ANNE POV
Excited akong pumunta sa bahay ni Cy. Dalawang araw rin kaming hindi halos nagkausap. Sa dalawang araw na 'yon ay sa tawag at text lamang ang interaksyon namin.
Ayos na kami ni Rhea. Wala naman pala kaming problema. Nagkausap na rin kami. Ang pag-iyak niya noong welcome party ng kuya niya ay hindi dahil sa akin. Hindi niya na kinuwento ang buong pangyayari. Humingi siya ng paumanhin sa inasal niya. Naintindihan ko naman siya kaya naman naisipan kong samahan muna siya sa loob ng dalawang aral. Namasyal kami kung saan-saan. Napansin ko ang pagbabago sa kanya. Lately, naging malulungkutin siya. Parang pinipilit na lamang ang sarili niya na magbiro at ngumiti. Ilang beses ko siyang tinanong kung okay lamang siya at ang tanging sinasagot lamang niya sa akin ay 'oo naman'.
Na-miss ko si Cy. Balak ko sanang pumunta ng Rioza para makita siya. Hindi siya pumayag. Yun pala, day off niya ngayon.
"Manong, sa tabi na lang ho."
Pagtapos kong magbayad sa driver ay mabilis akong bumaba ng taxi.
Ilang beses akong nag-doorbell sa gate pero walang nagbukas. Tinawagan ko na si Cy. Umalis ba siyang muli?
Tatlong ring muna bago niya sinagot.
"Anne. . ."
"Wala ka ba sa bahay mo,Cy?"
"Nandito ako. Why?"
"Uhm, nandito na ako sa labas. Sira ba ang doorbell mo?"
Wala na akong narinig mula sa kabilang linya. Nakita ko na lamang ang pagbukas ng pinto at iniluwa no'n si Cyfer.
Binaba ko ang phone ko at nginitian siya. Gumanti siya ng ngiti. Agad niyang binuksan ang gate at pinapasok ako.
"Sorry,hindi ko narinig. Kanina ka pa ba?"
Umiling ako. Napadako ang tingin niya sa hawak kong box ng sikat na donut house.
"Akin na 'yan. Ako na magdadala." inagaw niya ang box sa kamay ko. "Nag-abala ka pa."
"Baka kasi hindi ka pa nagmemerienda." nakapasok na kami sa bahay. Medyo makalat pa nga. Ayos lang. Hindi naman ako maarte. Isa pa, alam kong nagiging busy si Cyfer nitong mga nakaraang araw.