KABANATA 23

616 23 9
                                    

Samantala. Aligaga na naman si Baste at natataranta na sa kakahanap kay Pancho. Inutusan ni Mam Olivia si Baste na linisin ang istudyo kung saan mayroong nakaiskedyul na taping ng isang teleserye. Halos halughugin na ni Baste ang buong gusali ngunit bigo parin niyang mahanap si Pancho hanggang sa makarating si Baste sa kantina. Naglalakad si Baste sa pasilyo nang mapansin niyang nakaupo si Pancho sa loob ng kantina habang kinakausap si Yda. Biglang napaatras si Baste at nag-alangang pumasok sa loob ng kantina. Huminga muna siya ng malalim at saka nilapitan sina Pancho at Yda.

Nahihiyang binati ni Baste si Yda. "Ah eh, Yda! Paumanhin. Hinahanap ko kasi ang kaibigan ko, eh!" kinikilig na sabi ni Baste habang nahihiya kay Yda. Biglang tumaas ang boses ni Baste nang tapikin niya sa likod si Pancho. "Hoy 'tol! Nandito ka lang pala! Pambihira ka!" sabi ni Baste.

Halos mabulunan na si Pancho sa pagkain ng pancit canton at agad na kinuha ang isang basong tubig at saka niya ininom ito.

"Uy, ano ka ba 'tol! Ginulat mo naman ako. Nabulunan tuloy ako!" naiinis na sabi ni Pancho kay Baste habang pinupunasan niya ng panyo ang kaniyang bibig.

"Eh, halos suyurin ko na ang buong gusali sa kakahanap sa iyo! Sabi ko na nga ba dito lang kita matatagpuan, eh!" sabi ni Baste habang napapakamot ng ulo.

"'Tol, pasensya na wala naman talaga akong balak kumain dito kaya lang pinilit lang talaga ako ni Yda!" nangingiting paliwanag ni Pancho.

Biglang sumabat si Yda sa usapan ng magkaibigan. "Uy Baste, congrats ha! Ang galing naman ninyong dalawa. Nagawa ninyo ang kondisyon ni Mam Olivia, ha?" nangingiting sabi ni Yda habang pakurap-kurap pa ng kaniyang mga mata.

Biglang napahiya si Baste at namula ang pisngi niya nang bigla siyang pansinin ni Yda. "Hi! Yda pasenya ka na at naistorbo ko kayo ni Pancho," nangingiting sabi ni Baste na animoy palakang kinikilig habang kinakausap si Yda.

"Uy Baste, halika! Maupo ka. Ililibre rin kita ng merienda. Anong gusto mong kainin?" sabi ni Yda habang tinuturo ang estante ng mga pagkain.

"Ay! Nako Yda. Huwag na! Nakakahiya naman sa iyo. Si Pancho lang talaga ang sinadya ko ditto," napapahiyang sabi ni Baste habang napapakamot ng ulo at hindi mapakali sa kaniyang kinatatayuan.

"Ayos lang sa akin kung ayaw mong magpalibre pero sana sa susunod hindi mo na ako tatanggihan," nakangiting sabi ni Yda habang sinusuklay ng kaniyang mga daliri ang mahaba niyang buhok.

"Yda, aalis na raw si Pancho. Salamat daw sa panglilibre mo sa kaniya," nakangiting sabi ni Baste at sabay agaw ng turon sa kamay ni Pancho.

"O sige, congrats na lang ulit sa inyong dalawa!" nakangiting sabi ni Yda habang pakurap-kurap pa ng kaniyang mga mata.

Biglang hinila ni Baste si Pancho papalabas ng kantina. Nagtataka naman si Pancho sa ikinikilos ni Baste.

"Ano ka ba 'tol? Pambihira ka naman. Ang sarap ng pagkain ko doon, bigla mo naman akong hinila dito sa labas!" naiinis na sabi ni Pancho.

"Ay naku 'tol, pasensya ka na talaga! Kasi Pancho may ganap?" nag-aalalang sabi ni Baste at saka isinubo ang hawak niyang turon na inagaw niya kay Pancho.

"Bakit anong ganap? Ha?!" sabi ni Pancho habang napapakunot ng nuo.

"Ah eh, ano? Kasi inuutasan ako ni Mam Olivia na linisin ang istudyo. Mayroon daw na magte-taping na teleserye mamayang gabi doon," nag-aalalang sabi ni Baste habang hindi ito mapakali sa kaniyang pagkakatayo.

"Ayun naman pala, eh! Inutusan ka ni Mam Olivia! Anong masama ngayon?" naiinis na sabi ni Pancho.

"Ah eh, 'tol! Kasi narinig ko kanina sina Robert at Rene na nag-uusap," nag-aalalang sabi ni Baste habang napapalunok ng laway, "Mukhang may masamang balak sila. Narinig kong pinag-uusapan nila ang istudyo!" dagdag pa ni Baste.

"Tutoo ba 'yan? Baka naman mali lang ang iyong pagkakarinig?" sabi ni Pancho habang nakakunot ang kaniyang nuo. "Pero kung tutoo man iyang hinala mo, ayos lang! Akong bahala diyan!" nakangiting pagmamayabang ni Pancho habang tinatapik ang tangkay ng mahiwagang lampaso.

Biglang nanlaki ang mga mata ni Baste. "Oo nga! Ikaw nga ang bahala tapos ako naman ang kawawa! Pambihara ka naman 'tol!" naiinis na sabi ni Baste habang napapapailing pa.

Biglang iniba ni Pancho ang usapan nila ni Baste. "Uy, Baste. Bakit hindi mo pinaunlakan yung alok ni Yda na ilibre ka ng pagkain sa kantina?" nakangiting tanong ni Pancho.

Biglang namula na naman ang pisngi ni Baste sa tuwing maririnig ang pangalan ni Yda. "Ah eh, bigla akong natorpe kanina, eh!" napapahiyang sagot ni Baste habang nagpupunas ng pawis sa kaniyang batok.

"Ikaw talaga! Natameme ka na naman!" pabirong sabi ni Pancho, "'Tol! Halika na nga pumunta na tayo sa istudyo. Huwag kang mag-alala. Kung mayroon mang talagang masamang balak sina bossing Robert at Rene sa atin, eh! Tatapatan naman natin iyan ng mabuting balak!" nangingiting sabi ni Pancho habang muling tinatapik ang hawak niyang mahiwagang lampaso.

"Anong mabuting balak?" nagtatakang tanong ni Baste.

Bigla namang sinagot ni Pancho ang tanong ni Baste na tila nagmamalaki pa. "O, hindi mo na-gets? Kung mayroong masamang balak, eh 'di siyempre mayroon namang mabuting balak? Alam mo na?" natatawang sabi ni Pancho. "Tara! Bilisan natin baka maunahan pa tayo nina bossing Robert at Rene doon!" dagdag pa ni Pancho.

End of Chapter 23

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay

All rights reserved 2017

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.  


Si Pancho at ang Mahiwagang  LampasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon