KABANATA 4

898 43 9
                                    

Nang makaakyat ang magkaibigan sa ikalimang palapag, pinagpawisan at hiningal nang husto ang dalawa. Nagpahinga muna sila sa gilid ng pasilyo. Nagpunas ng pawis si Pancho gamit ang panyong kulay asul na tinahi pa ni aling Gina na mayroong nakaburdang "Pancho Pogi." Maganda at pulido ang pagkakatahi nito. Mapagkakamalang mamahalin.

Samantala, si Baste naman ay napaupo sa sahig. "'Tol! Hindi kinaya ng werpa natin ang limang palapag ng gusaling ito, ha? Pancho! Grabeng ehersisyo naman iyan! Whew!" nangingiwing sabi ni Baste kay Pancho habang panay ang punas ng pawis sa kaniyang leeg.

"Uy! Baka ikaw lang. Kahit na pinagpawisan at hiningal ako, eh! Ayos lang ako. Marami yata akong inalmusal kanina!" pagmamalaking sabi ni Pancho habang patuloy sa pagpupunas ng kaniyang pawis. Napapailing na nakatingin si Pancho kay Baste at nagpipigil ng tawa. "Hay nako, 'tol! Siguro hindi ka nag-almusal 'no?!" natatawang kantiyaw ni Pancho.

"Uy! Nag-almusal naman ako! Grabe ka naman sa akin! Sige na nga, ikaw na! Lodi!" sagot ni Baste sabay himas sa mga binti niyang namimintig.

Mga ilang saglit pa.

"Tol! ayos ka lang ba? Tara! Punta na tayo sa opisina!" nagmamadaling sabi ni Pancho kay Baste.

"Ayos lang ako. Siguro, nanibago lang ako sa pag-akyat sa mataas na gusali!" sagot ni Baste sabay na tumayo at inayos ang suot niyang polo at maong na pantalon.

Habang naglalakad sina Pancho at Baste, panay ang tingin nila sa kanilang paligid. Pilit na hinahanap ng kanilang mga mata ang opisina ng Marikit Produksyon. Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa, lingon sa likod at lingon sa harap. Halos lumuwa na ang kanilang mga mata hindi pa rin nila matunton kung saan ang opisina. Napansin nila ang isang lalaki na nakatayo sa pasilyo habang abala sa pagpupunas ng dingding. Siya si Robert ang pinuno ng mga tagalinis at siya rin ang pinakamasipag na tagalinis ng buong gusali ng Marikit Produksyon. Nilapitan nina Pancho at Baste si Robert.

"Ehem! Pare, mawalang galang na po. Puwede bang magtanong?" nakangiting tanong ni Pancho.

"Ano iyon?" sagot ni Robert habang patuloy na nagpupunas ng dingding.

"Alam mo ba kung saan ang opisina ng Marikit Produksyon?" tanong ni Pancho.

"Mga pare, bakit? Anong sadya ninyo doon?" tanong ni Robert at saka napatigil sa kaniyang pagpupunas ng dingding.

"Ah eh, kami ang bagong pasok na tagalinis. Unang araw namin ngayon dito," nakangiting sabi naman ni Baste.

Biglang nagliwanag ang mukha ni Robert na tila ba na nakarinig ng batingting ng kampanilya sa kaniyang tainga. Unti-unti nagiging matalas ang kaniyang pagtingin kina Pancho at Baste na para bang isang buwaya na bigla na lang aatake sa biktima nito.

"Oo, pumunta kayo doon sa pinakahuling pinto sa bandang kanan. Nandoon ang opisina!" nangingising sagot ni Robert habang itinuturo ang direksyon.

Malugod na nagpasalamat sina Pancho at Baste. Nagmamadaling naglakad ang dalawa patungo sa direksyon na itinuro ni Robert.

"Mga 'pre. Payong kaibigan lang, huwag na kayong kumatok sa pinto. Dumiretso na lang kayo ng pasok doon!" pahabol na sabi ni Robert na nangingising tumalikod sa kanila. Kinawayan naman nina Pancho at Baste si Robert habang nagmamadaling naglalakad papalayo. Senyales na narining nila ang payo ni Robert. "Sa opisina pala, ha? Tingnan natin," pabulong na sabi ni Robert sa kaniyang sarili.

Nang makarating sina Pancho at Baste sa pinto. Akmang kakatok na sana si Pancho ngunit pinigilan siya ni Baste.

"Tol! Ang sabi ng lalaki huwag na raw tayong kumatok sa pinto," paalala ni Baste.

"Ay! Oo nga ano? Pero bakit kaya?" nagtatakang tanong ni Pancho kay Baste habang napakunot ng nuo niya.

"Ewan ko ba?" sagot ni Baste.

Sabay na binuksan nina Pancho at Baste ang pinto. Pagkapasok nila sa loob, nakita nila na tahimik ang paligid at medyo madilim.

"Tao po..tao po...mayroon po bang tao dito?" bungad na tanong ni Pancho habang naglalakad nang dahan-dahan at lumilingon sa palagid.

Napansin nila doon sa pinakadulo ay mayroon pang isang kuwarto. Naisipan nina Pancho at Baste na puntahan ito. Habang papalapit na sila sa nasabing kuwarto ay mayroon silang naririnig na nag-uusap na para bang nag-aaway sa loob. Dahan-dahang binuksan ni Baste ang pinto at kinalabit si Pancho.

"Tol, si Claire. Ayun nakaupo sa sopa," pabulong na sabi ni Baste kay Pancho.

"Oo nga. Grabe ang ganda pala talaga niya sa personal," nakangiting pabulong na sagot ni Pancho. Biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso nang makita niya si Claire. "Naks, Pancho ang suwerte mo. Nasilayan mo siya," nangigiting sabi ni Baste.

"Shhh...huwag kang maingay baka marinig tayo ni Claire," pabulong na sabi ni Pancho kay Baste.

Napansin ni Pancho na habang kinakausap ni Claire ang lalaki sa kuwarto. Panay ang pahid ng panyo ni Claire sa kaniyang mga mata.

"Parang awa mo na! Huwag mong kukunin ang mga alahas ko! Hindi mo ba alam na pinag-ipunan ko ang mga ito?" walang tigil sa pag-agos ng mga luha ang mga mata ni Claire habang nagmamakaawang nakikiusap sa lalaki.

"Wala akong pakialam! Basta ibigay mo sa akin ang lahat ng alahas mo!" galit na galit na sigaw ng lalaki kay Claire.

Nanlilisik ang mga mata ng lalaki habang papalapit kay Claire. Pilit na inaagaw ng lalaki ang mga alahas na yakap-yakap ni Claire.

"Huwag! Akin ang lahat na ito! Huwag mong kunin!" pasigaw na sabi ni Claire.

Akmang sasampalin na sana ng lalaki si Claire nang biglang mabilis na tumakbo si Pancho papunta kay Claire. Biglang sinuntok ng malakas ni Pancho ang lalaki sa panga nito at saka tumalsik sa sahig.

Biglang nakarinig ng isang malakas na sigaw si Pancho sa 'di kalayuan, "Cut!" galit na galit na sigaw ng isang direktor.

"Direk, sino siya? Eh, wala naman sa script natin na susuntukin ako, ah!" nagtatakang tanong ng lalaking artista habang hinihimas ang namumulang panga nito.

Nagulat na lang si Pancho nang malaman niya na isa pala itong eksena sa pelikula.

"Hoy! Umalis ka diyan! Pambihira! Ginulo mo ang eksena namin!" pasigaw na sabi ng direktor habang napapakamot ng ulo.

Bumukas ang mga ilaw at biglang nagliwanag ang buong kapaligiran.

"Ayayay! Inay ko po!" napapahiyang sabi ni Pancho sa sarili habang kagat-kagat ang kaniyang mga daliri. Pakiramdam niya ng sandaling iyon ay gusto na niyang biglang maglaho na parang bula sa sobrang kahihiyan.

Biglang nagkagulo ang buong tripulante. Pilit na pinaalis ng direktor sina Pancho at Baste. Nangiti na lang si Claire sa nangyari. Nakita rin ni Yda ang ginawa ni Pancho.

"Nako po! Pancho, hala ka!" nag-aalalang sabi ni Yda sa sarili habang napapailing pa ng kaniyang ulo.

End of Chapter 4

© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay

All rights reserved 2017

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.   

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

No to Plagiarism!

Everybody have their own imagination. That's why there is no room for plagiarism.

Plagiarism is a CRIME!

Si Pancho at ang Mahiwagang  LampasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon