Althea's POVMainit ang ulo na pumasok ako sa opisina. Pinaasa lang kasi ako ng buntis kong asawa. Hmp! Isinama kasi siya ni Mama na mamasyal sa labas upang maarawan. Mainam daw kasi iyon sa mga nagbubuntis.
"Ma'am bakit parang palagi ka na lang malungkot? May problema ba kayo ni Ma'am Jade?" May pag-aalala sa boses na tanong ng sekretarya kong si Sanya.
"Ako lang ang may problema Sanya." Sagot ko na hindi tumitingin sa kanya. May mga email kasi akong binabasa.
"Pasensya na Ma'am kung masyado akong matanong. Ito na pala yong documents na kailangan mo."
Marahas na napabuntong hininga ako bago bumaling sa kanya. "Sanya noong magbuntis ka ba sa anak mo, palagi ka rin bang naiinis sa asawa mo?"
Bigla siyang natawa nang tila may maalala. "Oo Ma'am.. sawa pa siya ng kagat sa akin. Hindi ko alam kung bakit palagi akong gigil na gigil sa asawa ko noong nagbubuntis pa ako kay Clark."
"So normal pala talaga kay Jade na ipagtabuyan ako palagi?"
"Naku! Ang maipapayo ko lang sayo Ma'am. Ibahin mo ang gamit mong pabango. Dapat hindi masyadong matapang katulad ng ginagamit mo ngayon."
Inamoy ko ang sarili ko. "Mabango naman ah.. gustong-gusto nga ito ni Jade noong hindi pa siya nagbubuntis."
"Pwes! Iba na ngayon Ma'am. Lahat ng amoy mo na makakapagpaalala sa kanya dapat pansamantala mong palitan. Maging ang shampoo, sabon at lotion, palitan mo rin muna."
"Hmm.. ganon ba? Favor naman Sanya."
"Ano yon Ma'am?"
"Maaari mo ba akong samahang bumili ng mga kakailanganin ko?"
"Sige Ma'am walang problema."
"Okay salamat." Ngumiti ako sa kanya. "Mabuti na lang pala at nakapagtanong ako sayo. Hindi ko na kasi alam kung anong gagawin ko."
"Ganyan talaga kapag buntis Ma'am. Habaan mo na lang ng konti ang pasensya mo sa kanya."
"Iyan ang pinag-aaralan kong gawin Sanya kahit napakahirap intindihin kung minsan."
++++++++
Pag-uwi ko sa condo kinahapunan ay nadatnan ko ang asawa ko sa living room na busy sa pagbabalat ng tatlong malalaking piraso ng manggang hilaw. Isa-isa niya itong binabalatan.
Lumapit ako sa kanya at hinalikan siya sa bandang bunbunan niya. "Baby hinay-hinay lang sa pagkain niyan at baka masobrahan ka. Ubusin mo muna ang isa bago ka ulit magbalat ng isa pa."
"Mauubos ko itong lahat love." Napangiwi siya nang mapatingin sa akin. "Tsk! Ang baho mo love. Lumayo ka nga sa kin." Hayan na naman po siya. 😬
"Okay shower na muna ako." Paalam ko sa kanya.
Masubakan nga itong mga binili namin ni Sanya. Baka sakaling hindi niya na ako ipagtabuyan.
Muli ko siyang sinulyapan nang malapit na ako sa pintuan ng kwarto. Grabe! Nakakapaglaway siyang kumain. Napakaasim ng manggang hilaw na iyon. Partidang wala siyang sinasaw-sawan kahit man lang sana asin. Diretso lang siya sa pagsubo sa bibig niya ng manggang hiniwa niya ng maliliit. "Baby ang asim niyan. Isaw-saw mo kaya sa bagoong."
"Ew! Nasusuka ako sa amoy ng bagoong. Mas masarap na ganito lang siya."
Napapalunok ako ng laway habang pinapanood ko siyang kumain ng manggang hilaw. "Okay ikaw ang bahala." Sarap na sarap talaga siya sa kinakain niya.
"Love ibili mo pa ako nito bukas ha? Ang sarap eh." Jusko po nagrequest pa talaga siya!
"Sige magtitingin ako kung saan may nagbebenta niyan." Naiiling na pumasok na ako sa loob ng kwarto upang makapagshower na.
BINABASA MO ANG
You Got Me
FanfictionSabi nila ang One Great Love raw ay mahirap kalimutan. Lalo na kung malalim ang iniwang sugat sayo. Ngunit paano kapag natagpuan mo ang One True Love mo? Iiwas ka ba sa takot na masaktang muli? More JaThea's love story po ulit. 😉