Dumating na ang dapit hapon. Abala na naman si aling Gina sa pananahi ng mga basahan pagkatapos ang buong araw na pamumulot ng mga retasong tela sa telahan. Nang biglang may kumatok sa pinto.
"Tao po! Tao po!" sigaw naman ni aling Gilda habang kinakalampag ang pinto.
Si aling Gilda ay isang masungit na negosyante na mayroong tindahan sa palengke.
Biglang nagulat si aling Gina sa kalampag ng pinto at agad niyang binuksan ito. "Ay! Magandang umaga po! Aling Gilda, kayo po pala. N-napadalaw po kayo?" nangiginig na bati ni aling Gina.
"Hoy Gina! Ilang ulit ko nang tinatanong sa iyo ito, kailan mo tatapusin ang mga basahang inorder ko?" nakasimangot na tanong ni aling Gilda. "Aba eh, kung 'di ka nga lang pulidong magtahi,eh! Hindi ako magtiya-tiyagang magpatahi sa iyo, ha?!" dagdag pa ni aling Gilda na galit na galit.
"Nako po, aling Gilda! Pasensya na po! Medyo pumapalya lang po ang gamit kong makinang panahi," paliwanag ni aling Gina.
"Bakit kasi hindi ka na lang bumili ng bagong makinang panahi?" mataray na tanong ni aling Gilda habang nakasimangot ang mukha.
"Gustohin ko man po eh, wala po akong sapat na perang pambili," malungkot na sagot naman ni aling Gina.
Biglang nanlaki ang mga mata ni aling Gilda nang marinig ang sagot ni aling Gina. "Hoy! Huwag mong sabihin nagpaparinig ka?! Ano uutangan mo ako, ha?!" naiinis na sabi ni aling Gilda habang nakakunot ang nuo niyang kulubot.
"Ah eh, hindi po. Nagtatanong po kasi kayo kaya sinagot ko lang po ang tanong niyo?" sabi ni aling Gina habang napapakamot ng ulo na tila ba na parang mayroong mga kuto.
"Tse! Ikaw Gina, ha?! Huwag mo mga akong pilosopohin! Manang-mana talaga sa iyo iyang anak mong si Pancho, ha?! Diyan ka na nga! Basta yung mga basahan ko, tapusin mo na agad!" mataray na sabi ni aling Gilda habang nagpapaypay ng abaniko.
Umalis na si aling Gilda habang bubulong-bulong pa. Patuloy pa rin sa pagkakamot ng ulo si aling Gina na natatawa kay aling Gilda habang tinatanaw niya ito sa malayo.
Habang pauwi nang naglalakad sa kalsada sina Pancho at Baste na galing sa trabaho nakasalubong nila si aling Gilda.
"Kamusta po, aling Gilda!" nakangiting bati ni Pancho.
"Tse! Isa ka pa!" pasigaw na sagot ni aling Gilda kay Pancho.
Nagulat si Pancho sa naging sagot ni aling Gilda. "Ngii! Kinamusta ko lang, nagalit na agad. Anong nangyari kaya 'dun?" nagulat na tanong ni Pancho kay Baste.
"Aba, malay ko! Baka mayroong dalaw 'yun!" biro ni Baste habang tumatawa pa.
Nakarating na si Pancho sa bahay.
"Nay, mano po!" sabi ni Pancho at sabay na nagmano kay aling Gina. "Sige anak! Kaawaan ka ng ating Panginoon," malumanay na sabi ni aling Gina at saka inabot ang kaniyang kamay kay Pancho.
"Nay! Siya nga po pala nakasalubong ko po si aling Gilda sa kalsada. Mukhang may sumpong po yata ngayon?" natatawang sabi ni Pancho at saka bigla siyang umupo. At agad na nagtatanggal ng kaniyang sapatos.
"Hay! Nako anak! Galing siya dito. Kinukulit ako sa mga pinapatahi niyang basahan sa akin," sabi ni aling Gina habang patuloy sa pananahi ng mga retasong basahan. "Kaya lang kasi, eh! Paminsan-minsan pumapalya itong makinang panahi ko kaya hindi matapos-tapos itong mga tinatahi kong basahan," malungkot na sabi ni aling Gina.
"Ganun po ba 'nay? Hayaan niyo lang po pag–iipunan ko iyan sa suweldo ko. Bibilhan ko po kayo ng bagong makinang panahi. Yung automatic kahit hindi na po kayo mismo yung mananahi. Kusa na po itong mananahi," pabirong sabi ni Pancho habang natatawa pa.
"Mayroon bang ganun? Ikaw talaga Pancho, napakapilosopo mo!" natatawang sabi ni aling Gina.
"Eh, kanino po ba naman ako magmamana, eh! 'Di sa inyo po 'nay?" nakangiting sabi ni Pancho sa kaniyang inay.
End of Chapter 8
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, things, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© 2017 Kuya Ronnie Tagumpay
All rights reserved 2017
All rights reserved. No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording, or by an information storage and retrieval system without permission in writing from the author.
BINABASA MO ANG
Si Pancho at ang Mahiwagang Lampaso
MaceraWattpad #1 in ADVENTURE STORY 2017 ***WINNER OF 2017 WATTPAD WORLD AWARDS FOR BEST IN FANTASY STORY*** © 2017 Kuya Ronnie Tagumpay © All rights reserved 2017 First Published May 7, 2017 Story Started: May 7, 2017 All rights reserved. No part of this...