CHAPTER 27 - CHAIR OF TRUTH

32K 504 62
                                    

Abala sa pagpapalinya si Vane sa grupo ng mga estudyante na may reklamo tungkol sa mga puntos na binawasan sa kanila. Si Echo naman ang nag-aayos ng mga papel na kanilang sinulatan kung saan napapaloob ang kanilang hinain. Si Archer ay ang taga-paypay kay Serene na siya namang nakaupo kaharap ng mesa habang si Hale ay patingin-tingin lamang sa pagka-abala ng lahat. Isa-isang binabasa ni Serene ang mga reklamo ng mga estudyante at inuusisa niya ng mabuti ang mga iyon. Nagtatanong din siya sa apat na binata kung totoo nga ba ang mga nakasulat bago niya binibigyan ng bisa ang bawas sa puntos o di kaya ay pakawalan ng bisa ang bawas.

"A-anong ginawa niyo sa opisina ko?" gulat na tanong ni Thea. Kararating lamang niya at nagtataka siya kung bakit ganun na lamang ang pila sa labas ng Psychiatric Ward. Puno ng pagtatanong ang kanyang mga mata habang naghihintay siya ng paliwanag kina Serene at Echo. "Can you explain what's happening?"

"Ah-eh" nataranta si Serene at hindi magawang sagutin ang tanong ni Thea kaya siniko niya si Archer na siya ang magpaliwanag.

"Ah Miss Thea ganito kasi yun." simula niya nang mapansin niyang nagpameywang si Thea at seryoso siyang tinignan. "Huy, bakit ako ang magpapaliwanag?" napaatras si Archer at bumulong kay Serene.

"Ka-kailangan kasi namin ng pansamantalang opisina Thea eh ito lang ang naisipan naming lugar." paliwanag sa huli ni Echo na pahina ng pahina ang boses habang dumarami ang salitang nasasambit.

"Sa bilang ng tatlo..."

"A-anong bibilangan mo?" natatarantang tanong ni Vane.

"Sa bilang ng tatlo kung sino man ang mananatili sa kuwartong ito ay mababawasan ng dalawang puntos." malakas na banta ni Thea na halatadong ipinaparinig niya ito sa lahat ng naroon. "Isa!"

"Tara na!" sigaw ng isa sa mga estudyante at mabilis naman na sumunod ang mga iba sa pagtakbo.

"Dalawa!"

"Thea, pwede ba kaming magpaliwanag?" pigil ni Serene kay Thea.

"At sa lahat ng tao Serene, ikaw ang hindi ko aasahang papayag dito." galit na sagot ni Thea.

"Pero ginagawa ko lang naman ang trabaho ko bilang Prefect at tinutulungan lang ako nilang apat kasi hindi naman ako sanay na may lumalapit sa aking ibang lalake maliban sa kanila." paliwanag ni Serene. Napaisip saglit si Thea at napalingon ulit. Nang makitang wala na ang ibang estudyante at ang tanging naiwan na lang ay ang grupo ni Serene ay tsaka siya bumuntong hininga at napaupo sa isang upuan.

"Babawasan mo ba kami ng puntos?" tanong ni Vane kay Thea samantalang hinimas ni Thea ang kanyang sentido.

"Hoy! Babaero imasahe mo naman si Miss Thea." utos ni Vane kay Archer at mabilis naman itong napatakbo sa kinaroroonan ni Thea pero bago pa man niya masimulan ang magmasahe ay pinigilan na siya ni Thea.

"Kung gagawin niyo iyan ay siguradong mababawasan kayo ng puntos." babala ni Thea kaya napa-atras si Archer. Nagkasisihan pa si Archer at si Vane nang mapansin nila na mas narindi pa si Thea ay napakagat na lang sila sa kanilang mga labi.

"Oh siya, pero hanggang Biyernes lang."

"Pumapayag ka na?" tanong ni Serene at tumango naman si Thea.

"Yes!" sabay-sabay pa nilang saad.

Sunod na napatingin si Thea sa kumpulan ng papel na naiwan sa may mesa at napakunot ang noo niya.

"Ganyan karami ang reklamo?" di makapaniwalang tanong ni Thea.

"Ang mga gurong iyan kasi! Isa pa yang Balthemore na yan!" galit na sambit ni Vane.

"Karamihan sa mga guro ay nag-iba ng ugali simula ng nagsimula ang linggong ito." dugtong ni Archer.

"Pero masyadong maaga naman para husgahan niyo si Mr. Balthemore." depensa naman ni Hale.

BOYS OF EDEN (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon