiwagang lampaso ang tuhod at likod ni Rene.
"Aray ko po! Bossing! Huwag niyo po akong bugbogin!" takot na takot na sabi ni Rene.
"Hoy Rene! Ano bang pinagsasabi mo diyan? Hindi kita binubugbog. Ni hindi nga kita makita sa sobrang dilim dito, eh!" nagtatakang sabi ni Robert.
Biglang tinulak ng mahiwagang lampaso si Robert.
"Hoy Rene! Huwag mo akong itulak! Nakakainis ka na, ha?!" galit na galit na sabi ni Robert.
"Bossing, hindi ko po kayo tinulak! Eh, nasaan nga ba kayo? Ang dilim dito!" natatakot na sabi ni Rene.
Biglang pinalo-palo ng mahiwagang lampaso ang puwitan ni Robert.
"Aray ko po! Rene ikaw ba 'yan?" natatakot na ring sabi ni Robert.
"Bossing! Nasaan nga po kayo?" takot na takot na sabi ni Rene.
"Rene, kung hindi ikaw ang pumapalo sa akin, Eh! Sino 'yun?" natatarantang sabi ni Robert.
"Ah eh, bossing baka may multo dito! Waaa!" sigaw ni Rene na halos maihi na sa takot.
"Naku Rene! Mabuti pa umalis na tayo dito! Mukhang minumulto nga tayo sa istudyo na ito!" kinapa-kapa ni Robert ang paligid sa kagustuhang matunton ang pinto papalabas ng istudyo.
"Aray ko po! Aray ko po!" sabay na sabi ng mag-amo habang patuloy na pinapalo ng mahiwagang lampaso ang kanilang mga puwitan.
Samantala, pababa na ng hagdanan ang magkaibigan na sina Pancho at Baste galing sa tuktok ng gusali.
"Tol, mabuti at natuyo naman ang aking damit," nakangiting sabi ni Baste.
"Sabi ko na sa iyo,eh! Ang sarap tumambay doon. Ang lamig ng hangin 'di ba?" nangingiting sabi ni Pancho at patuloy na silang naglakad pabalik ng istudyo.
Nang bubuksan na sana ni Pancho ang pinto ng istudyo. Siya namang labas ng mag-among sina Robert at Rene. At sabay na sumigaw ng, " Waaa! May multo!" Nagmamadaling tumakbo papalabas ng pintuan ang mag-amo. Biglang nagkatinginan ang magkaibigan.
"Anong nangyari sa mga iyon?" nagtatakang tanong ni Pancho kay Baste at sabay na napakamot ng ulo ang magkaibigan.
"Nako po! Nabaliw na yata ang mag-among iyon!" sabi ni Baste na para bang nakakita ng mga tsonggong nagulat.
End of Chapter 25
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
AdventureWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...