KABANATA 19

639 28 4
                                    

Sa bulwagan. Muling tumambad kina Pancho at Baste ang kagimbal-gimbal na tanawin ng sangkaterbang mga basura at mga bahid ng pintura sa dingding. Bigla silang nakaramdam nang panlulumo.

"'Tol! Paano kung hindi natin matupad ang kondisyon ni Mam Olivia na malinis itong buong bulwagan sa loob lamang ng isang oras?" nakangiwing sabi ni Baste na halos na lumupaypay na ang kaniyang mga labi at pisngi sa sahig dahil sa sobrang panlulumo.

"Ayan nga ang isang malaking tanong?" napapailing na sabi ni Pancho habang nililibot ng kaniyang mga mata ang sangkaterbang basura sa loob ng bulwagan. Agad na nagsimulang naglinis ang magkaibigan.

"Tol, paano 'yan kung mabigo tayo sa pinapagawa ni Mam Olivia? At paano na rin kung tuluyan na tayong masesante niyan?" malungkot na sabi ni Baste habang nagsisimulang tumulo ang mga luha sa namumugtong mga mata niya.

"Tol! Ako nga rin, eh! Nag-aaala para kay inay. Gayun din kay Jessa. Napangakuan ko pa naman na ibibili ko siya ng wheelchair. Kasi awang-awa na rin ako sa bunso namin. Nagtitiis na lang sa gamit niyang tablang de gulong," malungkot na sabi ni Pancho habang patuloy sa paglilinis.

Napansin ni Pancho si Baste na tumutulo na ang mga luha sa mga mata nito. Bigla niya itong nilapitan at tinapik. "Uy 'tol! Huwag ka ngang ganyan! Alam ko ang nararamdaman mo. Pareho lang tayong nag-aalala pero kahit anong pagsubok at pahihirap ang ating nararanasan ngayon, eh! Hayaan na lang nating padaanin ito. Lilipas din 'yan! Kalma lang! Basta lagi tayong magdadasal! Huwag tayong susuko! Kaya nating lampasan ang probemang ito!" nakangiting sabi ni Pancho habang tinatapik ang balikat ni Baste.

Pagkalipas ng kalahating oras. Biglang nakaramdam ng gutom si Baste. "'Tol! Anong oras na pala?" tanong ni Baste habang sinasapo ang kumakalam na sikmura.

Biglang napalingon si Pancho at sabay na tumingin sa kaniyang relo. "Ah eh, alas-diyes na pala! Kaya pala naririnig ko nang kumakalam iyang sikmura mo, eh!" biro ni Pancho at sabay hawak din sa kaniyang sikmurang kumakalam.

"Tara! Magmerienda muna tayo sa kantina sa baba," alok ni Baste habang itinigil ang pagtatanggal ng mga bahid ng pintura sa dingding.

Napatagil din si Pancho sa pagpupulot ng mga basura sa sahig. "'Tol pakibili mo na lang ako sa kantina at ipabalot mo na lang 'yung sa akin!" sabi ni Pancho. "Hindi ko kasi basta maiwanan itong paglilinis natin. Alam mo naman, na isang oras lang ang palugit sa atin ni Mam Olivia para linisin ang buong bulwagan na ito!" nag-aalalang sabi ni Pancho.

"Kung sabagay! Tama ka! Ano pala ang bibilhin ko sa iyong merienda?" tanong ni Baste habang napapakamot ng ulo.

"'Tol pakibili na lang ako ng sago't gulaman, tokwa't baboy at arroz caldo. Samahan mo na rin ng dalawang pirasong pichi-pichi, panghimagas!" sabi ni Pancho habang kinukuha ang kaniyang pitaka sa bulsa ng kaniyang pantalon. Ngunit nang makita niya ang laman ng kaniyang pitaka, "Ah eh,'tol, ano lang pala. Dalawang pirasong pichi-pichi na lang bilhin mo sa akin kulang pala ang pera ko ngayon!" napapahiyang sabi ni Pancho at sabay kamot sa ulo niya.

Biglang nangiti si Baste sa kaniyang narinig. "Ikaw talaga,'tol! Ang dami mong inorder sa akin, eh! Wala ka naman palang pera, eh?!" natatawang biro ni Baste. " Pero sige lang 'tol! Ililibre na lang kita. Wala pala akong nairegalo sa iyo 'nung kaarawan mo. Mayroon pa naman akong dagdag na animnapung piso na naitatabi sa pitaka ko!" nangigiting sabi ni Baste.

"Nako! 'Tol, nakakahiya naman sa iyo pero salamat, ha?! Alam mo na naman, masamang tumanggi sa grasya!" napapahiyang sabi ni Pancho. Nagmamadaling umalis si Baste patungo sa canteen.

Habang patuloy sa paglilinis si Pancho biglang nanakit ang kaniyang mga braso. Nakaramdam siya ng pagod at panlulumo habang tinatanaw ang sangkaterbang basurang nagkalat sa buong bulwagan. Biglang siyang tumingala sa itaas. Napaluhod at nagdasal. Habang taimtim na nagdadasal si Pancho biglang nasalo ng kaniyang mga kamay ang lampaso. Biglang nagulat si Pancho nang lumipad ang mahiwagang lampaso at nagpaikot-ikot pa sa ere. Nanlaki ang mga mata niya at hindi makapaniwala sa kaniyang nakakikita.

"I-ikaw ba ang sagot sa a-aking d-dasal?" nauutal na sabi ni Pancho habang nanlalaki ang kaniyang mga mata na kulang na lang ay lumuwa.

Biglang nagpaikot-ikot sa paglipad ang mahiwagang lampaso na animoy sagot sa tanong ni Pancho na ang ibig sabihin ay "oo!"

Biglang napatingala muli si Pancho sa itaas at sabay na sinabing, "Salamat po! Panginoon! Natanggap ko na po ang hulog ng langit!" napansin ni Pancho na nagniningning ang lampaso na parang may ibinubugang makikinang na mga alikabok ng bituin na animoy nagmula pa sa kalangitan. Nanginginig na kinuha ito Pancho at sabay na naalala ang sinabi ng kaniyang inay.

"Anak, ang bilin ng matandang babae sa akin ay ingatan daw itong mga makukulay na retasong tela dahi ito raw ay nagtataglay ng kakaibang katangian. Ingatan at gamitin sa kabutihan."

"Nako! Ikaw nga ang sagot sa aking dasal!" sabi ni Pancho habang hindi magkamayaw sa sobrang tuwang nararamdaman niya. "Uy, teka! Paano mo pala ako matutulungan na linisin ang buong kuwarto na ito?" nagtatakang tanong ni Pancho.

Muling lumipad ang mahiwagang lampaso sa hangin at nagwagayway na naman. Lahat ng madaanan nitong mga basura ay biglang naglalahong parang bula. Nagiging makintab at malinis ang sahig na bawat madampian nito. Ang mga bahid ng mga pintura sa dingding ay biglang nawala nang madaanan ng mahiwagang lampaso. Nanlalaki ang mga mata ni Pancho at halos hindi makapaniwala sa nakakamanghang pangyayari.

"Tutoo ba itong nakikita ko? Baka nananaginip na lang ako?" tanong ni Pancho sa kaniyang sarili at sabay niyang paulit-ulit na sinasampal ang kaniyang magkabilang pisngi.

Sa isang saglit lang ang maduming bulwagan ay naging malinis at maayos. kumikislap-kislap pa ang buong sahig, dingding at kisame nito. Patalon-talon pa at tuwang-tuwa si Pancho sa kamanghang-manghang paglilinis ng mahiwagang lampaso.

"Salamat sa tulong mo! Nako! Kailangan malaman ito ni Baste!" nakangiting sabi ni Pancho ngunit bigla siyang tinapik ng mahiwagang lampaso at muli itong lumipad. At tila may isunusulat sa hangin. Ang mga nagkikinangang mga alikabok ng bituin na nanggagaling sa makukulay na tela nito ang nagmistulang tinta sa pagsusulat. Napansin ni Pancho ang unti-unting nabubuong mga salita sa hangin. "Pssst...lihim lang natin 'to!" ito ang nabasa ni Pancho sa isinulat ng mahiwagang lampaso. "Ah eh, ganun ba? Oo sige! Lihim lang natin ito, pangako ko!" nakangiting sagot ni Pancho. "Salamat ulit, ha?" dadag pa ni Pancho at sabay na kinuha sa hangin ang nakalutang na mahiwagang lampaso.

Biglang napansin ni Pancho na may kumakatok sa pinto at agad niyang itong binuksan.

"Uy, Baste nandito ka na pala!" masayang bati ni Pancho na abot hanggang tainga ang kaniyang ngiti na animoy nanalo ng premyo sa isang paligsahan. Ngunit hindi siya pinansin ni Baste bagkus biglang nagulat at namangha sa kaniyang nakita.

"Wow!" natutulalang sabi ni Baste habang nanlalaki pa ang kaniyang mga mata dahil sa sobrang pagkamangha. Hindi na namalayan ni Baste na nabitawan na pala niya ang hawak niyang mga pagkain at inumin na tuluyan na ngang nalaglag na sa sahig.

End of Chapter 19

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things,  events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay

All rights reserved 2017

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.    

Si Pancho at ang Mahiwagang  LampasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon