KABANATA 2

1.1K 52 9
                                    

Nagmamadaling naglalakad sa kalsada ang magkaibigan patungo sa sakayan ng dyip. Patuloy pa rin ang biruan at kantiyawan ng magkaibigan. "Ang suwerte mo nga 'tol, mayroon ka pang ina na nagmamahal at nag-aaruga sa inyo ni Jessa," sabi Baste. "Hay! Nako, Baste. Nagdrama ka na naman diyan! Masuwerte ka rin naman dahil mayroon ka namang lola na nagmamahal rin sa iyo. Pareho tayong masuwerte!" pabirong sagot ni Pancho. "Bilisan na nga natin baka mahuli pa tayo sa trabaho niyan!" dagdag pa ni Pancho.

Pagdating nila sa sakayan ng dyip. Mahaba na ang pila at nagkakaubusan na ng dyip. "'Tol! Nako po! Ang haba na ng pila. Paano na iyan baka mahuli tayo sa trabaho?" nag-alalang sabi ni Baste. "Sabi ko na nga ba 'tol, eh! Dapat inagahan natin ang pasok,eh!" hirit pa ni Baste na napapailing pa. "Tol! Kumalma ka lang. Kahit na magreklamo ka diyan wala tayong magagawa!" sagot ni Pancho kay Baste.

Dumaan pa ang isang oras. Hindi pa rin sila nakakasakay ng dyip. Pinagpapawisan na sila. Hitsura nila na para bang mga bilasang isda sa palengke. Sumikat na nang husto ang haring araw kaya naman dama na nila ang init na humahaplos sa kanilang mga balat. Dahilan na rin upang magdesisyon sila na ipagpabukas na lang ang kanilang pagpasok sa trabaho.

"Tol! Mabuti pa, bukas na lang tayo pumasok, eh! Sa haba ba naman ng pila at nagkakaubusan pa ng mga dyip, imposibleng makasakay pa tayo niyan!" sabi ni Pancho. "Sa bagay tama ka! Bukas agahan na lang natin. Kaya lang ano na naman kaya ang sasabihin sa atin sa Marikit Produksyon? Kay bago-bago natin, wala tayo agad doon?! " nag-aalalang sabi ni Baste kay Pancho. "'Tol, kumalma ka lang akong bahala. Ako pa? Kaya nating lusutan 'yan!" nangingiting sagot ni Pancho.

Habang pauwi na sina Pancho at Baste pabalik sa kanilang bahay nang biglang mayroong isang kotseng sumulpot na pasuray-suray sa kalsada. Muntikan nang mahagip ang mga taong naglalakad sa gilid ng kalsada. "Beeep! Beep! Beep!" Patuloy sa pagbusina ang kotse hanggang sa muntikan nang mabundol sina Pancho at Baste. Nagulat at nataranta ang magkaibigan. Bigla silang napasigaw at napatalon sa gilid ng kalsada nang hindi inaasahan.

"Hoy! Ano ba 'yan?! Pare, lasing ka ba?" gulat na gulat na sabi ni Pancho sa drayber ng kotse. "Pambihira ka naman, o! Huwag mo namang gawing karerahan itong kalsada!" hirit pa ni Baste. Tumigil ang kotse sa harapan nina Pancho at Baste sabay na ibinababa ng drayber ang bintana nito. "Ano bang problema mo, ha? Pare?! Este, binibini pala?" gulat na gulat na sabi ni Pancho. Hindi niya akalin na isa palang babae ang drayber ng kotse. Siya si Yda. Mahaba ang buhok niya, morena at mayroong mapupungay na mga mata. Siya ang alalay ni Claire.

"Nako po! Mga bossing. Pasensya na po!" nag-aalalang sabi ni Yda kina Pancho at Baste habang inaayos ang kaniyang magulo at mahabang buhok. "Ano bang nangyari at muntikan mo na kaming masagasaan ng kaibigan ko?" nagtatakang tanong ni Pancho kay Yda na tila ba nagbago ang tono ng boses niya mula sa pagiging galit ay napalitan bigla ng malumanay na boses.

"Ganito po kasi ang nangyari. Habang nagmamaneho po ako, biglang tumunog ang cellphone ko!" natatarantang paliwanang ni Yda.

"Teka muna! 'Di ba bawal gumamit ng cellphone habang nagmamaneho ng sasakyan?" sabi ni Pancho.

"Oo nga, bawal yun!" hirit pa ni Baste.

"Hindi ko na po sana sasagutin 'yung tawag sa cellphone ko kaya lang panay ang tunog nito. Nakita ko na si Claire pala 'yung tumatawag sa akin. Bigla kong nabitawan ang cellphone kaya napayuko ako para damputin ito, kaya ayun!" paliwanag ni Yda.

"Teka muna. Tama ba ang narinig ko? Si Claire na sinasabi mo, eh! 'Yung sikat at magandang aktres?" gulat na gulat na tanong ni Pancho.

"Oo, tama ka! Si Claire, siya nga 'yung aktres!" sagot ni Yda.

"Eh! Ano ka naman ni Claire?" nagtatakang tanong ni Pancho.

"Ah eh, alalay ako ni Claire?" sagot ni Yda.

"Wow ha! Ang galing mo naman!" nakangiting sagot nina Pancho at Baste.

"Teka, saan ba kayo pupunta ng kabigan mo?" tanong ni Yda kay Pancho.

"Pauwi na sana kami ng bahay. Galing kami diyan sa sakayan ng dyip. Sa haba ng pila, eh! Hindi na kami tumuloy papunta sa Marikit Produksyon!" sagot ni Pancho.

"Sa Marikit Produksyon?! Eh, doon din kaya ako papunta ngayon!" sabi ni Yda.

"Ha?! Talaga?" nakangiting tanong ni Pancho.

"Oo, doon din. Nandoon si Claire ngayon. Sa katunayan nga inaantay na niya ako. Kung gusto ninyo para makabawi naman ako sa abalang nagawa ko sa inyo,eh! Puwede kayong sumabay sa akin. Kung papayag kayo?" tanong ni Yda at saka binuksan ang pinto ng kotse.

Biglang nagkatinginan ang magkaibigan at sabay sumagot ng," Sige! Makikisabay kami sa iyo!"

Biglang nangiti si Yda. "Eh! Ano pa ang inaantay ninyong dalawa diyan? Sakay na kayo!" nagmamadaling sabi ni Yda.

"Kapag sinesuwerte nga naman tayo Baste!" nakangiting sabi ni Pancho kay Baste.

"Hay salamat! Akala ko hindi na tayo makakapasok pa sa trabaho ngayong araw na ito!" natututawang sabi ni Baste.

Sumakay na sa kotse ang magkaibigan at pinaandar na ni Yda ang makina ng kotse. Tuluyan nang umandar ang kotse patungo sa Marikit Produksyon.

"Ah eh, binibini. Ako pala si Pancho at siya naman si Baste, ang matalik kong kaibigan," nahihiyang sabi ni Pancho kay Yda.

"Ay! Oo nga pala pasensya na. Nakalimutan ko ring magpakilala sa inyo. Ako pala si Yda," natatawang sagot naman ni Yda. "Ano pala ang sadya ninyo doon sa Marikit Produksyon?" nagtatakang tanong ni Yda.

"Ah eh, Doon kami magtratrabaho ni Baste bilang tagalinis," sabi ni Pancho habang inaayos ang kwelyo ng kaniyang polong suot.

"Wow! Ang liit talaga ng mundo! Doon din kasi naglalagi si Claire sa Marikit Produksyon. Tiyak lagi tayong magkikita-kita doon!" nangingiting sabi ni Yda. Habang umaandar ang kotse.

End of Chapter 2

© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay

All rights reserved 2017

All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author. 

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

No to Plagiarism!

Everybody have their own imagination. That's why there is no room for plagiarism.

Plagiarism is a CRIME! 


Si Pancho at ang Mahiwagang  LampasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon